Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jey Oct 2015
Isang araw, muntik na naman akong nagpakatanga. Isang araw, naisip na naman kita. Isang araw **** ginulo ang isip ko. Isang araw, binalik-balikan ko ang masasakit na alaala mo dahil isang araw, biglang iniwan mo ako.

Iniwan mo ako… at mula noon ilang araw akong wala sa sarili. Ilang araw iniisip ang mga dahilan kung bakit ka umalis. At kung bakit hindi ako ang iyong pinili. Ilang araw na akong nagbakasakali na maiisip **** ako na lang. Ilang araw na patuloy na umaasa sa pangakong babalik ka… “Babalik ako, bigyan mo ako ng isang linggo.” Ilang araw pa at naghintay ako, naghintay ako kahit alam ko na kung sino ang pinili mo.

Isang tanong na patuloy na gumugulo sa aking isipan. Isang tanong na hindi masagot nino man. Isang tanong na hindi ko makalimutan. Isang tanong na wala naman talagang kasagutan. Isang tanong, “Mahal, bakit mo ako iniwan?”

Hindi nga lang iniwan kundi iyo naring kinalimutan. Kinalimutan agad na parang walang pinagsamahan. Puta isang buwan, ganyan, isang buwan nga lang naman. Marahil naging mabilis nga ang mga pangyayari pero ipapaalala ko lang sa’yo ikaw – ikaw ang naunang nagbukas ng pinto. Ikaw ang naunang nagsabi ng “Mahal, bakit di natin subukan?” At sumubok ako. Lumaban tayo.  Ngunit pagkatapos ng lahat ay ano? Wala, wala nga palang tayo.

Alam mo, ito na marahil ang pinaka-tangang nagawa ko sa buhay ko. Sa sobrang ganda at saya kasi parang pwede nang isulat bilang isang nobela, baka nga bumenta pa sa Wattpad eh at ititulo ko “Tinidor” o kaya “Alexa”? Haha.

Pero sa sobrang sakit din parang pang-soap opera. Kaya bakit ganun? Bakit parang ako lang ang nasaktan? Bakit parang ako lang ang nasasaktan? Bakit parang ako lang ang nahihirapan? Bakit parang ako lang nagmahal? Bakit ako lang? Bakit? Ah alam ko na… kasi hindi ako ikaw.

Hindi ako ikaw, ikaw na naging pipi sa pagsigaw na ako ang mahal mo. Ikaw na naging bulag sa pagtingin sa kung sino ang nandito. Ikaw na naging bingi sa mga salita niyang “hindi kita gusto!” Ikaw na pilit umiwas sa maliliit na eskinitang daan papunta sa puso ko. Ikaw na naging duwag sa pagtangkang sumabay sa daloy ng ilog na magdadala sa atin sa bukas.

Hindi ako ikaw. Ikaw na nagdulot lamang ng bagyo sa aking mga mata. Ikaw na nagdala ng lindol at bumulabog sa mundo ko. Nagdala ka lang ng buhawi ng hangin na paikot-ikot lang at kahit sinisira mo ang lahat, nahihigop mo pa rin ako.

Ikaw. Ikaw pa rin ang bumitaw. Ikaw pa rin ang bibitaw. Sa kabila ng lahat ng kasawiang dinala mo sakin. Oo. Ako na yung tangang nagmahal pa rin sa’yo.

Ako na ang mabibingi at sa kalaunan ay magiging pipi, sa pagsigaw na mahal kita. Ako ang magiging bulag sa pagtingin sa iba dahil sa’yo lang mahal, sa’yo lang ako susubaybay. Oo, ako. Ako naman ang magiging bingi sa mga salitang minsan mo na  din sinabi sa akin, “hindi ikaw ang gusto ko!” At ngayon alam kong, hinding-hindi yun magiging ako. Ako ang sisiksik sa maliliit na eskinitang daan sa puso mo. Ako na ang lalangoy at sasabay sa daloy ng ilog maging sa hampas ng alon kahit wala ka na sa bukas na kahahantungan ko. Oo, ako.

