Sabi mo, walang magbabago Pero ngayon, halos hindi na kita makilala Hindi mo lang ako basta isinabay sa iba Ipinagpalit mo pa ako Hanggang sa tuluyan mo na akong kinalimutan
Sabi mo, walang magbabago Pero ngayon, ibang-iba ka na Minsan, tinatanong ko ang sarili ko Katulad ng pagtanong ni Liza Soberano kay Enrique Gil “Pangit ba ako?” “Kapalit-palit ba ako?” “Am I not enough?”
Dati, halos walang makapaghiwalay sa ating dalawa Ang sabi mo pa, “Ikaw lang at wala nang iba pa” Ako mismo ang naging kaagapay mo sa pagkilala mo sa kanila Pero bakit ako mismo ngayon ang nawalan ng halaga? Bakit ako mismo ngayon ang hindi mo na binibigyang pansin? Nagpaka-layo-layo ka’t ibinaon ako sa limot Ibinaon mo ako sa kahapon Kung saan kasama ko ang mga iba mo pang itinapon
Pero tama na Tama na ang pagiging Liza Soberano Hindi na kita kukulitin at magtatanong ng isang milyong bakit Hindi rin ako magiging si Piolo Pascual Na hihingi ng explanation at acceptable reason At lalong hindi rin ako magiging si Bea Alonzo Na hihilingin na “sana ako na lang ulit”
Dahil tanggap ko na Hindi ko na hihingin pang ako lang ang piliin mo Magpaparaya ako’t papayag na isabay mo sa iba Isa lang ang hihilingin ko Na sana ‘wag mo akong tuluyang kalimutan Na sana ‘wag mo hayaang tuluyan akong mawala sa buhay mo Dahil gaano man kahabang panahon ang lumipas At gaano man karami ang nagbago sa pagitan nating dalawa
Ako pa rin ang tunay na laging andito para sa’yo Ako pa rin ang Wikang Filipino na kahit nagbago man, ay nandito pa rin at nananatili para sa’yo
A poem about the Filipino Language written for my students to perform on our celebration of Buwan Ng Wika, year 2017