Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Leonoah Apr 2020
Alas sais y medya na ng umaga nang makauwi si Natividad mula sa bahay ng kanyang amo. Pagkababa n’ya ng maliit na bag na laman ang kanyang cellphone at wallet na merong labin-limang libo at iilang barya ay marahan siyang naglakad tungo sa kwartong tinutulugan ng kanyang tatlong anak. Hinawi niya ang berdeng kurtina at sumilip sa kanyang mga anghel.
Babae ang panganay ni Natividad, o di kaya’y Vida. Labindalawang taong gulang na ito at nasa Grade 7 na. Isa sa mga malas na naabutan ng pahirap na K-12 program. Ang gitna naman ay sampung taong gulang na lalaki at mayroong down syndrome. Special child ang tawag nila sa batang tulad nito, pero “abnormal” o “abno” naman ang ipinalayaw ng mga lasinggero sa kanila. Ang bunso naman niya, si bunsoy, ay kakatapak lamang ng Grade 1. Pitong taong gulang na ito at ito ang katangkaran sa mga babae sa klase nito. Sabi ng kapwa niya magulang ay late na raw ang edad nito para sa baiting, pero kapag mahirap ka, mas maigi na ang huli kaysa wala.
Nang makitang nahihimbing pa ang mga ito ay tahimik s’yang tumalikod at naglakad papuntang kusina. Ipagluluto niya ang mga anak ng sopas at adobong manok. May mga natira pa namang sangkap na iilang gulay, gatas, at macaroni na galing pa sa bahay ni Kapitan noong nangatulong siya sa paghahanda para sa piyesta. Bumili rin siya ng kalahating kilo na pakpak ng manok, kalahating kilo pa ulit ng atay ng manok, at limang kilo ng bigas.
Inuna niya ang pagsasaing. Umabot pa ng tatlong gatang ang natitirang bigas nila sa pulang timba ng biskwit kaya ‘yun na lang ang ginamit niya. Pagkatapos ay agad niya rin itong pinalitan ng bagong biling bigas.
De-uling pa ang kalan ni Vida kaya inabot siya ng limang minuto bago nakapagpaapoy. Siniguro niyang malakas ang apoy para madaling masaing. Kakaunti na lang kasi ang oras na natitira.
Habang hinihintay na maluto ang kanin ay dumiretso na sa paghahanda ng mga sangkap si Vida. Siniguro niyang tahimik ang bawat kilos para maiwasang magising ang mga anak. Mas mapapatagal lamang kasi kung sasabay pa ang mga ito sa kanyang pagluluto.
Habang hinahati at pinaparami ang manok ay patingin-tingin s’ya sa labas. Inaabangan ang inaasahan niyang mga bisita.
Mukang magtatagal pa sila ah. Ano na kayang balita? Dito lamang naikot ang isip ni Vida sa tuwing nakikitang medyo normal pa sa labas.
May mga potpot na nagbebenta na pan de sal at monay, mga nanay na labas-masok ng kani-kanilang mga bahay dahil tulad niya ay naghahanda rin ng pagkain, at mga lalaking kauuwi lamang sa trabaho o siguro kaya’y galing sa inuman.
Tulog pa ata ang karamihan ng mga bata. Mabuti naman, walang maingay. Hindi magigising ang tatlo.
Binalikan niya ang sinaing at tiningnan kung pupwede na bang hanguin.
Okay na ito. Dapat ako magmadali talaga.
Dali-dali niyang isinalang ang kaserolang may laman na pinira-pirasong manok.
Habang hinihintay na maluto ang manok ay paunti-unti rin siyang naglilinis. Tahimik pa rin ang bawat kilos. Lampas kalahating oras na siyang nakakauwi at ano mang oras ay baka magising ang mga anak niya o di kaya’y dumating ang mga hinihintay n’ya.
Winalis niya ang buong bahay. Maliit lang naman iyon kaya mabilis lamang siyang natapos. Pagkatapos ay marahan siyang naglakad papasok sa maliit nilang tulugan, kinuha ang lumang backpack ng kanyang panganay at sinilid doon ang ilang damit. Tatlong blouse, dalawang mahabang pambaba at isang short. Dinamihan niya ang panloob dahil alanganin na kakaunti lamang ang dala.
Pagkatapos niyang mag-empake ay itinago niya muna backpack sa ilalim ng lababo. Hinango niya na rin ang manok at agad na pinalitan ng palayok na pamana pa sa kanya. Dahil hinanda niya na kanina sa labas ang lahat ng kakailanganin ay dahan dahan niyang sinara ang pinto para hindi marinig mula sa loob ang ingay ng paggigisa.
Bawat kilos niya ay mabilis, halata **** naghahabol ng oras. Kailangang makatapos agad siya para may makain ang tatlo sa paggising nila.
Nang makatapos sa sopas ay agad niya itong ipinasok at ipinatong sa lamesa. Sinigurong nakalapat ang takip para mainit-init pa sakaling tanghaliin ng gising ang mga anak.
Dali-daling hinugasan ang ginamit na kaserola sa paglalaga at agad ulit itong isinalang sa apoy. Atay ng manok ang binili niya para siguradong mas mabilis maluluto. Magandang ipang-ulam ang adobo dahil ma-sarsa, pwede ring ulit-ulitin ang pag-iinit hanggang maubos.
