Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Lev Rosario Sep 2021
At kumawala ako sa panahon
Ako
Hawak ang camera
Pagkatapos kunan ng letrato
Ang pamilya
Sa lumang bahay
Na unti unting ginigiba
Nang mga elemento

Sino ba ako?
Sino itong mga kasama ko?

Nasa dulong kanan
Ang aking tinatawag na Ina
Naka puting T shirt
At itim na pantalon
Malaki Ang ngiti
Pero tila may tinatago
Sa likod ng mga mata

Nasa dulong kaliwa
Ang aking tinatawag na Tito
Bitbit ang kanyang Dachshund
Ang anak ay
Hindi imbitado sa handa
Yumaman sa pagtatrabaho
Sa Estados Unidos

Sa Gitna
Ang aking tinatawag na Lola
Hindi na ngumiti
Ubos na ang mga araw
Kung saan siya'y napapangiti
May sugat na hindi na gumagaling
Dahil sa Diabetes

Nakapaligid Ang iba
Mga pinsan, Tito at Tita
Makukulay ang suot
Maiingay at matatakaw
Bata at matanda

Lahat ng ito
Kasama ako
Nanggaling sa iisang matris
Mula bata hanggang pagtanda
Nakipagsalamuha, naglaruan, naglakihan, nagmahalan, nag awayan...
Ito kami
Ito ako

Ano ang ibig sabihin nitong lahat?

Nakatitig ako sa letrato
Habang natunaw ang madla
Maya't maya ay uuwi na
Sa kani-kanilang tahanan
Iisa ang pinanggalingan
Saan ang patutunguhan?

Sino ba ako?
Sino itong mga nasa letrato?

Ako ay may ina
Ang aking ina ay may ina rin
At ang ina ay may ina rin
At ang ina ng ina ay may ina rin
At ang ina ng ina...

Katabi ng aking Tito
Ang panganay na pinsan
Muntik nang mamatay sa dengue
Noong kabataan
Naghahanap na ng trabaho
Naghahanap na rin ng girlfriend

Bawat isa ay may pangarap
May iba't ibang Diyos
May iba't ibang lengguwahe

Ako
Ang tagakuha ng letrato
Sino ba ako?
Miyembro ng isang pamilya
Estudyante, kapatid, anak, pinsan, pamangkin, kaklase, kalahi
Tagasulat ng tula na ito
Tagakuwento ng mga nakalimutan at  makakalimutan
Tagapagmahal ng mga taong pwedeng mahalin
112622

Balikan natin ang mga pahina ng kasaysayan
Bagamat may iilang tekstong isinawalang-bahala na.
Mga pahinang hindi na nagawaran
Ng konkretong kalinawagan
Bunsod sa kusang pagpapasakop natin
Sa mga banyagang hayagang dumidikta
Sa ating kultura maging adhikain.

Hindi man natin nalimot
Na tayo’y minsang nakipisan sa mga bahay kubo,
Tayo pa rin ay tumawid sa lubid ng kamangmangan —
Ilang ulit na‘t tila ba hindi na tayo natuto sa mga kamalian ng nakaraan
Hindi lang tayo basta nabitag,
Bagkus rehas ay atin pang ipinagtibay.

Oo, tayo lang naman ang bumihag sa ating mga sarili
Kusang sumiping at nagpatali
Hanggang huli na nang mamalayang
Hirap na pala tayong kumawala
Sa mga buhol na tayo mismo ang may sulsi.

Iniibig natin ang Pilipinas gamit ang ating bibig
Ngunit ang bandilang ating iwinawagayway
Ay hindi na pala ang sariling atin.
Hindi masamang makisabay sa uso
Ngunit wag nating kaligtaan na tayo’y mga Anak ng Bayan.

Hindi rin mainam na tayo’y magpasakop
Sa samu’t saring ideolohiyang inihahain sa atin.
Pagkat hindi porket nasa hapag na’y
Ito’y para sa ating upang nanamnamin.
Wag kang hangal, Inang Bayan!

Isinisiwalat natin na tayo’y tunay na mga kayumanggi
Gamit ang mga sandatang hiram
Ngunit sa ating pakikibaka’y
Hindi ba sapat ang ating armas
At kailangan pang umasa sa kanilang lunas?

Pluma ang naging sandata noon
Ngunit maging ang ating Bayani’y
Hinayaan na nating maging pipi.
Mga lata’y maiingay
Sa araw-araw nating pakikipagkalakal.

Kahit saan tayo sumipat,
Tayo’y natutukso pa rin —
Bumibigay at bumibitaw, nalilimot maging tapat.
Aahon nang nakapikit,
Maging lenggwahe’y pahiram na rin.

At kung tayo ang huhusga
Sa ating walang modong mga nagawa’y
Linisin natin ang sarili nating mga dumi’t
Wag nang hayaang maging pabigat sa iba.

At Bandilang ginula-gulanit
Ay sama-sama nating susulsihing muli
Nang ang mga galos ng nakaraa’y
Maging umaapaw na pabaon sa ating mga iiwan.

