May mga bituing nais abutin, Nangangalay ang diwa pagkat dapat habulin. Ganoon pala ang pagtatagisan ng mga saranggolang itim, Sisipatin ang isa't isa't may pandilig na patikim.
Ako'y musmos sa alok nitong ginintuang pangarap, Dilubyo'y mabagsik bagkus may matinding yakap. At doon matatagpuan ang haplos na hinahanap, Ako'y alipin sa sahig na Langit ang sumusulyap.
Sa paglatag ng Liwanag na may bahaghari Waring yuyukod siyang ulap na mapagkunwari. At kanyang saplot, ihahanay nang sandali, Saksi maging hanging nagtataingang-kawali.
Sa pagsalin ng hiningang latak ng kahapon, Baon pala ang sakithanggang dapithapon. Ipipinta ang itsura ng sarong na maputi, Siyang pupuri sa Langit na may bahid ng kayumanggi.
Tila baryang itinapon at nagkakalansingan, Sa papag na mistulang may sawing kasintahan. Mga tauha'y lalaban sa kuweba ng kadiliman, At doon ang kandila'y panandaliang tatahan.
Babahagian ng yaman ang uhaw sa kalinga, Hahagkan silang mga busal na walang isang salita. Hanggang sa magkandiring muli sa saliw ng musika, Silang tangan ang pising *may kakaibang mahika.