Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member

Members

Poems

Nath Rye  Jan 2016
ballroom
Nath Rye Jan 2016
Isang pinto ang nasa aking harapan.

Pintong gawa sa kahoy. Limang tao ang lapad ng pinto, at dalawan' tao ang taas nito. Dahan-dahan 'kong hinawakan ang nakausling parte.

Hinila ko. Ang bigat.

Isang engrandeng *ballroom
ang itinatago ng pintong aking pinasok. Ang una talagang mapapansin ay ang magarang wallpaper na yumayakap sa pader. Sa pinakaharap, may hagdanan na tila hari't reyna lang ang maaring gumamit. Sa bawat dulo ng hagdanan, may mga nakapatong na gintong mga dekorasyon- mga anghel at mga hayop na makikita lamang sa panaginip. Pero, mapapatingala ka talaga sa larawan ng Diyos at mga anghel na sumasakop sa buong kaitaasan ng ballroom.

Ang amoy naman, amoy ng mamahaling pagkain.
May mga lamesa at mga plato para sa mga nais kumain

Ang unang yapak ko sa loob ay sinalubong ng mga tingin mula sa mga tao sa loob. Lahat sila'y magkamukha...

magkakambal kaya?

Nilapitan ako ng waiter. May dala-dalang alak.
"Ser, gusto niyo po ba ng-"
"Bakit magkamukha kayong lahat dito?"
Lumabas lang ang mga salita sa aking bibig. Di na ako nakapaghintay.

"Ah... ser, kung gusto niyo po ang kasagutan sa tanong niyo, sigurado akong may makakapagpaliwanag sayo nang mas maayos."

At sabay siyang umalis.

Inikot ko ang ballroom. Kinausap ko ang mga tao. May mga sumasayaw, may mga kumakanta, at mayroon pang mini magic show. May mga nakabarong, iba nama'y naka tuxedo.

Naging masaya ang mga usapan, hanggang itinanong ko ang tanong ukol sa kanilang pagiging magkamukha. Pinapasa-pasa lang nila ang tanong sa mga ibang nasa ballroom. Ika nga, "hindi nila mapapaliwanag nang mabuti."

Ano naman ang napakakumplikadong paliwanag na ito?

Lahat ba, naitanong ko na?

Nanlaki ang aking mga mata. May nakita akong nag-iisa sa dulo ng kwarto. Mukhang matalino. Nilapitan ko.

"Sarap ng pagkain."

Binigyan niya 'ko ng tingin ng pagkagulat.

Makalipas ang ilang segundo, nagsalita na rin siya.

"Ganyan ka ba talaga nagsisimula ng isang conversation?"

"Di eh. Pero masarap naman talaga. Kinailangan ko lang ilabas ang matinding damdamin ko para sa handa."

Tawanan. Pero desperado na 'ko. Gusto ko nang malaman kung bakit.

"Bakit magkamukha kayong lahat dito?"

"Ah.... ikaw ay tulog ngayon. Nananaginip ka lang. Ang bawat tao rito'y indibidwal na parte ng iyong sarili. Ang iba't-iba **** personalidad, nag anyong-tao."

"Ha?"
Ginagago ako nito, ah.

"Subukan '**** kurutin ang 'yong sarili. Di siya masakit, di ba?"

Tiningnan ko ang braso ko. Kinurot ko, yung masakit talaga.

Wala akong naramdaman.

"Gets? Ako ang parteng nais tumulong sa iba, sa kapwa-tao."

".... Maniniwala muna ako sayo, ngayon. Pero, ibig sabihin ba'y ang lahat ng personalidad ko'y pantay-pantay?"

"Hindi. Ang mga taong nasa itaas ng hagdan, sila ang pinakamalalaking parte ng 'yong sarili. Kaya sila ang mga pinakamakapangyarihan dito sa ballroom."

"At pwede akong umakyat doon?"
Gusto kong umakyat.

"Handa ka bang tanggapin ang iyong sarili? Pa'no kung puro mamamatay-tao pala ang mga nasa itaas? O magnanakaw? O sinungaling?"

