Ikaw — Ikaw ang nag-iisang Pag-asa, Ni hindi Mo ako binigo’t Ni minsa’y hindi ako tinalikuran.
Sa bawat pagkakamali’y Ni hindi Mo ako hinusgahan Bagkus tanging yakap Mo ang naging sandigan.
Ikaw ang aking Pahinga, Ang aking kalasag at kalakasan. Sa Iyong mga Salita’y nabubuhay ako — Nagiging bago ang lahat, Nagiging payapa ang puso.
Sa tuwing isasandal ko ang aking sarili, Sa’yo lamang ako nakakahinga, At nagiging mahimbing ang aking pagtulog. Ikaw ang lunas sa bawat sakit, Walang duming hindi Mo kayang hugasan.
Ngayo’y nandito ako Upang manghiram Sa’yo Kahit alam kong hindi ko ito masusuklian.
Pahiram — Pahiram ng lakas sa bawat araw, Pahiram ng bagong pananaw Nang ako’y makausad at makaahon.
Pahiram — Pahiram ng hininga at sandali, Pagkat hindi ko batid Kung hanggang kailan lamang ang buhay.
Alam kong ang lahat ng sa akin ngayo’y Tanging hiniram ko lamang Sa’yo Kaya’t turuan Mo akong hindi angkinin ang mga ito. Sa’yo ang lahat, at balang araw ay kukunin Mo rin ito At ibabalik ko Sa’yo ang aking paghinga.
At ang tanging hiling ko’y Mapapurihan pa Kita, Maging malinis ang puso Hanggang sa pagbabalik Mo. Salamat — Salamat, Ama.