Tumambad sa akin ang rehas Na may tuklap-tuklap na nakaraan, Minsa’y puti, ngayo’y sinag na ng araw. May mga banderitas ding panlayag Siyang simbolo ng mainit na pagbati.
Nakaririnig din ako ng padyak ng mga paa Sabik sa halik ng lupaing hindi naman pag-aari. Ang pagtatampisaw sa putikang May sirit ng pagmamadali. Ang pagkalampag ng pintuang walang tirahan At ako’y maiiwan, nakatali sa silyang lupain.
Sampung minuto raw Sampung minuto ring tumatagas ang mga alaala Sampung minutong pagiging saksi ng ebolusyon Ng waring walang himpil na pagtatantya ng pagkakataon.
Nilalatag ko nang paulit-ulit Ang mga kwento ng bawat katauhang kasapi sa kwento Sa kwento nilang paulit-ulit na binabasa Buhat sa matatapang na mga matang Hindi ko man lamang masuyo.
Nililingon ko sila sa aking paghihintay Ako’y hindi kilala, bagkus binabalikan. Malaya ko silang pagbubuksan, Yayapusin ng buo kong pagkatao.
Hindi ako mapapagod sa pagkukutya sakin ng kalsada Sa’king mga pagal na mga paang rumorolyo. Patuloy kong iindahin ang bawat misteryo ng lubak at patag, Maihatid lamang sila, sa panibagong kwento ng paglisan.