Habang hinihintay na lumambot na ang mga patatas, nakarinig siya ng mga yabag mula sa likuran.
Nandito na sila. Hindi pa tapos ‘tong adobo.
“Vida.” Narinig niyang tawag sa kanya ng pamilyar na boses ng lalaki. Malapit niyang kaibigan si Tobias. Tata Tobi kung tawagin ng mga anak niya. Madalas niya ditong ihabilin ang tatlo kapag kailangan niyang mag-overnight sa bahay ng amo.
“Tobi. Andito na pala kayo,” nginitian niya pa ang dalawang kasama nitong nasa likuran. Tahimik lang ang mga itong nagmamasid sa kanya.
“Hindi pa tapos ang adobo ko eh. Ilalahok ko pa lang ang atay. Pwedeng upo muna kayo doon sa loob? Saglit na lang naman ‘to.”
Mukhang nag-aalangan pa ang dalawa pero tahimik itong kinausap ni Tobi. Maya-maya ay parang pumayag na rin ito at tahimik na naglakad papasok. Narinig niya pang sinabihan ni Tobi ang mga ito na dahan-dahan lamang dahil natutulog ang mga anak niya. Napangiti na lamang siya rito.
Pagkalahok ng atay at tinakpan niya ang kaserola. Tahimik siyang naglakad papasok habang nararamdaman ang pagmamasid sa kanya. Tumungo siya sa lababo at kinuha ang backpack.
Lumapit siya sa mga panauhin at tahimik na dinaluhan ang mga ito tapos ay sabay-sabay nilang pinanood ang usok galing sa adobong atay.
“M-ma’am.” Rinig niyang tawag sa kanya ng kasama ni Tobias. Corazon ang nakaburdang apelyido sa plantsadong uniporme. Mukhang bata pa ito at baguhan.
“Naku, ser. ‘Wag na po ganoon ang itawag niyo sa akin. Alam niyo naman na kung sino ako.” Maraan niyang sabi dito, nahihiya.
“Vida. Pwede ka namang tumanggi.” Si Tobias talaga.
“Tobi naman. Parang hindi ka pamilyar. Tabingi ang tatsulok, Tobias. Alam mo iyan.” Iniiwasan niyang salubungin ang mga mata ni Tobias. Nararamdaman niya kasi ang paninitig nito. Tumatagos. Damang-dama niya sa bawat himaymay ng katawan niya at baka saglit lamang na pagtingin dito ay umiyak na siya.
Kanina niya pa nilulunok ang umaalsang hagulhol dail ayaw niyang magising ang mga anak.
“Vida…” marahang tawag sa kanya ng isa pang kasama ni Tobi. Mukhang mas matanda ito sa Corazon pero halatang mas matanda pa rin ang kaibigan niya.
“Ano ba talaga ang nangyari?”
“Ser…Abit,” mabagal niyang basa sa apelyido nito.
“Ngayon lang po ako nanindigan para sa sarili ko.” garalgal ang boses niya. Nararamdaman niya na ang umaahon na luha.
“Isang beses ko lang po naramdaman na tao ako, ser. At ngayon po iyon. Nakakapangsisi na sa ganitong paraan ko lang nabawi ang pagkatao ko, pero ang mahalaga po ay ang mga anak ko. Mahalaga po sila sa’kin, ser.” mahina lamang ang pagkakasabi niya, sapat na para magkarinigan silang apat.
“Kung mahalaga sila, bakit mo ginawa ‘yon? Vida, bakit ka pumatay?”
Sasagot n asana siya ng marinig niyang kumaluskos ang banig mula sa kuwarto. Lumabas doon ang panganay niyang pupungas-pungas pa. dagli niya itong pinalapit at pinaupo sa kinauupuan niya. Lumuhod siya sa harap nito para magpantay sila.
“Anak. Good morning. Kamusta ang tulog mo?”
“Good morning din, nay. Sino po sila? ‘Ta Tobi?”
“Kaibigan sila ni ‘Ta Tobias, be. Hinihintay nila ako kasi may pupuntahan kami eh.” marahan niyang paliwanag, tinatantya ang bawat salita dahil bagong gising lamang ang anak.
“Saan, nay? May handaan po uli sina ser?” tukoy nito sa mga dati niyang amo.
“Basta ‘nak. Kunin mo muna yung bag ko doon sa lamesa, dali. Kunin ko yung ulam natin mamaya. Masarap yun, be.”
Agad naman itong sumunod habang kinukuha niya na rin ang bagong luto na adobo. Pagkapatong sa lamesa ng ulam ay nilapitan niya ulit ang anak na tinitingnan-tingnan ang tahimik na mga  kasama ni Tobias.
“Be…” tawag niya rito.
Pagkalingon nito sa kanya ay hinawakan niya ang mga kamay nito. Nagsisikip na ang lalamunan niya. Nag-iinit na rin ang mga mata niya at nahihirapan na sa pagbuga ng hangin.
“Be, wala na sina ser. Wala na sila, hindi na nila tayo magugulo.” ngiti niya rito. Namilog naman ang mga mata nito. Halata **** natuwa sa narinig.
“Tahimik na tayo, nay? Hindi na nila kakalampagin ang pinto natin sa gabi?”
“Hindi na siguro, anak. Makakatulog na kayo ng dire-diretso, pangako.” Sinapo niya ang mukha nito tapos ay matunog na hinalikan sa pisngi at noo. ‘Eto na ang matagal niyang pinapangarap na buhay para sa mga anak. Tahimik. Simple. Walang gulo.
“Kaso, ‘nak, kailangan kong sumama sa kanila.” Turo niya kayna Tobias. Nanonood lamang ito sa kanila. Hawak na rin ni Tobi ang backpack niya.
