Madasalin akong tao. Pagmulat pa lang ng aking mga mata sa aking unang hinga, sa pagbuka ng aking mga bibig, ngalan Niya na ang unang lumalabas, ngalan Niya na ang aking binibigkas. Sa bawat umagang gumising ako na wala ka sa'king tabi, mas lumalakas ang aking mga dasal. Umaalingawngaw sa apat na sulok ng aking silid ang iyong mga alaala. Yung tipong aabutin ng ilang dekada bago aking malimutan ang tinig ng iyong mahihinhing mga salita. Ako'y madasaling tao. Sa ilang beses ko ng Isinigaw sa langit ang iyong mga ginawa para mapamahal ka sakin bakit tila aking pakiramdam hindi Niya ako naririnig? Sa ilang beses kong hiniling na makasama ka, sa bawat araw na nasa isipan kita, kulang pa ang mga senyales na ibinibigay Niya. Nakakatawa nga lang dahil hindi ko naman tinanong kung Pwede pa bang ika'y mapa sakin Pero bakit sumasagot na Siya agad Na parang hindi maaari? Pero itinutuloy ko pa rin ang aking pagdadasal at baka sakaling mapag bigyan. Hanggang sa umabot ako sa lugar na sa aking pakiramdam hindi naman sapat ang pagbulong ng dasal. Na hindi na sapat na iiyak ko na lang lahat sa mga paa ng imahe Niya. Na dapat siguro hindi lang saming dalawa ng Diyos ang aking mga hinihiling. Aking gagawing dasal Ang iyong pangalan hanggang sa mabingi ako sa bulong ng bawat santo. Hanggang sa masunog ang dila ko Sa *Amen ng bawat pari ng simbahan. Hanggang sa malunod ako sa mga dugong luha na iniyak ng birhen. Kailangan ko lang na iparamdaman Nila na ako'y naririnig. Kahit ang aking mga pinaka tahimik na sigaw para sa pangalan Niya. Isisigaw ko ang bawat rason kung bakit labis na Minahal kita. Ngunit ako'y nagbabakasali lamang, alam kong hindi lang ako ang Kanyang anak pero sana kahit isang beses lamang sa milyong daan kong pagsabi ng pangalan mo sa Kanya, kahit isa lamang sa kung sino man ang nasa itaas; nagbabakasakali lang akong umabot sa langit ang aking mga dalangin. Hanggang sa mahalin mo ako magiging madasalin akong tao.