Pipigilan ko ba kung hindi ko na kaya? Hahayaan ko na lang bang umagos ang mga luha? Tatahimik na lamang ba ako at hindi magsasalita, Kung puso ko ngayon ay mabigat na mabigat na?
Ano ba ang kasalanan ko at ako ay pinagkaitan? Nagkamali ba ako, kaya pasan ko ang kapighatian? May magagagawa pa ba ako kung dalawa na kayo ang nang-iwan, At isisigaw na lamang sa hangin ang lahat ng aking pinagdaanan?
Tinutusok ang puso ko, nadudurog na parang yelo. Nanghihina ako, kulang na lang ako ay mag-deliryo. Ano ba kasi ang kasalanan ko at ako ay pinaghiwalay ninyo? Nasaan ang pagmamahal na matagal kong hinintay na maramdaman sa tunay na ina ko?
Tatlong dekada akong nagtiis sa pag-aakalang tama kayo. Tatlong dekada akong naghirap para maiahon ko kayo. Tatlong dekada akong nagbigay ng purong pagmamahal para ipagmalaki ninyo ako. Pero bakit kailangang itago ninyo ang katotohanan sa tunay na pagkatao ko?
Sinubukan kong tuklasin pero pinagbawalan niyo ako. Tinangka kong alamin pero ayaw ninyo. Nang tangayin ang pag-asang mayroon ako, Hindi niyo sinabing may tunay na kapatid pala ako.
Hahalikan ko na lamang ang hangin. Pakikinggan ko na lamang ang boses ng kalikasan. Sasayaw sa tunog ng kalembang sa kung saan, Hanggang sa buhay ko ay tuluyan maparam.