Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Rey Tidalgo Jul 2016
Matulog ka hirang / at kata'y tutulak
Sa landas ng gabing / humahalimuyak
Doo'y tutuparin / ng ating pangarap
Lahat ng pagsuyo't / pag-ibig na hanap

Kata'y aaliwin / ng mga kundiman
At patutulugin / ng hanging mahinay
Pag-ibig ang ating / magiging himlayan
Sa harap ng tala't / mga bulalakaw

Sa landas ng tuwa / kata'y matutulog
Lilipas ang hirap / lahat malilimot
Lalaya ang diwa't / mga bungang-tulog
Sa tulong ng gabing / lipos ng pag-irog

Kata'y maglalampong / nang buong hinahon
Wala ni sinuman / ang makatututol
Huhuni't aawit / ang lahat ng ibon
Titigil ang luhang / sa mata'y nanalong

Lamang ang hangad ko'y / iyong mamalasin
Ang aking pintuhong / hindi magmamaliw
Sukat na sa akin / na iyong ibigin
At kung ibigin ma'y / umibig ka giliw!

Tena at humimbing / sa gabing tahimik
Na nilalambungan / ng nunungong langit
Mga puso'y sabay / na mananaginip
Sa awit ng isang / hele ng pag-ibig
***
Kata - Tayo
Kundiman - Awit ng Pag-ibig
Bungang-tulog - Panaginip
Lipos - Puspos
Maglalampong - Maglalambing
Nanalong - Matulaing anyo ng bumabalong
Mamalasin - Mamasdan
Pintuho - Pagsuyo
Tena - Tara na
Hele - Awit na pampatulog
Chin bruce Mar 2015
Sobrang pighati ang bumabalot sa hinahon ng bawat hininga
Umiiyak ng tuldok sa bawat letra
Napwepwersa ang tandang padamdam sa bawat salita
Negatibo ang laging nakikita
Nasaan ang pangarap sa bawat sanaysay?
Nasaan ang katotohanan sa tunay na buhay?
Nalinlang tayo
Galit at lait ng mundo
Sumusukob sa buong pagkatao
Di ko na makita kung nasaan na tayo
Kadiliman ang kinasusukalam
Ngayon ating pinaglalaruan
Liwanag ngayon ang pinagtataguan
Tila tayo ay napagiwanan
Nasaan na ba tayo?
Meron pa bang tayo?
Agust D Mar 2020
bawat segundong lumilipas ay iuukit
serye ng alaalang nakakaakit
lahat ng ito'y iguguhit
kahit ang luha na'y napupunit

lumalalim ang huwad na panaginip
mapaglaro't malilikot na kathang isip
eksena't larawang nabuo sa isang idlip
pilit inaalala't sinusundan ang ihip

binabagtas ang hirayang aguhon
walang depinisyon, walang direksyon
waring nakatali sa matamis na kahapon
pilit kumakawala sa paraang kay hinahon

hinahanap ang liwanag sa dilim
dilim na kumukubli sa isang lihim
sa iyong paglisan, ikalabing-anim
nawa'y makita ka sa takipsilim
Hiraya ng Pag-ibig
zoe Dec 2017
lumabas,
sa aking mahinahon
tahimik
at ligtas na silid

lumabas,
para mabuhay nang
nasa awa ng
mabagsik at mapanganib nilang
pagdidikta

lumabas,
para bigyan ng kahulugan ang
bawat galaw,
bawat hawak ng kamay,
bawat sulyap
na kung hindi sang-ayon
sa pagagos ng kanilang sari-sariling buhay.

isa akong Hudas, humalik sa pisngi
ng taong iniligtas ang mga makasalanang
katulad ko

lumabas,
para mabuhay lamang
na katulad niyo
maligaya, ligtas,
mapayapa
sa piling niya.
sa piling na kasing dalisay ng ginto.
kasing dalisay ng puso niyo.
kasing dalisay ng pagmamahal
sa mga katulad niyo.

pilit na sinasarado ang mga mata
upang mabigyan hinahon ang isip
na sa inyong salita't galaw
ako'y nakarehas,
inaalipin,
pinapanganib

sa aking paglabas,
ako'y tumalikod,
sinarado ang pinto
upang lumigaya nang tahimik
habang ligtas magpakailanman,
sa aking pag-iisa.

— The End —