Ako na ang nagpakamartir na harapin ang matitindi **** hangin. Ako na ang trainer wheels sa iyong bike. Ako na ang band-aid sa bawat sugat na iniwan ni Alexa, mga halik sa sugat na magpapatigil sa dugo. Ako na ang unan **** sa gabi mo lang nakikita, sinasandalan tuwing pagod, may problema, mahihigpit na yakap tuwing luha’y di tumitigil.  Ako na yung huling stick sa pakete mo ng sigarilyo, inosente’t di ka sasaktan, pero iba pa rin ang pinili mo.

Masyado nang mahaba ito, kaya tutuldukan ko na. Kasabay ng pagtutuldok sa masasaya at mapapait **** ala-ala. Kasi ngayon ako naman ang napagod na maghintay. Ngayon puso ko na naman ang unti-unting namamatay.  Pero hindi ko ito hahayaan kasi mali eh, sabi nga ni Trixie, “nasaktan mo lang ako, pero hindi mo ako napatay.”

Hindi ako ikaw, ikaw na tanga kasi pinakawalan mo ako. Mayabang man kung maririnig nila pero oo gago, ang laki **** tanga dahil iniwan mo ako. ‘Wag kang hangal kung sasabihin **** hindi siya ang pinili mo kundi ang sarili mo dahil alam natin pareho at sa kanya ka pa din babalik. Ito lang ang masasabi ko sa’yo. Minsan subukan **** maging ako.” Para alam mo kung gaano kasakit. ‘Wag kang mabuhay sa parang. Sa parang sa’yo, pero hindi. Parang kayo, pero hindi. Parang mahal ka, tanga hindi.
Uni(berso)
1:05 AM
August 5, 2015

celestialdeity.wordpress.com
raquezha Jul 2018
Hindi ako takot umibig pero takot ako sa’yo.
Hindi dahil sa ayoko sa’yo kun’di sa tingin ko’y hindi malabong magkagusto ako sa’yo. Hindi malabong hanap-hanapin ko ang gabing ito at ang magagandang kwento mo.
Hindi malabong hanap-hanapin ko ang boses mo—ang mga titig mo… baka masanay ako.

Hindi ako takot umibig pero takot makong mahulog.
Sapagkat paano mo iibigin ang taong estranghero? Kung sa unang gabi palang ng iyong pagkikita ay nahulog ka na.
Nahulog sa kwentuhang matagal, sa kanyang boses na hindi pagal.
Sa mga ngiting nang-aakit,
sa mga matang nakakahumaling,
sa kanya na hindi pa kilala pero pakiramdam ko matagal na kaming nagkita.

Takot ako sa dilim,
pero mas takot ako sa liwanag. Takot akong makita ang sarili kong kasama ka.
Baka kasi pag nasanay na ako sa liwanag ay bigla na lang itong mamatay hanggang sa unti-unting dumilim ang paligid ko at baka masanay ulit ako.
Masanay ako na maglakad na para bang nakapikit. Maglakad patungo sa palaisipang lugar na paikot-ikot lang ang daan.
Baka bigla nalang akong yakapin ng dilim sabay bulong sakin ng "tumigil ka na tanga!"
Baka biglang lumabas ang mga kaibigan ko sa dilim at masanay sila sa liwanag.
Baka multohin nila ako habang tirik ang araw at habulin ako sa kung saan.
Baka habang tumatakbo ako palayo ay mabulag ako sa liwanag na dulot mo at baka mabangga ako at muling mabuhay ang mga alaga kong paru-paro.

