Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member

Classics

Christina Rossetti

Members

marina
maybe i'm not all yellow
Sumina Thapaliya
Nepal    Speak the language of silent thoughts...!!

Poems

Eugene Oct 2018
"Anak, ilang oras na lang, aakyat ka na sa entablado. Proud na proud ako sa iyo, anak" wika ng kaniyang ina habang inaayos ang suot niyang toga. Isang matamis na ngiti naman pinakawalan ng binata at niyakap nang mahigpit ang ina.

Ito na ang araw na pinakahihintay niya.

Ang araw na magtatapos na siya sa kolehiyo.

Ang araw na pinaka-pinanabikan niyang dumating sa buong buhay niya.

"Anak, mauna ka na muna roon sa unibersidad at ako ay susunod na lamang. May tatapusin lang ako rito sa ating tahanan. Hindi puwedeng hindi maganda ang iyong ina kapag akay-akay kitang nagma-martsa,"  Isang halik sa pisngi ang iginawad ng ina sa anak.

Lumipas pa ang dalawang oras, isa, at hanggang sa naging tatlumpung minuto na lamang ay hindi pa rin nakikita ng binata ang kaniyang ina. Kabadong-kabado na siya nang mga sandaling iyon.

"ROGEN! ROGEN!" sigaw ng isang tinig. Hinanap ni Rogen ang pinanggalingan ng tinig at doon ay nakita niya ang kaniyang matalik na kaibigang hingal na hingal na tumatakbo patungo sa kaniya.

"Bakit tila hapong-hapo ka, Arwan?" aniya.

"Ang--ina. Ang-- iyong ina! isinugod sa ospital ang iyong ina,"  agad namang kumaripas ng takbo si Rogen, suot-suot ang togang mayroon siya upang puntahan ang pinakamalapit na ospital sa kanilang bayan nang marinig ang tungkol sa ina.

Habang tinatakbo ang daan patungo ay hindi napigilan ni Rogen ang pagpatak ng mga luha sa kaniyang mga mata. Nang marating ang ospital ay agad niyang pinuntahan ang information desk. Sinabi ng nars na nasa emergency room ang kaniyang pakay at hindi pa nakakalabas ang doktor.

Pinuntahan niya ang emergency room at doon ay natagpuan niya ang sariling kausap ang kaniyang amang matagal niyang hindi nakita.

"Rogen, anak," agad siyang niyakap nito. Hindi naman nakapagsalita si Rogen dahil ang puso at isipan niya ay nasa kaniyang ina.

"Anak, patawarin mo ako kung ngayon lamang ako nakauwi at hindi ko inasahang sa muling pagkikita namin ng iyong ina ay aatakihin siya ng kaniyang sakit sa puso," mulagat ang mga mata ni Rogen nang marinig ang salitang iyon. May sakit ang kaniyang ina at hindi niya alam? Inalalayan siya ng kaniyang ama na umupo at doon sinabi sa kaniya ang lahat.

"Anak, graduation mo ngayon. Kabilin-bilinan ng iyong ina kanina bago siya atakihin ng kaniyang sakit na kailangan **** daluhan ang pagtatapos mo. Wala man siya o nasa tabi mo man daw siya ay dapat personal **** abutin ang diploma mo at ang medalya **** apat na taong mo ring pinaghirapang makamit," patuloy ang pag-agos ng mga luha sa mga mata ng kaniyang ama habang siya ay humahagulgol na. Ang medalyang iyon sana ang sorpresa niya sa kaniyang ina pero mukhang nalaman na rin niya pala ito.

"Mayroon ka na lamang sampung minuto upang bumalik sa unibersidad at kunin ang iyong medalya at diploma, anak. Ako na ang bahala sa iyong ina. Alam kong bibigyan pa siya ng Panginoong makita ang medalya at diploma mo. Tuparin mo ang bilin niya, Rogen."

Kahit mabigat sa kalooban ay pinahiran ni Rogen ang kaniyang mga luha at tumayo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ginantihan niya ang yakap ng kaniyang ama at mabilis na tumakbo palabas sa ospital .

Sampung minuto na nang makalabas siya sa ospital.

Siyam na minuto nang pumara siya ng masasakyan at dali-daling sumakay dito.

Walong minuto nang magsimulang umandar ang dyip.

Pitong minuto nang biglang bumagal ang usad ng mga sasakyan.

Anim na minuto nang iabot ni Rogen ang bayad sa drayber at naghintay pa ng isang minuto.

Limang minuto at hindi na nakatiis si Rogen. Bumaba na ito ng dyip.

Apat na minuto na at hindi na niya ramdam ang init nang mga oras na iyon maging ang mga nakabibinging busina ng mga sasakyan sa kalsada.

Tatlong minuto na at nasa tapat na siya ng unibersidad. Ang lahat ay nasa loob na ng convention hall.

