Hawak-kamay, sabay na tinahak ang makinang na dalampasigan Patuloy sa paghakbang at paghila sa animo'y hindi dumarampi sa buhanging mga talampakan Mga palad na magkayakap, mga daliring magkaniig Dalawang pares ng matang nakangiti na ayaw bumitiw sa pagtitig Kasabay ng umaawit at mabining pagaspas ng alon Sumakay sa bangka patungo sa paraiso'y masayang sumagwan Subalit sa masayang paglalakbay ay may humulagpos na unos Paligid ay nilamon ng dilim, dumaan sa langit ang kislap ng talim Bangkang sabay na sinasagwan, tumaob at tinangay ng agos Sa gitna ng laot, sabay ding nilamon ng dagat at sa ilalim bumulusok Patuloy ang delubyong pilit na pinaghihiwalay ang magkahugpong na kamay Pilit pa ring lumangoy at magkasamang sumampa sa bangkang gutay-gutay Niyakap nang mahigpit ang kilalang bisig kahit nakapikit Hindi man mapigil ang higanteng alon at malakas na buhos ng ulan Nangangatal, nangangalay man ay hindi huminto sa pagsagwan Muntik mang malunod sa sigalot na mainam na nakaungos Kumalma ang dagat, natawid ng gabi ang umaga sa gitna ng digma at unos Mula sa dalampasigan, sa laot at sa dulo ng mga puso Mamamayani ang pag-ibig sa malawak at mapanghamong mundo