“May ginawa kasi si nanay, be. Para diretso na ang tulog natin at para di na tayo guluhin nina ser. Pramis ko naman sa’yo be, magsasama ulit tayo. Pangako. Bilangin mo ang tulog na hindi tayo magkakasama. Tapos pagbalik ko, hihigitan ko pa ‘yon ng maraming maraming tulog na magkakasama na tayo.”
“Nay…” nagtataka na ang itsura ng anak niya. Namumula na kasi ang mukha niya panigurado. Kakapigil na humagulhol dahil ayaw niyang magising ang dalawa pang anak.
“Anak parang ano lang ito…abroad. Diba may kaklase kang nasa abroad ang nanay? Doon din ako, be.”
Bigla ay nagtubig ang mga mata ng panganay niya. Malalaking butil ng tubig. Hindi niya alam kung naniniwala pa ba ito sa mga sinasabi niya, o kung naiintindihan na nito ang mga nangyayari.
“Itong bag ko, andiyan yung wallet at telepono ko. Diba matagal mo nang gusto magkaroon ng ganon, be? Iyo na ‘yan, basta dapat iingatan mo ha. Yung pera be, kay Tata Tobias mo ihahabilin. Habang nagtatrabaho ako, kay ‘Ta Tobi muna kayo.”
“Nay, hindi ka naman magtatrabaho eh.” Lumabi ang anak niya tapos ay tuluyan nang nalaglag ang luha.
Tinawanan niya naman ito. “Sira, magtatrabaho ako. Basta intayin mo ‘ko be ha? Kayo nina bunsoy ko, ha?” Hindi niya napigilang lambing-lambingin ito na parang batang munti. Kailangan ay sulitin niya ang pagkakataon.
Paulit-ulit niya itong dinampian ng maliliit na halik sa mukha, wala na siyang pakealam kung malasahan niya ang alat ng luha nito. Kailangan ay masulit niya ang natitirang oras.
“Nay, sama po ako. Sama kami ni bunsoy. Tahimik lang kami lagi, pramis, nay. Parang kapag andito si ser, hindi naman kami gugulo doon.” Tuluyan na ngang umalpas ang hikbi niya. Naalala niyang muli ang rason kung ba’t n’ya ito ginagawa. Para sa tahimik na buhay ng mga anak.
“Sus, maniwala sa’yo, be. Basta hintayin mo si nay. ‘Lika ***** tayo doon sa kwarto, magbabye ako kayna bunsoy.” Yakag niya rito. Sumama naman ito sa kanya habang nakayakap sa baywang niya. Humihikbi-hikbi pa rin ito habang naagos ang luha.
Tahimik niyang nilapitan ang dalawa. Kinumutan niyang muli ang mga ito at kinintalan ng masusuyong halik sa mga noo. Bata pa ang mga anak niya. Marami pa silang magagawa. Malayo pa ang mararating nila. Hindi tulad ng mga magulang nila, ‘yun ang sisiguraduhin niya. Hindi ito mapapatulad sa kanila ng mister niya.
“Be, dito ka na lang ha. Alis na si nanay. Alagaan mo sina bunsoy, be, ha. Pati sarili mo. Ang iskul mo anak, kahit hindi ka manguna, ayos lang kay nanay. Hindi naman ako magagalit. Basta gagalingan mo hangga’t kaya mo ha. Mahal kita, be. Kayong tatlo. Mahal na mahal namin kayo.” Mahigpit niya itong niyakap habang paiyak na binubulong ang mga habilin. Wala na ring tigil ang pag-iyak niya kaya agad na siyang tumayo. Baka magising pa ang dalawa.
Nakita niya namang nakaabang sa pinto si Tobi bitbit ang bag niya. Kinuha niya rito ang bag at sinabihang ito na ang bahala sa mga anak. Baog si Tobias at iniwan na ng asawa. Sumama raw sa ibang lalaking mas mayaman pa rito. Kagawad si Tobias sa lugar nila kaya sigurado siyang hindi magugutom ang mga anak niya rito. May tiwala siyang mamahalin ni Tobias na parang sarili nitong mga anak ang tatlo dahil matagal niya na itong nasaksihan.
Pagsakay sa sasakyan kasama ang dalawang pulis na kasama ni Tobias ay saka lamang siya pinosasan ng lalaking may burdang Corazon.
“Kilala namang sindikato yung napatay mo, ma’am. Kulang lamang kami sa ebidensya dahil malakas ang kapit sa taas. Kung sana…sana ay hindi ka nag-iwan ng sulat.”
“Nabuhay ang mga anak kong may duwag na ina, ser. Ayokong lumaki pa sila sa puder ng isang taong walang paninindigan. Pinatay niya na ang asawa ko. Dapat ay sapat na ‘yon na bayad sa utang namin, diba?” kung kanina ay halo humagulhol siya sa harap ng mga anak, ngayon ay walang emosyong mahahamig sa boses niya. Nakatingin lamang siya sa labas at tinititigan ang mga napapatingin sa dumadaang sasakyan ng pulis.
Kung sana ay hindi tinulungan ng mga nakatataas ang amo niya. Kung sana ay nakakalap ng sapat na mga ebidensya ang mga pulis na ngayon ay kasama niya. Kung sana ay may naipambayad sila sa inutang ng asawa niya para pambayad sa panganganak niya.
Kung hindi siguro siya mahirap, baka wala siya rito.
unedited
Wolff Sep 2018
Tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
"sabihin mo sa mama mo, na nagbigay ako ng ulam"
"salamat po ninang!"
"walang anuman", bago siya lumisan.

