Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jul 2016
(A tagalog poem)



Tyaka na lang kita papansinin,
kapag kaya na kitang bigyan ng isang
matamis na ngiti gamit ang bibig na hindi
nangangamoy usok ng sigarilyo.
Tyaka na lang kita kikilalanin,
kapag kaya ko na ring kilalanin ang sariling tinig at hindi ang sigaw ng mga demonyong nangungupahan sa aking isip.
Tyaka na lang kita tatawagan,
kapag kaya ko nang alagaan ang aking katawan at muli na akong natutulog
bago pa magpalitan ang araw at buwan.
Tyaka na lang kita iisipin,
kapag ang tanging kinakatakutan ko na lamang ay ang pagkakawalay sayo
at hindi ang maaari kong gawin sa sarili
oras na maiwan nang mag-isa sa kwarto.
Tyaka na lang kita papakatitigan,
kapag ang aking mga mata'y hindi na pagod, namumugto, namumula.
Tyaka na lang kita kakausapin,
sa araw na pag-ibig na ang aking bukambibig,
sa oras na kasiyahan na ang nasa isip
at hindi kung paanong tali ba ang gagawin sa gagamiting "lubid".
Tyaka ko na lang hahawakan ang iyong kamay,
kapag naghilom na ang mga hiwa at sugat na ginuhit, inukit sa pulso,
kapag ang isip at kalooban ko'y
muli nang nagkasundo.
Tyaka na lang kita hahalikan,
kapag kaya ko nang talikuran ang mga bote ng alak kapalit ng dampi ng iyong labi.
Tyaka na lang kita yayakapin,
tyaka ko na lang hahayaan ang sariling
maranasan na iyong mahagkan,
kapag muli na akong nakakakain ng tama, sa tamang oras.
Kakayanin mo kaya ang maghintay kahit magpa-hanggang kailan?

At patawarin mo ako. Patawarin mo kung ano ako. Patawarin **** ito ako.
Patawarin mo ang kototohanan na
binubuo ako
ng kalungkutan at kaguluhan.
Patawarin **** kung minsan
kapag bumuhos ang luha
ko'y mas malakas pa sa ulan.
Isang araw, aawit ako
ng awit ng pananalig at katiyakan.
Susulat ng tula na naglalaman ng kasiyahan.
Ngunit sa ngayon,
dasal ko'y patawarin mo muna ako.

Giliw, tyaka na lang kita iibigin...
kapag kaya ko na ring ibigin ang aking sarili.
Louise
Written by
Louise  Philippines
(Philippines)   
Please log in to view and add comments on poems