Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
AUGUST Sep 2018
Sino ba ang modernong vincentiano?
Ano ba ang kanyang pagkatao?
Nagtatanong sa sarili ko
Habang pinagmamasdan ang mahinanang kamay
Kung anong magawa ko
Dito ba sa munting palad nakahimlay
Ang lahat ng kakayahan ko?

Anong meron ako, anong meron tayo? kundi kaalaman.

Kaalaman na di galing sa sabi sabi nilang “hugot”
Kundi sa piraso ng mga aral na ating pinulot
Dahil sa disiplina tayo y nililok
Ang kabutihang asal sa diwa ay pumasok

Mula sa Mga **** nating tinuturing na magulang,
Mga mababang tao na ating ginagalang,
Mga taong nakilala mula ng tayo’y musmos pa lang
Ipinamana sa atin ang pananampalataya, pagpapakumbaba, at kabutihan

Ang tanggapin ang katotohanan,
At hangganan ng kakayahan
Ang malaman ang kahinaan, kahit may kasimplehan
Pilit inaabot ang makatulong ng buong kalooban

Ng walang hinihintay na kapalit
Tulad ng modelo nating si San Bisente (st. Vincent)
Na sa pagtulong ay di napagod
Kaya sa mata ng Diyos naging kalugod lugod

Salamat sa  Amang nasa itaas
Na nagbibigay ng lakas
Ang lakas na di nauubos
Para sa aming misyon na di pa rito natatapos

Sandata ay ang panalangin
Lakas ng loob at damdamin
Dahil sa Diyos na mahabagin
Walang pagsubok sa buhay ang hindi kakayanin

Ating misyon, ang tumulong sa mga kapus palad at nawawalan
Hindi lang sa taong nawawalan ng materyal na kayamanan
Kundi para sa mga taong naliligaw, nalilito at nagugulumihan
Pagkat ating ramdam ang bawat hirap
Ang bigat na tinitiis ng bawat taong may pinapasan

Handang makiramay at ibigay ang anuman
Para lamang ang paghihirap sa pighati ay maibsan
Pagkat sa bawat taong ating natutulongan
gantimpalang pangkaluluwa ang dapat ipagyaman

Sino ang gumagawa nito?
Sino ba ang modernong vincentiano?
Isa ba ako sa mga ito?
Ang modernong vincentiano ay di lang ako kundi tayo
Ang modernong vincentaino ay nagsasakripisyo at mapagpakumbabang nagseserbisyo
Ang modernong vincentiano ang magpapatuloy ng ating kwento.
Ang tula kong ipinanalo ng first runner up sa isang slam poetry competition ng event na may temang "Ang Modernong Vincentiano" noong September 26, 2018.
RL Canoy May 2019
Sa bawat paghakbang ng paang maputik,
anaki'y malugmok ang katawang impis.
Hindi iniinda ang ngawit ng bisig,
sa bawat paghampas ng pulpol na karit.

Mata'y pumapait sa agos ng pawis,
di ramdam ang init sa katawang manhid.
Sa bawat pagbuhos ng mumunting bagsik,
tila sumasaliw sa pintig ng dibdib.

Tinig ng sikmura'y parang humihibik,
lalong gumagatong sa hapo at sakit.
Pilit pinapawi sa tuwing iihip,
ang simoy ng hanging tila umaawit.

Sa gitna ng hirap na pinagdaanan,
ang tanging hiling sa Poong Maykapal.
Nawa'y didiligan ang sangkalupaan,
at binhi'y tutubo't ang punla'y mabuhay.

Sapagkat sa munting pawis-magsasaka,
sanlibong sikmura ang pinapasaya.
Ang tinik sa paang nakapanghihina,
Sanlibong katawan ang pinasisigla.

Ginaw ng tag-ulan at init ng sikat,
hindi iniinda kahit naghihirap.
Para may mahain sa mumunting hapag,
at pagsasaluhan na mayroong galak.

Ang iba'y inisip kung anong lutuin,
ngunit sa kanila'y mayr'on bang mahain.
Ito ba ang buhay, Diyos na mahabagin,
ang mga nagtanim salat sa makain?

Ganito ang buhay ng may gintong kamay,
na puno ng lipak, marumi't magaspang.
Subalit malinis ang pusong tinaglay,
bisig ng daigdig, sa pagod nabuhay.

