Sa tuwing sasapit ang hatinggabi,
Iniisip ka na lang palagi,
Kumusta ka na kaya, aking sinta?
Sana ang mga araw mo'y masaya
ayokong nasisilayan ka,
Bitbit ang pighating nadarama,
Nawawalan ng kislap ang iyong mga mata,
Sinanay mo ako na ika'y palaging maligaya,
Na para bang wala kang problema,
Hindi ako sanay na hindi ka masaya.
Sa tuwing magtatama ang ating mga paningin,
Binibigyan mo ng liwanag at kinang ang aking mga bituwin,
Hindi ako naniniwala sa diyos ngunit ikaw ang aking dalangin,
Sana balang araw ay matatawag kitang akin,
Hinihintay ko ang pagkakataong akin iyong damhin.
Ilang taon na rin ang lumipas nang ako'y mabighani sa'yo,
Nagugulat ang iba kapag sinasabi kong gusto kita, mahal ko.
Pilit nilang tinatanong kung ano raw ang nakita ko sa'yo,
Guwapo ka, may dimples, matangkad, matalino, mabait, at matipuno.
Bakit hindi sila naniniwala sa mga deskripsyong ito?
Isa na namang piyesa ang aking nabuo na ikaw ang paksa,
Nang dahil sa'yo, nagkakaroon ako ng kumpyansa na gumawa,
Hindi man ito perpekto sa ibang mambabasa,
Wala naman akong pakialam basta ako'y maligaya,
Ngiti ko nga ay umaabot na hanggang sa aking tainga.
Maniniwala ka ba sa mga isinulat ko rito?
Ikaw lang talaga ang tinitibok ng aking puso.
Sa tuwing iniisip ka, kumakalma ang pakiramdam ko,
Para kang nagsisilbing liwanag na kailangan ko,
Ikaw ang magiging tahanan at pahinga ko.
Lingid naman sa aking kaalaman na hindi mo ako magugustuhan,
Isa lamang akong hamak na bakla na hindi mo mapupusuan,
Tanging tunay na babae lamang ang bubuo sa iyong katauhan,
Ngunit umaasa pa rin ako na magbabago ang ihip ng hangin sa kasalukuyan,
Kahit masyado itong komplikado, labis ko pa rin itong hihilingin sa buong kalawakan.
Salamat sa isang tao na nagpaligaya ng aking puso't damdamin, nakagawa ako ng piyesa na ikaw ang paksa! Pag-ibig nga naman. Kasalanan ito ni kupido!