Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Ayin Medina Sep 2016
Ayaw ko nang maglaro
nakapapagod, nakakasawa
Ayaw ko nang maglaro ng habulan
noong bata pa tayo
isa, dalawa, tatlo hahanapin kita
maliliit pa lamang ang mga hakbang
alam kong maaabot kita
hindi matatapos ang maghapon nang hindi kita nahahawakan
Pero ayaw ko nang maglaro ng habulan
sobrang layo na nang tinakbo mo palayo
nakabilang na ako ng isa, dalawa, tatlong taon, ako pa rin ang taya
Ayaw ko nang maglaro
nakapapagod, nakakasawa

Ayaw ko nang maglaro ng langit lupa
lumipas ang sampung taon, ika'y tunay na langit na
mahirap ka nang mataya ng tulad kong matagal nang nasa lupa
ika'y nasa taas kasama siya
Ayaw ko nang maglaro ng taguan
noong tayo'y anim na taong gulang
hahanapin lang natin ang isa't isa sa bakuran
Ayaw ko nang maglaro ng taguan
humayo ang panahon, ako pa rin ang naghahanap
hindi na sa bakuran lamang, sa buong mundo na mahal
Ayaw ko nang maglaro
nakapapagod, nakakasawa

Ayaw ko nang maalala ang larong tumbang preso
minsa'y nakikita ko ang sarili ko sa lata
Binabato ng mga masasayang alaala natin
Na unti unti sa aki'y nagpapatumba
Ayaw ko na maisip ang laro nating luksong tinik
minsan ay naiisip kong sana wala na lang ang ngayon
sana nanatili na lang ang kahapon
na ang mga nilulundag lang natin ay ang pinagpatong patong na daliri
at hindi ang mga nasayang na pagkakataon

Ayaw ko na
Ayaw ko nang maglaro
Dati ay kasama ka
Kalaro, kakampi
Ngayon ako na lang ang mag-isang naglalaro sa kapalaran
nakapapagod, nakakasawa
Sa paglipas ng panahon, ayaw ko na talaga
Kwento nating dalawa ay isang laro
Laro na kung saan lagi akong natatalo
Sa bawat pagkatalo, bibigyan ng panibagong buhay
Buhay, at pagkakataon
Upang muling maglaro
Para lang muling matalo
Ayaw ko nang maglaro
nakapapagod
nakakasawa
This piece is inspired by Autotelic's Laro and Patintero, Habulan Larong Kalye by Ang Bandang Shirley

— The End —