Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
“Yesterday is gone. Tomorrow has not yet come. We have only today. Let us begin.”
― Mother Teresa

May mga panahon sa buhay ko na nasayang, may mga darating pa siguro pero baka hindi ko na maabutan, tanging ang ngayon ang tangan ko sa aking palad. Sisiguraduhin ko na hindi ito masasayang. Gagamitin ko at pagyayamanin ang ngayon ko sapagkat ito lang ang oras na hawak ko. Magsusulat ako ng mga salitang matulain kahit hindi nila ito tanggapin. Kahit ako lang ang tunay na aangkin sa aking simulain. Kahit malalim ang dagat na aking lulusungin kapos man ang bait ito’y aking gagamitin at titimbulanin.

Walang yumayaman sa pagsusulat ng tula at ang buhay ng isang makata sa panukat ng lipunan ay laging salat. Pero wala na akong magagawa napasubo na ako, matagal ko na itong nilimot at tinalikuran subalit para itong isang sumpang anino na laging nakasunod ayaw akong tantanan. Mabuti pa ang nag-uulat sa radyo at telebisyon dahil may nakikinig pero sa sumusulat ng tula bihira lang ang lumilingap. Putang-Ina bakit ba kasi ito pa ang nakahiligan ko?

Siguro dahil dito ako sumasaya, kasi nagagawa kong bigyang tinig ang tahimik kong isipan. Bakit kasi hindi na lang ako naging payak sa lahat ng bagay lalo na sa gawaing pag-iisip? Bakit kasi masyado akong mapagmasid, mausisa at malikhain sa pagsasalarawan ng mga bagay-bagay? Bakit ayaw magpahinga ng aking diwa?

Hindi naman ako magaling sa tugmaan at sa pagkatha ng mga kinakailangang sukat kaya kinalimutan ko na ito. Pero may ulol na bumulong sa akin “ok lang yan may free verse naman e kung hindi mo kaya ipahayag sa tugmaan gamitin mo ang malayang taludturan”. Kaya ito nanaginip na naman ako ng gising at tinatawag ang sarili ko na isang “makabagong makata”. Putang Ina makatang walang pera at laging nangungutang. Buti man lang sana kung makukuha ko kahit ang kalahati ng tagumpay nina Walt Whitman, Amado V. Hernandez, Jose Corazon De Jesus at Francisco Balagtas o kahit na si Emilio Mar Antonio na lang – e tiyak na hindi naman.    

Kanina pa tumatakatak ang tiklado ng aking computer, ayaw ko nang magsulat pero may demonyo na tumutulak sa akin para gawin ito. Ayaw akong patahimikan ng putang-ina. Kaya’t heto ako at nagpupursige parin. Ang makabagong makata ay hindi na muling tatalikod sa tawag ng tulaan. Kahit walang pera magpapatuloy ako kasi dito ako masaya, masaya pero malungkot din. Ewan, madalas hindi ko maintindihan. Hindi ko na muling sasayangin ang natitirang oras ko.
El Aug 2017
limampung pulgada ang pagitan ng ating upuan
limampung pulgada na tila parang isang kilometro ang distansyang kinakailangang tahakin
upang maipatong ang braso sa pahirabang nakaumbok sa gitna ng ating luklukan,
kung saan ang iyong braso'y nakapatong rin.

apatnapung pulgada nang sumara ang ilaw kasabay ng aking mga mata
kung saan sinakop tayo ng karimlang mas madilim pa sa kalagitnaan ng takipsilim
ngunit ako'y nakatayo, naglalakad na patungo sa'yo –
mga kamay na kinakapkap ang malalambot na pulang ulo
sakaling ako'y mahulog dahil ang ninanais kong sumalo sa akin
ay apatnapung pulgada pa ang layo.

(tatlumpu, dalawampu, sampu)
bawat tapak na nanatiling tahimik, maingat.
(siyam, walo, pito)
natatanaw kita sa halip ng dilim kung saan wala talagang makita, makilala.
(anim, lima, apat)
para bang lahat ng puso sa silid ay nagsabayan sa pagsigaw.
(tatlo, dalawa, isa)
nasa tabi na ki–

bumukas ang mga ilaw, kasabay ng aking mga mata;
pumalakpak ang lahat.

Limampung pulgada pa rin ang pagitan ng ating upuan.
Xian Obrero Mar 2020
Bakit ganito ang aking nararamdaman?
Tila sa puso ko ay may napakalaking puwang
Hindi ko maipaliwanag, ni hindi rin kayang matiyak,
Bakit ang mga luha ko'y patuloy sa pagpatak?

Hindi nakilala, hindi rin nakasama
ngunit bakit sa'yo ay labis na nangungulila?
Sa bawat paglingon mapa-kanan o kaliwa,
Bakit nasa isip kita? Bakit ka nasa alaala?

Sa bawat umagang idinidilat ko ang aking mga mata,
nararamdaman ko para sa'yo ay sadyang lumalala.
Madalas gusto kong isipin na sa tamang katinua'y nawawala,
Sino ka nga ba? Bakit hindi na lang tayo pagtagpuin ng tadhana?

Bakit kinakailangang maghirap ako ng ganito?
Ako ba ay sumisinta? Hindi ko mapagtanto!
Kapag mukha mo'y naiisip, iba ang pagtibok ng aking puso.
Nakilala na nga ba kita? Ano nga ba talaga tayo?

— The End —