Sa tag-init tayo nagkatagpo dala ang uhaw nais mapawi ang pagkatuyot sa tag-araw mga lalamunang di nadadaluyan hanap ay tubig, mga umiibig sa lamig sa daloy ng awit ng mga Ipil at sa mga aalalang nabuo sa bawat paglagok, sa bawat isa mga alaalang nabuo sa tag-araw.
alaala pa ang pagpalakpak ng mga dahon minsan lang masiyahan sa pagpapalit-panaog ng tag-araw at tag-ulan panga-pangakong binuo sa ilalim ng araw pinagdarasal ng mga kahapon di pa rin nalilimot, mga tuyong ugat ng mga pusong sawi sa pag-ibig na tubig sa tag-init minsan lang magkaniig
dahil ikaw at ako ay minsan ng nanirahan dito bumuo ng mga alaaalang impit na itinago sa ilalim ng mga punong saksi sa mga uhaw na puso, sa marahang pag-indayog ng mga dahong maririkit sa bawat pag-ihip ng hanging mainit sa katawang binalot ng mga sala at sa bawat pagbabalik sa alaala ikaw pa rin ang tanging nakikita sa bawat paglampas ng liwanag sa maririkit na butas ng kahapong sa ilalim ng ipil nakatago
Heto na naman ang tag-init hudyat ay muling pag-udyok sa uhaw na pusong may pangangailangan tuyot ang daloy sa bawat paghinga sa bawat pag-ihip kulang ang haplos bawat hagod ay paos.
Alaala ka sa mga sinag ng araw umaalpas sa mga dahon ng ipil mga hapong napawi ang init ng tag-araw nakakulong pa rin sa mga alaala sa ilalim ng punong puno ng pagmamahal sa kahapon at ako na di pa rin nagsasawa
sa ilalim ng mga Ipil maghihintay sayo
Sa Ilalim ng mga Ipil Michael Joseph Aguilar Tapit