Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mira Alunsina Jan 2018
Tahimik at tila nawalan na ng ganang huminga ang mundo
Nakasarado ang mga labing to pero alam kong punong puno
ng mga sigaw
ng mga hagulgol
ng mga mura
na pinipilit na hindi makawala
Dahil alam ko na kahit ang boses ay maubos
hanggang sa tuluyan nang mapaos
Hindi mo pa rin pakikinggan
Dinadaan nalang ang mga sakit na naipon
sa pagsulat sa basang pahinang pinipilit mang pagtagpiin
ay tuluyan nang napupunit
Gawa ng mga luhang kumakawala sa mga matang bulag
Marahang pinapahid dahil sa namamagang pisngi
Katulad ng pag-iibigan natin
Sa pahinang ito
Tuluyan nang nawasak at paunti unti nang naglalaho
Nabura na ang tinta at naging malabo na
ang mga salitang Mahal na mahal kita
Ipipikit nalang ang mga mata para tumigil na
Kasabay ang paghaplos sa nanlalamig na espasyo
Sa bandang kaliwa ng ating kama
Dito dating nakahimlay ang isang nilalang na nagbigay halaga sa kalawakan
Ang nagparamdam ng tunay na kahulugan ng buhay at pagmamahal
Pinapaniwalang ang pag-iibigan ay tunay at magtatagal
Pero mahal
Bakit ang mga halik ay napalitan ng mga mura
Ang mga yakap ay napalitan ng mga sampal
At ang mga matamis na ngiti ay napalitan na ng matalim na mata
Nasaan na ang pinangakong walang hanggan?
Alam ko kung gaano kasakit ang mawalan
Alam ko kung paano mawasak ang mundo ng isang iniwan
Pero alam mo ba kung ano yung pinakamasakit?
Magkatabi tayo at magkadikit ang mga balikat
Walang matitirang espasyo sa gitna dahil sa liit ng higaan
Pero hindi ko maramdaman na nariyan ka
Mali..
Alam kong andiyan ka pero alam ko rin na ang pagmamahal mo ay naglaho na
Sabi nila masakit makita ang mahal **** may kasamang iba
o hanggang kaibigan lang ang tingin niya
o wala na siyang ibang nabanggit kundi ang isang taong ayaw sa kanya
Putang ina
Hindi nila alam na mas masakit ang nararamdaman ng isang tangang katulad ko
Na pinipilit pinapaniwala ang sariling mahal mo pa ako
Mas masakit yun
Mahal hindi mo ba nakikita ang mga mapuputlang labi na minsan mo nang nahagkan?
Hindi mo ba naririnig ang mga hikbi na pinipilit kong itago pero hinihila pa rin palabas ng pighati?
Hindi mo ba nararamdaman kung gaano kita kamahal, kung gaano ako kahangal?
Gusto ko lang naman pakinggan mo ako
Gusto kong malaman mo na ayoko na
Na kahit ayoko na ay ayoko pa
Ayoko pang bumitaw
Dahil natatakot akong maligaw
Sa paniniwalang ang iyong palad ang gabay sa mundo kong minsan nang naging bughaw
Ayoko pang mawalay sayo
Ayoko pang ako’y iwan mo
Tawagin mo na akong tanga, gaga, boba
Pero Mahal kita
Pero Ayoko na
Ayoko na sana
Sana pigilan mo ako sa pagtangka kong pagbitaw
Pigilan mo sa pagsulat muli sa mga basang pahina dahil huli na to
Halikan ang mga nakasaradong labi nang mapalitan ang mga mura ng mahal
Mahal kita
Oo na hanggang sa huli
Kahit matagal nang sinasabi ng mga mata, labi at puso ko
At nakasulat sa huling basang pahina na ito
Na Ayoko pa, mahal ayoko na.
072924

O kayraming pangarap na binuo —
Binuno sa sariling salamangka.
May ibang nagwawaging nakangiti,
Habang ang ila’y nalalagas kamamadali.