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
napakamot na lang ang naniningil ng utang
gigil na nagpaandar ng motor
sapagkat siya'y nagulangan

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
sa pagkatok, tanong ay "tao po?"
sagot ay "tao po"
biglaan ang pagka gulantang
"anak, dali! magtago ka doon sa palikuran"
alam na niya kung sino ang dumating
takot ang bumalot sa kapaligiran
namumugtong na mga mata
at nginig na mga kamay na parehas kumakaliwa
bakas ang kaba sa mukha

at tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
ang pinto'y hindi binubuksan
nabasag ang katahimikan kasabay
ng pagbagsak ng sirang pintuan
nasurpresa sa kanyang mga bisita
nangingilid na ang luha
bigay todo ang pagmamakaawa
isa dalawa tatlo, hanggang anim
anim na nakaunipormeng magsasaka
hindi palay ang itinatanim, kundi bala

kasabay ng panlalamig ng katawan
ang ingay ay nilamon bigla ng katahimikan
at kasabay ng katahimikan
ang kanyang ina
ay
binawian
ng
buhay...
© 2018 Kenneth Bituin
All Rights Reserved.
Eugene Jan 2018
Kay tuling lumipas ang isang taon at ngayon ay panibagong buwan na naman ng Enero.

Isang hamon para sa akin ang baguhin ang nakasanayan ko tatlong dekada na ang nakalilipas -- ang maging masaya para sa sarili ko.

At sisimulan ko ito sa paggawa ng saranggola. Kasama ko sa paggawa at pagpapalipad nito ay ang aking nakababatang kapatid na ngayon ay labingtatlong taong gulang na.

"Ang galing mo namang gumawa. Ang laki na nang ipinagbago mo a! Dati ang tamad mo, ngayon masipag ka na sa paggawa ng saranggola," napahagikgik pa ako nang tuksuhin ko siya.