Sa pamamagitan ng ating pagbubuklod,
Tayo’y magiging isang buong Pamilya.
At magbabalik ang sigla
Na minsan nating hinayaang kainin ng mga bukbok
At anay ng ating pagkawatak-watak.
louise Apr 2022
Isa,dalawa,tatlo.Binibilang ni Renren ang bawat segundong lumilipas habang siya ay tumatakbo.Kung papaanong binibilang niya ang oras noong kabataan nila habang naglalaro ng taya-tayaan.Ngunit iba na ngayon.Hindi na mga maiingay na paslit ang humahabol sa kaniya.Bagkus,hinahabol siya ng mga nagsisigawang naka-itim.Nakaitim sila ngayon ngunit alam niyang sila ay talagang dapat naka-asul.Ngayong gabi,sila ay nakaitim at walang mga plakang ginto o pilak ang nagniningning sa kanilang mga dibdib.
     Isa,dalawa,tatlo.Sunod-sunod silang nagsusulputan mula sa likod ni Renren.Nariyan na sila.Pagod na siya.Kapos na siya sa hininga at manhid na ang kaniyang mga paa.Ngunit hindi siya maaring tumigil dahil paparating na ang mga anino ng baluktot na hustisya.Alam ni Renren na wala siyang ibang magagawa kung hindi tumakbo.
     Isa,dalawa,tatlo.Ilang iskinita na ba ang sinuot ni Renren upang magtago?Pilit niyang sinisiksik ang sarili sa bawat sulok upang matakasan ang kapahamakang dulot ng mga aninong dapat naka-asul,mga aninong dapat sa kaniya ay naniniwala’t nagtatanggol at hindi humahabol nang hindi nagtatanong o nakikinig.Nagtatago siya dahil alam niyang wala siyang iba pang mapaparoonan o mahihingian ng saklolo.Tulog ang batas ngayong gabi,wala siyang mapupuntahan.Kaya’t heto si Renren,hindi mapakali sa sulok at basa ng malamig na pawis.Nanginginig ang kaniyang laman sa takot at awa sa sarili.Sana bata na lamang siya uli at ito ay isang normal na laro lamang ng tagu-taguan ngunit hindi.Nagulantang siya nang may isang malakas na sipa ang sumira sa pinto ng kaniyang pinatataguan.Nanigas siya sa kaniyang puwesto.Ayaw pa niyang mataya.
    Isa,dalawa,tatlo.Ilang mura ang binitawan ng isa sa mga anino.Ngayon ay papalapit na sila kay Renren.Agad nilang hinila ang mga braso nito sabay sabunot sa ulo ng lalaki upang patingalain at ipamalas ang panggagalaiti’t pakiramdam ng kapangyarihang mababakas sa kanilang mga mukha dahil ngayon sila ang mga hari,sila ang batas.Bagama’t napapalibutan,nagpupumiglas pa rin si Renren.Sana larong bata na lamang ito.Sana pwede siyang magsabing,“Saglit!Taympers.Pagod na ako.“Ngunit hindi maari dahil iba na ang laro na ito.Ang larong ito ay walang ibang pinapanigan o pinapakinggan kung hindi ang mga nakauniporme’t ang matandang lalaki sa upuan.Umiiyak na si Renren.Ayaw pa niyang mataya."Wag po!Wag po!Hindi po ako.Sir,maawa po kayo.Inosente po ako—”
     Isa,dalawa,tatlo.Tatlong magkakasunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa parte ng lungsod na iyon.Taya na si Renren.At sa mga huling segundo ng kaniyang buhay inisip niya na sana tulad nung bata siya,kapag pagod o nasasaktan sa siya sa paglalaro ay iuuwi siya sa kanilang bahay,siya ay tutulungan.Subalit sa larong ito,palaging ang mga tulad ni Renren ang talo.
      Sa pagsapit ng umaga,uuwi ang mga anino at magsusuot muli ng asul,hahalik sa kanilang mga naglalarong batang anak o kapatid,nangangakong ipagtatanggol nila ang mga inosenteng inaalipusta’t inuusig—isang pangakong hindi natutupad. At walang Renren na uuwi sa tahanan nila,bagkus ay may bagong malamig na bangkay ang ipapakita sa telebisyon,tatanungin ang matanda sa upuan kung bakit ganoon ang sinapit ni Renren.Ngunit wala siyang ibibigay na tama at maayos na sagot dahil sa larong ito,siya ang Diyos,ang mga aninong dapat naka-asul ang instrumento,ang bansa ang palaruan at mga buhay nila Renren ang isinusugal.
I wrote this back in January 2017, when bodies of innocent people were piling up on the streets and fear haunted the slums Manila. It was during the midst of the ****** drug war the current officials were waging against God knows who. The purpose itself ( which was mitigating the damages of drug addiction and drug-related crimes in our country and extinguishing drugs in general ) was actually good but with it being executed without any concrete planning and any consideration of the people’s constitutional rights, it was doing more bad than good. I hope that these extrajudicial killings and rising number of police brutality cases will soon be put to a stop. I trust that our leaders will be enlightened in one way or another.
nilalamig, nanginginig, nanghihina, at humahangos,
sa siksikan na lugar, pinipilit kong umusad at makaraos.
ang sakit ng puso’y nagpaparamdam sa paos niyang sigaw ng “tigil!”
sa mga matang hindi alam ang ginagawa pero ayaw magpapigil.

naghahanap ng sagot, nangungulila sa gustong pagmulan nito,
ang mga paa’y hinahatak palayo sa direksyon mo.
paurong-sulong ang isip na tanging laman ay ikaw,
nagmamakaawang nakaluhod, pilit nang nag-aayaw.

nananakit na ang leeg kakahanap sa kanyang noo’y sandalan,
naiiyak na inaalala ang nagtapos kamakailan lang.
ngayo’y naglalakad mag-isa sa gitna ng maiingay na tao,
dahil sa manhid, wala nang pakialam kahit natutulak at nabubunggo.

bagsak ang mga balikat, ang mga tuhod ay sumusuko,
paubos man ay lumalaban ang mahinang bulong ng puso.
umaasa na sa konting sakit at hintay pa, baka ako pa rin—
na sa aking paghahanap ay makita ka at ang iyong mga matang naghahanap din sa akin.

— The End —