Samahan mo akong kumawala, iwanan natin ang mundong ito sinta. Ikaw ang nais makasama sa pag-iisa, ikaw ang aking pahinga. Maglakbay tayo patungo sa kawalan, ang ingay at gulo ng mundo'y ating takasan. Hanggang kailan ito magtatagal? Walang kasiguraduhan, pero pinapangako kong hindi kita bibitawan.
Tara roon sa dalampasigan kung saan mistulang ang mundo'y tayo lang ang nilalaman. Hayaan **** ang iyong mga kamay ay aking hawakan habang tayo'y nagsasayaw sa ilalim ng buwan. Ipikit ang iyong mga mata at damhin ang pag-ibig ko, sinta. Ituloy natin ang pagsasayaw na walang ibang musika kundi ang aking pagkanta. Mga noo'y magkadikit habang ang mga mata'y nakapikit. Higpitan ang iyong kapit, huwag kang matakot lumapit.
Sa maiksing panahong tayo'y nagkakilala, ako'y iyong tunay na pinasaya. Ikaw sa akin ay tunay na mahalaga. Hindi kayang ipaliwanag ang nadarama. Huwag kang mangamba, sa puso ko ay mananatili ka. Halika sa mga bisig ko, mahal. Panahon natin ay di na magtatagal. Ang pagtatapos ay nalalapit, yakapin mo ako nang mahigpit. Nalalabing oras ating sulitin, pangakong ito'y ating uulitin.
Huwag ka nang malungkot, huwag nang sumimangot. Huwag nang pumiglas sa aking yakap, damhin ang ihip ng hanging kay sarap. Kasabay nang pagtatapos ng gabi ay ang pagtatapos ng ating nakaw na sandali.
Dahil tayo ay alon at dalampasigan, tinakdang magtagpo kahit panandalian. Tayo ay alon at dalampasigan. Ako ang alon at ikaw ang aking dalampasigan, ang lugar na aking pahingahan, aking takbuhan, aking pansamantalang tahanan. Ako ang alon at ikaw ang aking dalampasigan; ako sa'yo ay lumalapit, pilit kumakapit, ngunit kailangan kong lumisan. Ako ang alon, ikaw ang aking dalampasigan; malayo man ako saglit, ako'y babalik at aasang tadhana'y pagtatagpuin tayo ulit.