"Kuya, ang pagbabago ay hindi lamang sa isang laruan o bagay nagsisimula. Dapat sa sarili rin. Kaya kung may mga bagay kang baguhin sa sarili mo, simulan mo sa libangan gaya nitong paggawa ng saranggola. Kung saan nais ng puso **** maging maligaya ay doon ka," malalim ang kaniyang tinuran pero natuwa ako dahil may katuturan ang kaniyang mga salita.

Nang matapos naming gawin ito ay umakyat na kami sa pinakamataas na parte ng aming bukid dahil doon ay malakas ang hangin.

"Isa. Dalawa. Tatlo. Takbo na kuya! Takbo!" ngiting-nigiti ako habang tumatakbo paakyat ng bukid upang paliparin ang saranggolang hugis bituing gawa naming. Nang nakakalipad na ito ay hindi pa rin mawala sa aking mga labi ang ngiti.

Nasabi ko na lamang sa aking sarili ang mga katagang, "Simula pa lamang ito ng pagbabago sa aking sarili. Sisikapin ko at paninindigan ko ang panata ko na maging masaya hanggang sa huling hininga ng aking buhay. Gaya ng saranggolang matayog ang lipad ay magagawa ko ring lumipad paitaas maabot lamang ang tunay na pinapangarap ko at tunay na maging maligaya habambuhay."
Lance Cecilia Jan 2016
Nilaliman ko ang hawak ko sa bulsa, wala na nga pala 'kong pera.
Mabilis akong naglakad patungo sa bughaw na sasakyan ko. 'Di ko ininda ang pabugso-bugsong ulan at bulong ng mahapding hangin. Bumubulwak ang tubig mula sa kanal at magiting na dinadaan ang palusong na kalsada papunta sa gusali.

Nilaliman ko ang hawak ko sa bulsa, at natuklasang wala ang susi ng kotse.

Matagal-tagal na rin akong nag-aaral sa lumang gusali ng Biology sa UP. Pangatlong taon ko na. Sa wakas, magtatapos din ako.
At saka mag-aaral ng medisina.
Unang girlfriend ko si Kaye, at napakahaba ng aming kwento. Nagkakilala kami noong bakasyon sa pagitan ng aking ikalawa at ikatlong taon sa mataas na paaralan. Hindi siya ang una kong babaeng nagustuhan.
Pero siya ang una kong minahal.
Nagsimula ang lahat sa aming pagiging magkaibigan, at nang lumaon, nahulog ako para sa kanya.
Alam kong mali yun, kasi may gusto siyang iba at may napupusuan din ako noon.

Pero binago niya ang lahat. Naging matalik kaming magkaibigan, hanggang sa ayun, nagkaaminan.
Walang nag-akalang magiging kami.
Nilaliman kong muli ang hawak sa bulsa. At saka pumanhik sa gusali, papunta sa aking silid.
Natagpuan ang susi ng kotse, sira, putol, puro gasgas at tila nabagsakan ng mabigat na bagay.
Badtrip, sabi ko.
Magko-commute ba na naman ako?
'Di nagtagal, nakaisip ako ng paraan.
Pinapunta ko si Kaye, total, may kotse naman siya.
Dumating si Kaye sa silid nang may malaking ngiti, isang ngiting tagumpay sa volleyball.
Bakas pa sa kanyang mga braso ang bakat ng tama ng bola ng volleyball. Namumula, pagod na pagod.

'Yun ang huling alaala ko.

Sabi ng doktor, nag-shutdown daw ang utak ko buhat ng matinding pagod, at nagkaroon ako ng amnesia.
Ayon sa kalendaryong iniabot sa'kin, humigit-kumulang 30 taong gulang na ako.
Wala akong ibang maalala kundi ang alala sa gusali ng Biochemistry.

Nilaliman ko ang hawak sa bulsa. Hinimas ko nang todo ang lalagyan, hinipo ang bawat sulok ng aking bulsa. Nakapa ko ang isang pirasong papel.

Dear Lorry,
Mahal kita.
Pero may mahal na 'kong iba.

Yun lang? Yun lang ba? Tapos na?
May nagawa ba 'kong masama?
Tiningnan ko ang aking mga braso.
Bakas pa rito ang mga bakat ng kutsilyo, namumula, puro peklat.
Sabi ng doktor, may suicidal tendencies daw ako. Aba pakialam niya!

Pumasok si Kaye sa aking kuwarto sa ospital. Hawak niya ang braso ng isang lalaki.

Doon ko lang napansin ang kuwarto ng aking tinutuluyan.
Puno ng sulat ang mga pader. Puno rin ng mga nagsasanay na nars at doktor, at pilit na iniintindi ang reklamo ng mga pasyenteng nakadungaw sa nakaidlip nilang kalawakan.

