Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Madelle Calayag Jan 2020
Maaga kong nilisan
ang lupang sakahan
Tinahak ang lugar
na maingay at magara,
ito pala ang Maynila.

‘di napigilan ng tirik na araw
ang aming pagkukumpulan.

Nagkamayan
kaming magkakabrad,
Simula na ng himagsikan.

Sariwa pa sa alala
kung pa’no
kami inagrabyado.
Itinulak.
Binugbog.
Tinakot.
Ginamitan ng dahas.

Sa plano ng gobyerno
kami pa rin pala ang talo.

Paano pa kami mabubuhay
kung wala ng lupang mapagtatamnan?

Akala ko sa bundok
o gubat lang may ahas
-yun ay sa akala ko lang pala.

Sa’ming magsasaka’y
Kumukulapot ang putik
Ngunit
sa inyong mga nakabarong,
animoy
walang duming nakabahid.

Sa inakala kong
tubig lang ang maaaring
idilig,
Dugo
pala nami’y pwede ring
pumatik.
Tila ba ang gobyerno’y namamanhid.

Nasaan na
ang pinangako nyong
libreng abono?

Ginawa nyo na bang pataba
sa mga bulsa nyo!?

Sa pagpunta
ng mga imperyalistang bansa,
Matutulugan
pa ba kaming mga dukha?
Makatatayo ako
sa aking pagkakadapa
Ngunit
ang bayan
kong nakalugmok ,
makakaahon pa kaya?
I wrote this four years ago for the Filipino farmers
Levin Antukin Jun 2020
ilang beses mo itinatakda sa telepono
ang alarmang gigising sa 'yo kinaumagahan?
tipong ididilat mo na lamang ang mga mata,
magdadasal, babangon, iinom ng mainit na kape,
at wala nang iba.

sana ganoon din dito sa amin.

sa munting tahanan namin dito sa mandaluyong,
pinalaki kaming alerto sa wangwang ng mga bumbero.
ito ang alarmang gigising sa 'min
kahit kami'y mga gising na.
mapapipikit ang mga mata sa takot,
sabay takip ng tainga,
dahil sa sunod-sunod na sunog,
tanaw mula sa bintanang karatig ng kama.

paano nga ba matulog nang nakatatak sa isipan
ang sangkatutak na pamilyang walang matutulugan?
tag-ulan pa naman, maaaring bumaha.
at sa tanghali kinabukasan ay bilad sa lansangan.

paano nga ba matulog sa ugong ng mga trak
na kumakalampag sa dingding,
nanunuot ang alingawngaw sa balat?

paano nga ba matulog sa ilalim ng kahel na kalangitan?
takipsilim sa pagsapit ng alas-dyis ng gabi.
kinain ng nagniningas na apoy ang orasan.

pribilehiyo na
ang tanungin ang sarili
kung paano ka gigising bukas

'pagkat paano nga ba sila matutulog?

— The End —