Bagamat dumadaplis lamang sa atin Ang mga palaso ng kalaba’y Hindi moog ang ating mga damdamin At hindi rin bulag ang ating mga pananaw Sa hayag na pagsasalitan ng mga balang ligaw.
Gaya ng durungawang nakasilip Ay bukas na rin ang ating mga isipan Sa mga di kanais-nais na mga patibong Na ilang ulit inilagan sa katahimikan. Bagkus, ang mga ito’y nagmistulang mga laruang papel Na madaling napunit at bumigay Buhat sa walang awang pamimihasa Ng mga ahas at linta sa lipunan.
Tila sila’y nakasilid na lamang Sa kahong hindi de-baterya Habang tayo’y nagsisilipat Sa tuwing nagsusulputan ang sari’t saring palatastas.
At habang tayo’y nananatiling panatag Buhat sa ating mga kinatitirika’t kinalalagyan, Kasabay naman nito ang pagyurak sa mga dangal Buhat sa mga ideolohiyang kumikitil sa mga pangarap At nagsisilbing diktador sa kani-kaniyang mga tahanang Wala nang makita pang ibang dahilan upang tumahan pa.
Ang mga luhang hindi natin makayang punasa’y Nagmimistulang mga tinik na lamang sa’ting mga pagkatao. Syang susulpot at tutusok sa pakiramdam nating Minsan nga’y malapit lamang tayo sa isa’t isa At sana’y kaya nga nating patahimikin Ang walang himpil na pag-usok sa kanilang ipinagbabaka.
At sa ating paghimlay sa ating mga kumot Ay sabay din silang mangungulila Sa mga akap at lambing ng kanilang mga mahal sa buhay At hihilinging huminto na lamang ang mga sandali’t Makatakbo sila’t makalisan nang walang nakakapansin.