Hindi ko na kaya.
Ganoon na lang ba ang halaga ko kay Kaye, na ganun niya ako papalitan?

Kinuha ko ang bolpeng nakatengga sa mesang malapit sakin. 'Di ko na pinansin ang kirot ng IV at mga kung anu-ano pang nakasuksok na gamot saking sumusubok na pagalingin ang mas lalong sumasakit, kumikirot na kalagayan.
Isang 'di magamot na sakit ng damdamin, isang kirot na bumubulwak mula sa kanal na pinagdadaluyan ng aking pagmamahal.

Pagmamahal para sa babaeng nakita kong hawak ang braso ng isang lalaking 'di man lang ipinakilala sakin para man lang mapawi ang uhaw ko para mapasaya si Kaye.

Tinutok ko ang bolpen sa aking sarili.
Pinagsasaksak ko ang sar-
1.
Noong unang panahon, sa nayon ng Nalbuan
Nakatira ang mag-asawang sina Don Juan at Namongan
At nang bago manganak ang babae
Nagtungo sa mga kaaway ang lalaki
(Once upon a time, in the shire of Nalbuan
There lived a couple named Don Juan and Namongan
And before the maternal labor of the female
To the enemies went the male)

2.
Si Don Juan ay natalo ng mga Igorot
Walang atubiling ulo niya ay pinugot
(By the Igorots Don Juan was defeated
Without hesitation they cut off his head)

3.
‘Di nagtagal, si Namongan ay nanganak
Kakaiba ang kanyang lalaking anak
(Soon, Namongan gave birth to a child
Her son was so odd)

4.
Malaki ang pangangatawan niya kaysa ibang bata
Para siyang isang ganap na binata
(To any child his body is bigger
He is like a mature teenager)

5.
Siya ay nakakapagsalita narin
At sinabi sa lahat na Lam-ang siya kung tawagin
(He could speak even
And said to all Lam-ang is his name given)

6.
Siya rin ang pumili ng kanyang mga ninong
Kung nasaan ang ama kanyang tinanong
(His godparents he elected
His father’s whereabouts he interrogated)

7.
Nang siya ay nasa gulang na siyam na buwan
Ganap na lalaki na kung siya’y masdan
(When he became nine months old
A grown-up man is he to behold)

8.
Nang hindi pa bumabalik ang ama nito
Siya’y nagpasya na sundan ito
(When his father yet returned has not
He then decided to follow that)

9.
Naglakbay siya nang dali-dali
At naabutan ang mga Igorot na nagpupunyagi
(He travelled fastly
And saw the Igorots having revelry)

10.
Sila ay nagsasayawan
Palibot sa pugot na ulo ni Don Juan
(They were dancing
Don Juan’s severed head they’re surrounding)

11.
Galit nag alit si Lam-ang
Lahat na kaaway kanyang pinaslang
(Lam-ang was so very mad
He killed all enemies he had)

12.
Maliban sa isa na kanya munang pinahirapan
Bago ito tuluyang pakawalan na sugatan
(Except for one whom he tortured
Before releasing that injured)

13.
Sa kanyang pagbabalik sa Nalbuan
Siya muna’y naligo sa Ilog Amburayan
(Upon his return to Nalbuan
He first took a bath at River Amburayan)

14.
Dahil sa kapal ng libag at sama ng amoy niya
Doon ay nagkandamatay ang mga isda
(Because of his thick dirt and foul odor
All fished died in that river)

15.
‘Di naglaon, siya’y may babaeng napusuan
Ito’y anak ng pinakamayaman sa Kalanutian
(Later, he fell in love with a woman
He is the daughter of the richest man in Kalanutian)

16.
Ines Kannoyan ang ngalan ng dilag
Kayrami ang lalaking sa kanya’y nangaglaglag
(Ines Kannoyan is the name of the maiden
To her so many men have fallen)

17.
Isa na rito si Sumarang
Kanyang hinamon si Lam-ang
(One of them was Sumarang
He dared to challenge Lam-ang)

18.
Silang dalawa ay naglaban
Nanalo ang binata ng Nalbuan
(The two of them fought on
The bachelor of Nalbuan won)

19.
Nadatnan ni Lam-ang kaydaming manliligaw
Kaya gumawa siya ng paraan upang pumangibabaw
(Lam-ang saw so many suitors
So he made a way to surpass them all)

20.
Pinatilaok niya ang manok at isang bahay ang nagiba
Pinatahol niya ang aso at ang bahay ay naayos na
(He made his rooster crow and a house was destroyed
Then he made his dog growl and that house was restored)

21.
Kayrami ding ginto ang tangan ng binata
Kaya kapagkuwan ay ikinasal ang dalawa
(So much gold the man had carried
So soon the two were married)