Sila ang bayaning dapat na purihin,
sandata'y palakol, tumana'y suungin.
Sa bawat pagpatak ng pawis sa tanim,
katumbas ang bungang gumigintong butil.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Ang tulang pastoral na ito ay sumasalamin sa mga pinagdaanan ko noon sa kinalakhang bukirin.
JOJO C PINCA Nov 2017
“You must live in the present, launch yourself on every wave, and find your eternity in each moment. Fools stand on their island of opportunities and look toward another land. There is no other land; there is no other life but this.”

― Henry David Thoreau

Nalulungkot ako dahil nasayang ang buhay mo. Huli na ang lahat nasa dapit hapon kana, palubog na ang araw mo, wala na itong umagang darating pa. Nalulungkot ako dahil nagpadaig ka, tinalo ka ng lungkot at kinain ka ng sistema. Pati tuloy ang sining (photography) na iyong minahal ay tinalikuran mo. Nalulungkot ako dahil alam kong kahit nagkaganyan ka ay marunong kang magmahal, na kahit kelan hindi mo ako sinaktan, na lagi kang nand’yan kapag kailangan kita. Bakit kaba kasi nagkaganyan?

Nalulungkot ako dahil sinayang mo ang panahon para lang alagaan ang galit na nakatanim d’yan sa dibdib mo. Niyakap mo na parang unan ang kalungkutan, sana ay itinakwil mo ito. Nalulungkot ako dahil naging rebelde ka hindi lang sa iyong sarili kundi pati dun sa mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa’yo. Sinaktan mo sila na handang umagapay sayo. Nalulungkot ako dahil lumikha ka ng sarili **** bangin, isang malalim na hukay kung saan ikaw ngayon ay nakabaon.

Nalulungkot ako dahil hindi pinakinggan ng diyos ang mga dasal ko para iligtas ka, ang mapagmahal at mahabagin na diyos ay walang awang pinabayaan ka. Nasayang lang ang aking mga pagsamo sa kanya. Paano ka n’ya aagawin sa apoy ng Impeyerno kung dito pa lang sa lupa ay pinabayaan kana? Nalulungkot ako dahil kapos ang aking pang-unawa at pagmamahal. Nalulungkot ako dahil wala akong nagawa para suklian ang mga kabutihan mo sakin.

Nalulungkot ako at pumapatak ang luha ko habang sinusulat ko ang tulang ito. Nalulungkot ako dahil hindi na maibabalik ang nakaraan, dahil wala ng bukas na darating para sa’yo at sa ating dalawa. Nalulungkot ako dahil dahil pareho tayong nabigo. Oo, kapwa tayo talunan. Pareho tayong pinagtaksilan ng ating mga paniniwala at mga pangarap. Nalulungkot ako dahil patuloy kang naghihirap noon magpahanggang ngayon.

Nalululungkot ako pero alam ko na ang lahat ay may katapusan, lahat ay magwawakas pati na ang mga paghihirap. Kaunting panahon na lang matatapos din ang lahat ng dusa at sakit mo. At pag dumating ang araw na ‘yon hindi kana nila kailanman masasaktan. May kakaibang katahimikan at hindi maipaliwanag na kapayapaan na makikita sa mukha ng isang bangkay.
Cal Ashiq Aug 2022
Tara na sa bahagharing kay ganda
Kasabay ng kislap ng iyong mata
Mga ngiting di alintana
Hiling kong makita sana

Halimuyak na iyong dala
Sa akin ay nagpapangulila
Tamis ng iyong tinig
Labis kong iniibig

Giliw ako'y ilagay sa iyong isipan
Kaagapay sa kahirapan
Pagkat ikaw man ay lilisan
Magtatagpo pa rin kinabukasan

Isang banayad na panalangin
Aking laging sasambitin
Sa iyo'y ipagkaloob itong dinidingin
Wagas na pagmamahal ng Diyos na mahabagin

Kay Hesus aking sasambitin
Na ika'y lagi nyang mamahalin
Hihingin kay Birheng Maria
Na kailanma'y di ka mangulila

Sana'y lagi **** madama
Sa tuwing ika'y nag iisa
Yakap nilang kay Tamis at Ganda
Di mawawala itong pagsinta

Kailanma'y sa puso at diwa
Sumasaiyo itong magandang gunita

— The End —