Dalawang minuto na at kailangan niyang magmadali dahil dinig na dinig na niya ang pagtawag sa mga apelyido ng magsisipagtapos na nagsisimula sa letrang "B".

Isang minuto na at sa wakas narating din niya ang convention hall. Tamang-tama lang dahil buong pangalan na niya ang tinawag ng EMCEE.

"Batobalani, Ujuy Rogen, MAGNA *** LAUDE!"

Basang-basa na ng mga luha ang togang suot ni Rogen nang mga sandaling iyon pero taas-noo pa rin siyang naglakad upang umakyat sa entablado. Nanalangin sa isipang sana ay huwag munang kunin ang kaniyang ina.

Nang makaakyat ay binati siya ng mga naroon at isinabit sa kaniya ang kaniyang medalya.

"Everyone, let us hear the message of success to our first ever Magna *** Laude of West Visayas University - College of Education, Rogen Ujuy Batobalani!"

"Isang maikling talumpati lamang po ang aking ibibigay sa kadahilanang hindi ko po nakasama ang aking ina rito sa entablado upang magsabit sa akin ng aking medalya. Nasa emergency room po siya ngayon at nag-aagaw buhay." muli na namang pumatak ang kaniyang mga luha.

"Sa aking ina, nais kong malaman mo na walang araw na hindi ko inihahandog ang mga gantimpalang nakamit ko sa unibersidad na ito. At itong medalyang ito at ang diplomang kukunin ko ay para sa iyo. Para sa walang sawang pag-suporta mo sa akin. Para sa araw-araw **** pagpapaalala sa akin na ang buhay ng isang tao ay parang isang mahabang tulay na may iba't ibang uri ng balakid sa daang kailangang suungin, at lagpasan ng may lakas ng loob, tiwala, at malakas na kapit sa ating Panginoon upang makita ang dulo nito. Walang hanggan ang aking pasasalamat sa iyo, mahal kong ina. Mahal na Panginoon, maraming salamat din po at nagkaroon ako ng isang inang katulad niyang mabait, maalalahanin, maalaga at mapagmahal. Alam Niyo po ang iniiyak ng aking puso at nawa ay Iyo po itong pakinggan."

Ang hindi alam ni Rogen, matapos ang maikling talumpating iyon ay siya namang pagtigil ng tibok ng puso ng kaniyang ina sa ospital.
Lev Rosario  Sep 2021
Pamilya
Lev Rosario Sep 2021
At kumawala ako sa panahon
Ako
Hawak ang camera
Pagkatapos kunan ng letrato
Ang pamilya
Sa lumang bahay
Na unti unting ginigiba
Nang mga elemento

Sino ba ako?
Sino itong mga kasama ko?

Nasa dulong kanan
Ang aking tinatawag na Ina
Naka puting T shirt
At itim na pantalon
Malaki Ang ngiti
Pero tila may tinatago
Sa likod ng mga mata

Nasa dulong kaliwa
Ang aking tinatawag na Tito
Bitbit ang kanyang Dachshund
Ang anak ay
Hindi imbitado sa handa
Yumaman sa pagtatrabaho
Sa Estados Unidos

Sa Gitna
Ang aking tinatawag na Lola
Hindi na ngumiti
Ubos na ang mga araw
Kung saan siya'y napapangiti
May sugat na hindi na gumagaling
Dahil sa Diabetes

Nakapaligid Ang iba
Mga pinsan, Tito at Tita
Makukulay ang suot
Maiingay at matatakaw
Bata at matanda

Lahat ng ito
Kasama ako
Nanggaling sa iisang matris
Mula bata hanggang pagtanda
Nakipagsalamuha, naglaruan, naglakihan, nagmahalan, nag awayan...
Ito kami
Ito ako

Ano ang ibig sabihin nitong lahat?

Nakatitig ako sa letrato
Habang natunaw ang madla
Maya't maya ay uuwi na
Sa kani-kanilang tahanan
Iisa ang pinanggalingan
Saan ang patutunguhan?

Sino ba ako?
Sino itong mga nasa letrato?

Ako ay may ina
Ang aking ina ay may ina rin
At ang ina ay may ina rin
At ang ina ng ina ay may ina rin
At ang ina ng ina...

Katabi ng aking Tito
Ang panganay na pinsan
Muntik nang mamatay sa dengue
Noong kabataan
Naghahanap na ng trabaho
Naghahanap na rin ng girlfriend

Bawat isa ay may pangarap
May iba't ibang Diyos
May iba't ibang lengguwahe

Ako
Ang tagakuha ng letrato
Sino ba ako?
Miyembro ng isang pamilya
Estudyante, kapatid, anak, pinsan, pamangkin, kaklase, kalahi
Tagasulat ng tula na ito
Tagakuwento ng mga nakalimutan at  makakalimutan
Tagapagmahal ng mga taong pwedeng mahalin