Nakamamangha nga sa umpisa
Pagkat ito ang batayan ng karamihan
Sa tinatawag nilang  “makapangyarihan.”

Silakbo ng damdami’y aking pinatatahimik
Bagamat sa mga sandaling iyo’y
Gusto ko na lamang mapaos
Sa mga himig na inaanod patungo sa aking lalamunan.

Patuloy ang pagsuntok ko sa buwan
Hanggang sa maging gula-gulanit maging aking kasuotan.
Ngunit sa patımpalak na ito’y
Wala naman pala akong ibang kalaban
Kundi ang sarılı kong anino,
Ang kumunoy ng aking nakaraan.

Madilim —
Madilim ang paligid saanman ako dumako.
May hiwaga pa nga bang taglay ang Liwanag?
Kung ang sinag Nito’y mas maaga pa sa Pasko.

Mahiwaga —
Ganyan nila ituring ang mga alitaptap
Na para bang may isang diwatang
Umaaliw sa kanila,
Naghahayag ng kung anu-anong mensaheng
Wala naman palang kabuluhan
Kaya’t sabay-sabay silang mauubos
Na parang mga paupos na kandaling
Wala nang balak na sindihan pa.

Sino nga ba?
Sino nga ba ang aking susundan?
Napapatid, napapagod, nanlulumo’t nakikiusap
Na ako’y hatulan na lamang ng kamatayan
Nang mabaon na rin sa limot
Ang mga alaalang dumi sa’king katauhan.

Tinatanong ko ang sarili
Kung bakit nga ba paulit-ulit ang daan?
Wala nga bang magtutuwid sa mga lubak nito?
Ito na nga ba ang dulo ng bahaghari?
At sinu-sino nga lang ba ang makahaharap sa Liwanag?

Ako at ang kadiliman
Ako at ang liwanag.
Sino nga ba ang pamato?
Sino nga ba ang tunay na kalaban?

Subalit kung ako ma’y isang anino na lamang,
Ako’y pipisan pa rin sa mga yakap ng Buwan.
At kahit pa ako’y mahuli sa kanilang takbuha’y
Sigurado pa rin akong
May liwanag pa rin sa aking sinusundan.

Ikaw, Anong tantya mo?
Makararating ka rin ba sa dulo?
Ikaw, anong pasya mo?
Tataya ka ba o mananatiling isang anino?
Francisco Ocampo Mar 2020
Ikaw pala yan, yung taong palangiti at palaging masaya.
Ikaw pala yan, yung taong kalungkutan ay halos hindi makita.
Pero tila ba nagbago na yung taong nakasanayan nila.
Saan napunta yung ngiting kayang makapagpasaya ng iba?

Yung dating masigla at makulay, ngayo'y napapalibutan ng kadiliman.
Tuwing babalikan ang kahapon, masasabing isa kang liwanag na walang hangganan.
Ngunit anong nangyari at parang pagod na pagod ka?
Hindi na nga ba maibabalik yung dating sobrang saya?

Iyong mga mata ay napagod na, kakahanap sa kalutasan para sa iyong mga katanungan.
Ang iyong boses ay halos mapaos na,  kakasagot sa mga katanungan na "ayos ka lang ba".
Sa bawat gabi na ika'y nag-iisa, hindi mo man sabihin alam ko'y meron kang pangamba.
Takot na baka bukas ikaw nalang mag-isa, o takot na baka sumuko ka nalang bigla.

Hindi man tayo sobrang magkakilala, pero gusto ko lang sabihin na sana marunong ka din magpahinga.
Walang masama kung ika'y magpapabida, pero huwag kalimutan na ikaw ay mas mahalaga.
Bilang isang paalala, mga katagang ito'y aking iiwanan na.
Ikaw na nagpapanggap, kamusta ka na?
kahel Jul 2021
ang inialay ay lubos
patuloy lang ibubuhos
hanggang puso’y mapaos
hanggang sa maupos
hanggang sa maubos
kailan nga ba 'to matatapos

— The End —