palaging bilin sa akin ni itay kahit pa bata ako, "huwag kang pupunta sa lamay na may sugat." ngunit, hanggang ngayon pa naman, makulit pa rin ako. bawat lamay, ako ang taga-aruga sa umiiyak, taga-bigay ng biskit at dyus sa mga bisita, taga-lampaso ng sahig sa tabi ng kabaong.
sa gitna ng lahat, yakap pa rin ako ng aking itay. kahit sa gitna ng pagod, kinakaya ko pa rin ang gumaya sa mga yapak niya. subalit, araw-araw ko na lang nilalampaso sarili kong paa; paa na puno ng laslas, pasa, at mga iba't-ibang mga butas na hindi ko na rin matandaan.
sa kahit anong mangyari, dala-dala ko ang mga sugat na ito. ito ang aking sumpa; na araw-araw kong paglalamayan ang bawat pagkakaibigang nawala, mga irog na sinaktan at nasaktan, mga bawat away sa pamilya, at tuluyang hindi ako aalis sa kapilya kahit mawala pa ang aking dugo.
alam ko sa sarili ko na makulit ako. hangga't may ihihinga pa ako, dadalhin ko ang mga sugat ko sa bawat lamay na hindi pa nililibing hanggang ngayon. pinili ko ang mag-lingkod at maging mabuti. *kahit akin itong ikamamatay pa