Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Elle Manabat Jan 2016
Iyak.
Iyak ng isang kobrang nakadikit sa dingding na kaya kong patahanin unti-unti sa bawat pihit.
Sa bawat patak ng luha nitong humahalik sa aking noo na dahan-dahang dumadausdos papunta sa aking mga pisngi.
Sa aking mga pisnging halos magkapasa na sa madalas **** pagpapaligo rito ng mga kurot.
Ang iyong mga kurot na siya namang nagpapahiwatig na hinding hindi ka magsasawa sa pagmumukhang ito.

Noon.
Hindi na ngayon.

Patuloy ang paggapang ng mga patak na maligamgam papunta sa aking mga labi na hindi pinalagpas ang pagkakataong ipaalala sa akin na
ang mga labi ito ay minsan nang nabigyan ng pagkakataong iwika ang kung ano mang hindi kayang maipahiwatig nang sapat ng aking mga haplos.
Ang mga labi kong minsan nang natikman ang tamis ng iyong gayuma.
Ni hindi pinatawad ang lasa ng tsisburger o ng kung ano man ang iyong kinain sa araw na iyon.

Ang mga patak na ngayo’y lumalakad na nang tahimik sa kahabaan ng aking leeg na siyang nagdurugtong ng aking ulo na kumukulong sa aking utak sa aking dibdib na naglalaman ng aking puso.
Ang puso kong bumulong nang paulit-ulit na para bang sirang plaka at nagsabing may pag-asa pa. Ang kumulit sa akin na maniwala sa tibay ng ating pagmamahalan.
Ang aking utak na nagsabing wala itong patutunguhan na tila’y totoo sapagkat ang ating mga kamay ay hindi makapagkokomunika nang mahabang panahon at may posibilidad pang hindi na muling magkatampo kahit pa ang mga ito’y kulu-kulubot na.
Ang karibal ng aking puso na aking pinakinggan.

Sayang.

Para bang ako ang paboritong manika ng kapalaran. Ang kanyang manikang paulitulit na pinaiikot sa isang tugtog na di ko kayang sabayan. Siya na tuwang-tuwa na makita akong naghihikahos sa pagbugbog ng bawat pagsubok.

Awat na.

Pihit.
Ayoko nang maalala pa ang pait na ipinapaalala ng bawat patak.

Pihit pa.
Tila'y isang patak na lamang ang ibubuga. Ang bawat halik ng tubig sa baldosadong sahig na lumilikha ng malungkot na tunog na “tik… tik… tik…”

Isang pihit nalang.
Isang pihit nalang at titigil na ang tila duet na paghugulgol ng ahas na nakadikit sa dingding na baldosa rin at ng ngayon ko lang napansin na umaapaw kong mga mata na kanina pa pala sumasabay sa agos ng tubig na dumadaloy sa aking mukha.

Tama na.
Tahan na.

/e.m/
Bryant Arinos Aug 2017
Tandang-tanda ko pa

Makakalimutin ako pero tanda ko pa rin ang mga dumaang araw
Mga panahong ang bawat salita mo bumubuo ng akin araw,
Bawat katinig sa aking balat humahaplos,
Bawat patinig sa balahibo ko dumadausdos.

Hinding hindi ko malilimutan, tunog ng boses **** kay lambing
Nang sinabi mo sa’kin na ako’y gusto mo rin.
Makakalimutin ako pero natatandaan ko lahat ng sinabi mo,
Nung panahong ginantihan mo ko ng salitang “ikaw lang rin ang mahal ko"

Hinding hindi ko malilimutan kung papaano tayo magtinginan
Kung paano tayo naghahati sa mga pagkaing nakahain sa ating harapan.
Kung kelan tayo sabay humahalakhak at parang lunod sa kapit ng alak
At kung papaano tayo magtinginan sa tuwing tayo’y magkaharapan.

Hinding hindi ko malilimutan ang mga panahong kamay nati’y naglapat
Nag salit-salit bawat daliri, nagsasabing habang buhay tayong magiging tapat.
Yung higpit ng bawat kapit sa balikat na tila ayaw malayo
At siyempre ang panahon na una tayong nagtagpo.

Hirap talaga akong makaalala ng mga bagay na nangyayari,
Kilala mo naman ako, likas na makakalimutin.
Kaya nga di ko lubos maisip na kahit hirap akong makaalala.
Hinding Hindi ko pa rin malimutan, ang mga luma nating ala-ala.

— The End —