22.
Dumating ang panahon na si Lam-ang ay inatasang
Manghuli ng isda na kung tawagin ay rarang
(Time came that Lam-ang was summoned
To catch a fish rarang that’s called)

23.
Subalit habang siya’y nasa kailalaiman ng karagatan
Si Lam-ang ay kinain ng pating na berkakan
(Yet while he was down deep the ocean
Lam-ang was eaten by a shark berkakan)

24.
Si Marcos na maninisid sila’y tinulungan
Pagkuha sa bangkay ni Lam-ang kanyang kinayanan
(A diver named Marcos came to their aid
The corpse of Lam-ang he recovered)

25.
At sa kapangyarihan ng aso at tandang niya
Muling nabuhay ang magiting na bida!
(And by the power of his dog and rooster
Again came to life our brave main character!)

-08/10/2013
(Dumarao)
*for Epic Day 2013
My Poem No. 221
Stum Casia Aug 2015
Kalong ng kanyang ina
ang isang labing anim na taong gulang na binatilyo.

Basang-basa.

Nangingitim ang mukha at di na humihinga.

Patay na yata.

Nakuryente siya
habang ini-aakyat ang black and white
na telebisyong kasasangla lang
ng isang magsasakang magpapa-check-up sa PGH-
sa ikalawang palapag ng kanilang 5 square meter na tahanan.

May bagyo noon. Super.

At umapaw ang ilog.

Ang sabi sa radyo nakataas na ang signal no.3 sa buong Central Luzon.

Nag-iisip pa rin siya (ang ina) habang binabagtas
ng sinasakyan nilang rubber boat na kulay dilaw
ang daan papuntang evacuation center.

Hindi na niya nagawang magsuklay at mag-suot ng bra.

Kalong niya ang kanyang binatilyong
pangarap mag-aral sa Maynila-

na kanya ngayong ipinagluluksa.

Sa Maynila,

sa isang pamantasang kulay langit ang pasukan at labasan,

nagdiriwang ang mga paang patungo sa Robinsons.

Alas dose.
Cut ang klase.

#WalangPasok.
1.
Noong unang panahon, dumalaw ang isang diyosa
Sa bagong kapapanganak na ina
Na ang bagong silang na sanggol ay biniyayaan
Ng mga bertud na may kapangyarihan
(Once upon a time, a goddess visited
A mother who has just yielded
A newborn infant who was blessed
With amulets wherein powers are wielded)

2.
Ang ina ay nagsumamo sa diyosa
Na biyayaan ng mahabang buhay ang anak niya
(The mother to the goddess implored
For a long life to the child she labored)

3.
Hindi sumagot ang diyosa
Pero ikinwintas niya ang agimat sa bata
(The goddess did not answer
But a necklace to the child she did wear)

4.
Sa kwintas nakasabit ay tatlong bato
May taglay na kapangyarihan ang mga ito
(The stones are the necklace’s pendants
A power in them enchants)

5.
Ang isa ay nagbibigay-lakas, sa pangalawa ay bilis naman
At sa pangatlo’y proteksiyon sa kapahamakan
(The one grants strength, speed is by the second charm
By the third protection from harm)

6.
Ang nasabing sanggol si Biuag ang ngalan
Siya ay tubong Enrile, Cagayan
(The said baby is Biuag by name
Enrile, Cagayan is from where he came)

7.
Kaya niyang bunutin ang isang puno
Na kaydali para lang siyang nagdadamo
(He can uproot a tree
Just like weeding so easily)

8.
Kaya rin niyang lumangoy nang matulin
Maging mga buwaya’y ‘di siya kayang habulin
(He can swim so fast
Even crocodiles through him can’t get pass)

9.
Nahulog narin siya sa lugar na mataas
Subalit walang natamong anumang gasgas
(He even fell from a high place
But didn’t obtain any bruises)

10.
Dahil sa mga kapangyarihang ipinamalas niya
Mga tao’y dinayo siya at sinamba
(Because of powers by his showmanship
To him people came and worship)

11.
Sa kabila ng lahat, malungkot si Biuag
Dahil ‘di niya makuha ang napupusuang dilag
(Despite of all, Biuag is desolate
Because the dear maiden he can’t get)

12.
Ang nasabing babae sa Tuao ay katutubo
Hindi tanyag ang nilalang na ito
(That lady in Tuao is indigenous
This creature is not famous)

13.
Noon din ay may binatang katulad ni Biuag
Malakas, makapangyarihan, hindi duwag
(At the same time like Biuag was a man popular
Strong, powerful, not coward)

14.
Malana ang tawag sa kanya
Taga-Malaueg, Rizal ang magiting na binata
(Malana is he being called
From Malaueg, Rizal is this bachelor bold)

