Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Marge Redelicia Feb 2014
Salo-salo ang lahat:
Nakaupo, nakadekuwatro
Sa isang mahabang bangko.
Ayos lang
Kahit medyo masikip
At nagkikiskisan ang mga siko.

Ang mesa'y nilatagan
Ng dahon ng saging.
Bawal ang maarte;
Walang mga pinggan
At iba pang kagamitan.

Nakakamay ang lahat sa pagkain
Ng maiging inihaw
Na sariwang malaman na tilapia.
Meron ding mga gulay
Na pinakuluan at nilaga:
May kangkong,
Okra, sitaw at talong.

Samahan mo pa
Ng hiniwa at tinadtad na
Pulang sibuyas at kamatis,
Na may halong bagoong
At piga ng kalamansi.
At sa wakas, ang panghimagas:
Mga gintong mangga
Na ubod ng tamis.

.   .   .   .   .

Napapasarap
Ang pinakasimpleng handa
Samahan lang ng kuwentuhang
Nagpapasaya at nagpapatawa
At siyempre kung salo-salo
Ang buong pamilya.
Elizabeth Oct 2015
Kahapon, noong gabi
Noong tulog ang mga ibon
Noong umiiyak ang mga tala
Dama ko ang iyong hiwaga

Ako ay iyong minasahe
Tila binugbog na sibuyas
Mga kamatis na nagdurugo
Palihim mo akong niluto

Dahan dahan ang haplos
Mula apoy hanggang upos
Dala ko ang mga pasa
Ultimo mga halik na basa

Mura lang ang aking binayad
Dumukot sa butas na bulsa
Dinig ko hanggang kusina
Ang tawag ng aking sikmura
Titigilan na kita

— The End —