Hindi ako takot sa patay, pero takot ako sa buhay.
Takot akong mabuhay ang mga daga sa aking dibdib na matagal nang nanginginig sa lamig.
Takot akong matunaw ang mga yelo na matagal nang nakapulopot sa puso ko.
Takot akong matunaw ang mga ito at lunurin ako sa pag aakalang tunay ang mga nararamdaman ko.
Takot ako sa majikang dulot ng pagibig na nag bibigay buhay sa mga patay na kandilang dala-dala ko.
Takot akong maging maliwanag ang paligid ko at makita ang katotohanan ng mundo.
Takot akong makita na ang mundo natin ay iisa pero mas takot akong malaman na iba pala ang gusto **** kasama.

Hindi ako takot mag-isa,
pero takot akong kasama ka.
Takot akong makasama ang mga dati **** kasama— baka kasi kung ano’ng sabihin nila.
O kaya pag kasama mo sila at kapag madami na sila maramdaman ko ulit kung pa’no ang mag-isa.

Hindi ako takot sa luma, pero takot ako sa bago.
Sana kahit may dumating na bago,
walang magbago. Sana kahit mag mukha na akong antigo, wag mo akong itago gaya ng mga nakalagay sa inyong aparador.
Hindi ako plato, kutsara o tinidor na gagamitin mo lang sa piling-piling okasyon dahil wala ka nang ibang opsyon.
Sa piling-piling araw na kung saan ipapagamit mo lang sa kung sino-sinong tao dahil yun lang ang silbi ko.
Takot ako
Takot ako
Natatakot akong mapalitan ng bago.
Takot ako
Takot ako
dahil lang meron bisitang darating kasabay ng pagtapon mo saakin.
Takot ako
Takot ako
Kasabay ng mga bago pang darating wag mo sana akong paglumain.

Hindi ako takot sa wakas pero takot ako sa simula.
Lahat kasi ng sinimulan ko parang laging may nakakapit na malas
lagi nalang gustong kumalas sa pagkakapit hanggang sa mag wakas.
Hindi kasi lahat ng wakas ay may kasunod na simula—
simula ng panibagong bukas.

Hindi ako takot sa sagot pero takot ako sa tanong.
Mahal mo na ba?
Mahal ka ba niya?
Takot akong masagot ang mga tanong ko ng "Oo" tapos sasabayan mo ng "pero" sa dulo;
ng "Oo" na may preno ang tono kaya takot sa tanong
pero mas takot ako sa sagot.
Mahal na kita mahal mo rin ba ako?

Madami man akong kinakatakutan kung anu-ano nalang gaya ng ikaw,
liwanag,
buhay,
simula,
bago
at makasama ka— lahat ng ito’y hindi mahalaga iibigin kita kahit anuman sabihin nila,
kahit hindi ako ang iyong mahal,
ang liwanag mo,
kahit iba na ang buhay mo,
kahit simula palang ng tulang ito ay takot na ako,
iibigin kita sa isip,
sa panaginip,
sa diwa,
sa mata,
sa tingin,
sa lambing,
matulog ka ng mahimbing
hanggang maubos ang kandilang minsang ikaw ang nagsindi kahit na lahat ng ito ay walang silbi.
Gagawan kita ng puntod na mag sisilbing paalala
na minsan akong nagpakatanga sa pagibig.
Gagawan kita ng puntod at doon ko ibabaon lahat ng ito sa limot.

Iibigin kita habang nililibing ang 'yong alaala. Ililibing kita habang iniibig ko ang iyong alaala.
Benji Apr 2017
Tuyo na ang iilang rosas,
Ngunit amoy paring sampagita.
Kasama ng pinggan sa mesa;
Na walang baso, tinidor, ni kutsara.

Habang pinalilibutan ng mga bubog,
At bawat piraso'y bumabaon sa aking pulso,
Ang pagdugo ay hindi mapigil
Na sumasabay sa  mabagal na musika.

Dati'y isa lamang itong bumbilya,
Subalit sa ngayon ay di' ko na muling mabuo,
Siyang mainit ang yakap sa gabi,
Ngayo'y tuluyan nang naglaho.

— The End —