15.
Noong labing-walong taong gulang siya
Nilangoy niya ang ilog na maraming buwaya
(Eighteen years old when he was
Swam he the river with lots of crocodiles)

16.
Ito ay upang kumuha ng pagkain
Mula sa malayong lupain
(This is in order to get fodder
From a land that’s farther)

17.
Para sa mga nasalantang tao
Ng nagdaang bagyo
(For the people devastated
By a typhoon that thrusted)

18.
Nang makauwi si Malana
May nakita siyang isang pana
(When Malana returned home
Saw he a bow and arrow)

19.
At nang kanya itong ipukol sa hangin
Sa kanya ang bala’y bumalik din
(And when on air it was thrown
To him the arrow returned)

20.
‘Di naglaon kanyang nabatid
Na ang sandata’y may kapangyarihang hatid
(Soon it came to his awareness
That the weapon a power possesses)

21.
Siya rin ang iniirog ng dilag
Na kinahuhumalingan ni Biuag
(It is him also liked by the maiden
To who Biuag has fallen)

22.
At nang matuklasan ni Biuag na si Malana ang napupusuan
Hinamon niya ang karibal sa isang labanan
(And when Biuag learned that Malana is the beloved
To a fight his rival he challenged)

23.
Nagimbal ang buong bayan
Sa katakut-takot na labanan
(The whole nation felt horrible
Upon the terrifying battle)

24.
Higanteng buwaya ginamit ni Biuag
Babaeng gusto pinagsabihan siyang duwag
(Giant crocodile Biuag utilized
Coward is he said the lady he liked)

25.
Dahil doon, si Biuag ay napahiya
Sa huli, kanyang nilunod ang sarili niya.
(Because of that, Biuag was embarrassed
Drowned he himself at the very last).

-08/17-18/2013
(Dumarao)
*for Epic Day 2013
My Poem No. 222
Levin Antukin May 2020
balik-tanaw. limang taong gulang.
tapos na maghabulan, magtayaan.
pagod na ang lahat at ang natitira na lamang
ay magkwentuha't mag-asaran bago magsiuwian.

"wala mga daddy niyo sa daddy ko", sigaw ng aking kalaro,
"nagpapalipad siya ng mga eroplano".
manghang-mangha kami habang nagkukwento siya
at may hawak pang eroplanong papel.

"pero 'di papatalo si itay", sabi naman ng isa pa,
"sa Saudi siya nagtatrabaho kaya lagi akong may bagong laruan".
bilang ganoon pa kabata, 'di namin mapigilan mainggit.
sino ba namang hindi kung laruan ang binabanggit?

pinagyabang ko siyempre ang aking ama.
"pulis ang tatay ko". sabay humugis ng baril
gamit ang mga kamay.
basang-basa ang mga ito dahil sa pawis.
mga palad na makaraan ang isang dekada't kalahati
ay nalulunod na sa pagiging pasmado o marahil sa kaba
dahil sino ba'ng 'di matatakot sa pulis

ngayon?

nalaman namin na hindi nagpalipad ng eroplano
yaong daddy ng kalaro namin.
flight attendant siya. marangal na trabaho.
nagtrabaho nga sa Saudi ang itay ng kalaro pa naming isa
subalit kalaunang bumalik sa 'Pinas dahil pagod na.

kahit ano pa mang trabaho iyan o kung saan,
nakasisindak isiping nakatira ka sa iisang bubong
kasama ang isang mamamatay-tao.
ang malala ay isa siya noon sa mga pinaka-tinitingila ko.

tunay ngang mabilis ang pag-ikot ng mundo
kung ang nasa poder ay baluktot ang prinsipyo.
biktima tayong lahat na pumapailalim
sa mga nagmamataas na sakim at gahaman.
bakit magtataka sa kasulukuyan
kung mas masahol pa sa kriminal
ang puwersang kapulisan?
1 Isang prinsesang bawal yumapak sa lupa
Siya ang binukot na si Dara

2 Ang kanyang edad ay labimpitong taong gulang
Natatanging anak ng mga magulang

3 Matuwid at makintab ang maitim na buhok
Mana sa amang hari na mapusok

4 Maputi at makinis ang balat
Mana sa inang reyna na madalaing magulat

5 Tapang at nerbiyos sa dugo nananalaytay
Matapang sa buhay, natatakot mamatay

6 Sukdulan sa proteksiyon at pagka-sensitibo
Kaya ‘di pa nakalalabas ng kwarto

7 Subalit mayroon din naman siyang libangan
Kumanta at manood ng mga mangingisda sa durungawan.

-06/22/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 141

— The End —