Minsa’y nadako ako sa Kalye Pag-ibig
Marahil walang karatula
Ang mayroon lamang ay iilang linyang puti
Salungat sa kalsada
Siya rin palang tulay sa’ting tagpuan.
Bawat butil ng Kanyang mukha’y
Kumakapit at humihilik sa balat
Sa’king palad, umaapaw ang mga ito
Hihinto pa ba?
Pagkat hindi handa
Ang yerong gawa sa plastik
Na syang bihis-bihis ng kabilang palad.
Maraming yapak, aking naririnig
Ngunit alam kong ang berdeng kulay
Pawang hindi para sakin at sayo.
Ang bawat kasuotan nila’y
Tila pustura lang, ako’y nanatiling walang kibo.
Unti-unti kong binagtas ang eskinita
Makitid doon ngunit alam kong ito’y tama
Tila kayrami pa ring paninda
Ngunit ang lahat, hindi naman kabili-bili
Pagkat minsanan lang ang pag-ibig na totoo
Ni hindi ito kinakalakal.
Hindi ko man mabili ang nais ko ngayon
Masilayan man kita, bagkus likod lamang
Ni hindi ko nga matanto ang itsura
Basta’t sigurado ako
Sa paglingon mo’y parehas na tayong handa.
Malayo pa ang lalakbayin
Ng pawang minanhid na mga paa
Pagkat ang direksyon nati’y
Sa ngayo’y alam kong
Hindi pa para sa isa’t isa.
Ikaw na siyang iniirog
Aking hihintayin
Hanggang ang oras ay tumiklop
At umusbong ang panibagong bulaklak
Saka natin pagmasdan
Mga paru paro’t iilang kulisap, maging alitaptap.
Tatandaan ko ang ating tagpuan
Kung saan ihihimlay natin ang kinabukasan
Buksan mo ang pusong minsang winarak
Bubuuohin muna iyan ng Nasa Itaas
At saka na natin isulat ang makabagong alamat.
Sa Kalye Pag-ibig, tandaan mo, irog
Tayo’y babalik at muling mangangarap
Bubuo na panibagong larawan
Na may tunay na ngiting
Hahalimuyak sa mas Nakatataas.
Sa Kalye Pag-ibig,
Doon tayo magkita.
Dahil kahit saan ay Kalye ng Pag-ibig.