Ang wikang nanlaban,
ay ang wikang nanatili.
Ang wikang di nag-atubili,
ay ang wikang nagwagi.
Ang wika ng mga matatapang,
ay ang wikang di maaagawan.
Ang wikang awitin ng araw
at ang wikang tula ng buwan.
Ang wikang harana ng habagat
at ang wikang isinulat ng dagat.
Ang wikang ibinaybay ng alon
at ang wikang di aanurin ng baybay.
Ang wikang sinambit ng mga ninuno
na kailanman ay di mamamatay.
Ang wikang ginamit ng mga bayani
na habambuhay nang mamamalagi.
Ang wikang matapang,
ang wika ko magpasawalang-hanggan.
Isang oda sa Tagalog, ang wikang matapang at ang wika ng mga matatapang. Para sa buwan ng wika.