"Edi ok, tanggap ko naman na di ako perpekto."

Pero sa isipan ko, natakot ako. Nakakatakot makita ang mga masasamang parte ng sarili mo, na naging sarili niyang tao.

"Edi umakyat ka. Panaginip mo 'to. 'Di akin."

"Sige, salamat pare."

"Geh."

Inakala ko na ang huli niyang sasabihin ay may relasyon sa pag-iingat, o pagkukumbinsi na 'wag na 'kong umakyat. Pero dahil sa isang "geh" na sagot niya, nahalata 'kong wala na akong makukuhang impormasyon kung di ako aakyat.

Nasa harap na ako ng hagdanan. Kung nakatayo ka pala rito, parang nakatitig ang mga gintong dekorasyon sa 'yo.

Isa-isa kong inakyat ang mga hagdan, at sa taas, may nakita akong apat na tao.
  
Yung tatlo, nakikinig at tumatawa sa biro ng isa.

"Hi...?"
Wala naman akong ibang masabi, e.

Bigla silang tumahimik at napatingin sa 'kin.
Alam na siguro nila kung sino ako, dahil nilapitan nila ako at nakipag-kamay.

"Alam mo na ba ang lugar na ito? May nagsabi na ba sa 'yo?"

"Oo. Sabi sa 'kin ng isa na kayo raw ang mga pinakamalaking parte ng aking personalidad."

"AHHH! Mali siya! Nasa impiyerno ka na ngayon. Masama ka kasi eh."

Napatingin lang ako sa kanya.

"Joke lang, 'wag naman masyadong seryoso. Edi madali na lang pala! Sige, pakilala tayo!"
Ngumiti naman ang apat.

Nauna yung tatlo.

"Ako ang parte **** responsable. Alam mo ang mga responsibilidad mo, at maaga mo tinatapos."

Wow. Responsable pala ako.

Ang pangalawa.
"Ako naman ang parte **** madasalin. Malakas ang tiwala mo sa Diyos, kaya mahilig ka magdasal."
Grabe, banal pala ako?

Ang pangatlo.
"Ako naman ang parte **** mahilig sa sports. Mapa-boxing man o swimming, o basketball. Lagi kang handa."
Parang yung bodybuilder ko lang na klasmeyt ah. Napatawa ako.

At ang pang-apat, at ang lider:
"Ako ang parte ng sarili mo na nais makatulong sa ibang tao. Handa kang magpatawa kung kailangan, pero kaya mo naman ring magseryoso. 'Di ka nang-iiwan. Tunay kang kaibigan."

Pero yung tao kanina yung nais makatulong sa ibang tao.... baka ito yung sinungaling. Bahala na.


"Kayo ang pinakamalaki? Natutuwa naman ako."
Nagtawanan lahat.

"Pero may isa pa. Ang pinakamalaki talaga sa lahat."

"Saan?"
Saan nga ba talaga?

"Dito. Halika. Bago ka magising. Para makilala mo."

Pumunta yung pang-apat sa isang dulo ng kwarto. May pinindot siya. May maliit na butas na nagpakita sa pader. Madilim. Nahirapan akong pumasok. 'Di na sumunod ang apat.

Sa gitna ng kwarto, may isang tao. Isa. Nag-iisa, kasama ng mga libro at papel.

"Ikaw ang pinakamalaking parte?"

Tumingin lang siya sa 'kin.

"Ikaw ba talaga? Ano naman sinisimbolo mo?"

"Ako ang katahimikan. Ang katahimikan sa iyong loob. Matatag ang puso mo, at kahit marami kang kinakatakutan, hindi ito nagiging hadlang sa 'yo. Ako ang nagbibigay buhay at enerhiya sa lahat ng mga personalidad mo."

*At ako'y napatahimik. Katahimikan pala ang pinakamalaking parte.
It's 3:44 am woooooooo I started at 3. ps this is in tagalog/filipino. thank you
Daniella Torino  Jun 2017
Tahanan
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.