Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kahel Oct 2016
CPR
Nangako ako sayo na poprotektahan kita kahit anong mangyari
Nagsinungaling ako
Dahil noong araw na pinulikat ka habang nasa gitna ng dagat
Na sobrang lalim na hindi mo na makita ang ilalim
Hindi kita nasagip

Nangako ako sayo na iingatan kita ng di nagdadalawang-isip
Nagsinungaling ako
Habang naghihingalo ka at humihingi ng saklolo
Wala akong nagawa kundi tignan ang paghampas ng mga alon
Pinapamukha na bakit ba kasi hindi ako marunong lumangoy

Nangako ako sayo na hindi kita papabayaan mag-isa
Nagsinungaling ako
Hinayaan kita malunod at hatakin pababa ng iba't ibang lamang dagat
Hinayaan maubos ang hangin hanggang sa huling hininga
Pinanood lumubog ang mga matang kasing ganda ng mga perlas

Pasensya ka na at nagsinungaling ako
Dahil akala ko matatakasan ko ang sariling anino
Pasensya ka na at hindi kita nailigtas
Hinayaan ko na may ibang sumagip sayo dahil kung ako 'yon
Baka pareho lang tayong lumubog at malagay ka lalo sa panganib

Pasensya ka na at lumutang ang mga pangako
Na sabay lalanguyin ang lawak ng buhay
Sisisirin ang lalim ng ating mga pangarap
Sasalubungin ang mga problemang dadaong
Iiwasan ang mga dikya na dulot ng nakaraan

Kaya patawad dahil ngayon lang napupuno ang pagkukulang
Wag ka mag-alala,matututunan ko din tumalon ng walang alinlangan
Susubukan maabot ang dagat na tinatahak mo kahit gaano pa ito kaalat
Pero sa ngayon, pasensya muna unang nagpakilala ang takot kaysa sa lakas ng loob
Pasensya dahil tinangay tayo ng alon palayo sa isa't isa
renzo Jul 2020
Gumuhit ng tula at sa bote'y inilagay,
Inilapit sa dagat at sa alon ay isinibay.
Sa langit umasa na iyong matangay,
Itong apat na taludtod na sa'yo ay inalay.

Ako ay humihiling, na sana'y 'yong malaman,
At kahit na bitin, aking panghahawakan,
At aking dadamdamin ka at ipaglalaban,
Alon man ay dumating, ako ang makakapitan.

Bundok ay tatawirin, kahit na masugatan,
Dagat ay lalanguyin, pipilitin kong lumutang
Ikaw lamang ay marating, at aking masilayan
Sa mukha mo'y may ngiting, abot sa kalawakan.

Ikaw ay sasagipin, hindi ka pababayaan.
At kahit na palihim, ako'y maaasahan.
Sa'kin ay tumingin, ikaw ay maniwalang,
Na tuwing dumidilim ang karagatan, ikaw ang s'yang liwanag.
isabay mo ang buhay mo sa agos, kumalma't sakyan ang alon.

— The End —