Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Hanzou May 2018
Minsan naiisip ko kung bakit madalas akong nag-aalala sayo.
Madalas din kung maramdaman ko na sa bawat minsan nasasaktan ako.
Minsan wala akong maramdaman.
Madalas nagiging manhid nalang.

Minsan ginugusto ko nalang na biglang mawala.
Madalas sinasabi ng isip ko na 'wag magpapabigla.
Minsan naman nakakasanayan ko na tiisin ang pagkalungkot.
Madalas hindi ko kinakaya, mahirap, matindi, makirot.

Minsan napapatanong ako kung, "Minsan lang, pero ba't napapadalas?".
Madalas na kase akong matulala kakatingin sa larawan nating kupas.
Minsan nasasagi sa isip ko, "Kuntento ka pa ba? O sawa ka na?".
Madalas akong natatakot, nababalisa, 'di mapakali, oo, sobra na.

Minsan ko nang nagawa ang ibalewala ang iba, walang nakikita, kahit nandyan na.
Madalas ko ding sinasabi sa sarili na wala akong alam noon, kahit 'di na tama.
Minsan naisip ko na baka bumalik sa'kin, at karmahin ako.
Madalas namang kinokontra ng isip ko, ang damdamin ko.

Oo nga pala, minsan na din akong nagloko.
At ngayon nararanasan ko, ang madalas na pinaggagagawa ko.
Kahit sabihin pa na minsan lang, kahit minsan lang na nangyari.
Madalas ko ng maranasan, minsan, madalas, bumabalik sa akin ang ginawa ko dati.
Sho Victoria Apr 2018
Di ako umiiyak sa away o sigawan.
Umiiyak ako sa labis na katahimikan.
Sa mga panahong kailangan ko ng kasama
Sa mga panahong pati sarili'y ayaw ko na.

Mga kumukuliglig na huni at bulong.
Mga inipit na hikbi at paghingi ng tulong.
Lahat ‘yan ay naninirahan sa isipan.
Lahat ‘yan ay mahirap takbuhan, mahirap takasan.

Bumibilis na tibok ng puso,
Malalamig na pawis na sa leeg ay namumuo
Mga hiningang hinahabol ang takbo,
Magang mga matang nagmamakaawang ang luha'y huminto.

At unti-unti
Hihimasin ang isip
Mula labas palalim sa loob
Unti-unti
Pipigain ang puso
Makirot sa una ngunit nakakamanhid rin pala kapag nasanay na.

Hahalungkatin ang nakaraan,
Nang dumilim ang kasalukuyan.
Babasagin ang kasalukuyan,
Nang mabaling ang tingin sa iba maliban sa harapan.

"Huwag kang mag-isip."
Ang abiso nila.
Ngunit diba nila naisip
Na tila ka na ring sinabihan na:

"Huwag kang huminga kung ayaw mo na."

"Huwag kang tumingin kung nahihirapan ka."

"Huwag kang makaramdam kung nasasaktan ka."

Huwag ka nalang mabuhay kung di mo na kaya."

Oo, ayaw ko na.
Lahat kinatatamaran pati paghinga.
Bawat gabing inilaan sa iyak.
Tila ang isip, pinipilit na mabiyak.

Oo, nahihirapan na.
Di maiwasang tumingin sa mga mata
Ng iba't ibang taong may iba't ibang kwento.
Ng iba't ibang ngiti sa kabila ng malungkot na  mga anino.

Oo, nasasaktan na.
Mula sakit, gusto ko nang kumawala
Mula sa kadenang mas malambot pa sa bakal
Ngunit kung hawakan ka tila ka sinasakal.

Oo, di ko na kaya.
Sana nga tumigil na.
Na bawat umaga nagdarasal akong gabi na
At sa bawat gabi, nananalangin akong matapos na.

Ang sinimulang buhay na inilaan sa iyak.
Inilaan sa pag-iisip na sa bawat takbo tila ka winawasak.
Bukas sa lahat ng bagay mabuti man o masama.
Bukas rin sa posibilidad na ipagpatuloy pa o tapusin na.

Ito.

Ganito.

Ganito kahirap, ganito kasakit.

Ganito kasimple ang isang atake.

— The End —