Sa labing-apat na araw na nakilala kita Minahal ka ng buo Puso'y napahinto, natulala Dahan-dahang bumilis ang bawat pintig At sa bawat pintig na ginagawa nito Dala'y dugo na umaasang sana mahalin ako
Namumulang pisngi Namumulang labi At kagaya ng dugo sa katawan Akoy pinaikot-ikot, ikot, ikot... Hanggang sa maubos ang enerhiya Na baon-baon mula ulo hanggang paa
At sa dahon ng saging ako ay ibinalot Na parang betamax Iniluwa ng hindi nasarapan Ikinamuhi dahil sa lasa 'Di ko alam kung ako'y tanga o nagmamahal lamang At kung alin man ako sa dalawa Hindi na mahalaga dahil alam kong mahal kita
Sa labing-apat na araw na nakilala kita, Pinaglaruan mo ako At kagaya ng mga bata sa lansangan Ako ay naging kalsada At ikaw, ikaw ang trak Na piniling di pansinin ang mga butas sa ibabaw ng dibdib Dinaanan lang Hinayaang bukas Nakabilad sa araw At sa pagbuhos ng ulan Tinulungang lunurin ng tubig na may dalang putik
Sa labing-apat na araw na nakilala kita Minahal ka ng buo Nang walang halong pag-aalinlangan Na di inisip kung mahal din ba ako o hindi Pero sa ating munting panahon Nalaman ko na ikaw ay isang relihiyon Na piniling isantabi ang agham At ako, kagaya ng lahat ng bagay sa mundo mo Ay isang bersikulo lamang ng iyong bibliya Na kung hindi maintindihan Gagabayan ang sariling kamay At ibubuklat ang mga kasunod na pahina
Mahal, sa labing-apat na araw na nakilala kita Pagod na akong maging kalsada Ayaw ko nang maging parte ng iyong bibliya At higit sa lahat Hindi ako ang iyong dugo Na gagawing betamax at ibebenta Kapalit sa kapirasong salapi Mahal, hindi ako iyon
At ngayong tapos na ang labing apat na araw Magiging mahalaga ako para sa akin Nasaktan, nadurog Pero noon 'yon!
Mula ngayon tatanggi na ako Tatanggi akong masaktan Tatanggi akong paglaruan Tatanggi akong gamitin At higit sa lahat tatanggihan na kita Lilimutin ko ang iyong pagkatao gaya ng paglimot mo sa akin.