042816
Naghalungkat ako
Ng mga larawang walang mukha,
Kupas na alaala,
Walang kulay na sandali,
Basura ng pagkukunwari.
Nagkolekta pala ako
Ng mga kumikinang na diyamante
Mapang-akit at akala ko'y tunay.
Pero sila'y pekeng alahas.
Pinunit ko
Ang mga sulat na hindi nabasa
May mga letrang dayuhan sa papel,
Nabubura, natitintaan, natatapalan
At nakakalimutan.
Nagbilang ako
Ng mga barya, kahit paulit-ulit
Hanggang sa maging kulang.
Inipon ko, pero hindi sapat,
Kaya't gagastusin na lamang
Para sa walang saysay na luho.
Nagtupi ako
Ng mga damit na gula-gulanit
Noo'y bago pa't sabay sa uso.
Ayos ang pustura,
Pero ngayo'y basahan na,
Mabuti pang gupit-gupitin na lang.
Magtatapon ako
Ng inaanay na kaha,
Walang silbi; walang pag-asa.
Kesa sa mabulok itong muli,
Hindi niya na kayang iinda ang paglilihim.
Papalayain ko na siya
**Kahit pa siya'y mahal.