Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Eugene Jan 2016
Sa iyong paglisan, gusto kong baunin mo ang;

Isang tasang sinelyuhan ko ng halik,
tanda ng aking unang halik sa iyo.
Isang basong minarkahan ko ng seguridad
na kahit saan ka magpunta, naroon ako.
Isang kutsarang puno ng pasensya,
na pipigil sa ano mang galit sa iyong puso.
Isang makapal na balabal ng katapatan
na yayakapin ka't patutulugin ng mahimbing sa magdamag.

At higit sa lahat...
Nais kong baunin mo ang kuwintas ng aking pagmamahal
na siyang magpapatunay mula noon hangganga ngayon
ikaw at ikaw lamang ang mamahalin ko.

Nawa'y tanggapin mo ang mga sangkap ng aking tunay na pagmamahal...
#love, #faithfulness, #feelings, #security, #TagalogPoems, #LikhaatTula
RLF RN Nov 2015
Ilang taon na ang nakalipas
ng huli kong masilayan
ang haplos ng pag-asa.
Ang paghangad na makapiling ka,
na siyang nabaon lamang
sa alikabok ng kahapon.

Halintulad sa isang bangungot,
ang sakit at pait na kanyang dinulot.
Kahit anung pagsusumidhing magising
ang gawin, hindi matanggal-tanggal
ang sakit at bakas ng pag-asang
paulit-ulit na binigo.

Sa mataimtim na panalangin,
sinubukan kong idaan.
Huwag lamang bumitiw
sa pangakong dala ng pag-asa.
Sa bandang huli, subalit
akin ring napagtanto,
mga naturing na panalangin,
para bang mga salita,
na isinambit lamang sa alapaap,
hindi dinidinig ng nasa Itaas.

Kaya't ako'y sumusuko na.
Tama na. Sukdulan na
ang pighati ng aking puso
na umaapaw sa kirot,
na nagdurugo dahil
sa ipinagkait na pag-asa.

Parang isang pilas na papel,
na sinulatan at minarkahan
para lamang lukutin, itapon, at
nagmistulang balewala --
walang isinulat at hindi sinulatan.
JT Dayt Apr 2016
Magkaibigan
Naglolokohan
Nag-aasaran
Nagngingitian

Isang araw nag-yaya ng hindi inaasahan
Hindi tumigil sa text at tawagan

Kumain ng sabay
Nag-usap ng matagal

Bumiyahe ng magkahawak-kamay
Umakyat ng bundok at nakaalalay

Spoiled sa paghatid at pagsundo
Tambayan ang mcdo

Gusto laging magkasama
Ayaw humiwalay sa isa’t-isa

Ang oras ay kay bilis pag magkapiling
Ang araw ay kay tagal pag malayo ang isa sa atin  

Isang araw nagtanong at nagtaka
Ano bang meron sa ating dalawa?
Higit pa ito sa magkaibigan
Mukhang nahulog na ng tuluyan

Pebrero 28 itinakda natin ang “tayo”
Minarkahan na ang ating kalendaryo

Hindi inaasahan.
Ni hindi pumasok kailanman sa isipan,
Na ang dating magkaibigan at magkaasaran
Sa huli ay magkakatuluyan

Salamat sa mga hindi inaasahan.
Hindi kita inaasahan,
Pero higit ka pa sa inasahan ko.
cherry blossom Feb 2018
ano ang pinakamaling ipilit sa kalawakan?
ang naisin ang paglaho
ang pagkasabik sa destinasyon
ang madaling paglisan
mga maling kamay na kanlungan
ilang beses na tayo nagbabakasakali
sa 'di mabilang na pagpapasubali
sa mga bahay na akala natin ay tahanan
sa mga taong ilang beses napaghandaan
sa mga baka sakaling hindi tayo iiwan
o ang tiwalang hindi tayo lilisan
mga ilang beses pa dapat umulit ang palabas?

may magbibigay ba ng kasiguraduhan?

dahil isa lang ang sigurado ngayon
ang walang pag-aalinglangang pagod
ang pagsuko
ang sunod-sunod na pagkalunod
ang ilang beses na pag-iyak sa walang katuturan
mga walang katuturan, dapat

pinilit nating manatili
bigyang sagot ang mga tanong sa nasirang haligi
tignan mo ang mga bituin
isa tayo sa kanila
o ang mga bulalakaw,
mga bato na pinagliyab ng damdamin
tignan natin ang ganda
mamaya na natin alamin ang kasinungalingan nila
mamaya na natin pag-isipan
na ang mga liwanag na ito'y nakaraan na
pagmasdan natin ang ganda
mamaya na natin pag-usapan
ang pagkawala matapos ang pagbagsak
'wag na nating itatak
sa mga munting isipan
ang nagbabadyang katapusan
dahil alam na natin ang kahihinatnan
sa maling paglusob sa gyera ng kalawakan
at ang pagsalungat sa mga propesiya na minarkahan

hintayin na lang natin ang katapusan.
ibato na lang natin sa kalawakan ang hinaing sa mundo
02/20/18
patricia Mar 2020
Sa pagitan ng mga panahong hawak mo ang aking kamay at inialay mo ang iyong bisig upang maging tahanan ko, minahal kita.

Nang ilapat mo ang pangalan ko sa lirico ng isang awitin at ginawa itong atin, minahal kita.

Noong tinupad mo ang pangakong samahan akong panoorin ang paborito kong palabas sa sine, minahal kita.

Noong binago mo ang kulay ng pag-ibig at gawin itong bughaw, minahal kita.

Nang maging laman ako ng mga isinulat **** awitin, minahal kita.

At maging hanggang sa mga oras na tapos ka nang umibig, minahal pa rin kita.

-

Sa pagitan ng awang ng aking mga daliri, ramdam ko pa rin ang init ng kamay mo.

Tumitigil pa rin ako sa tuwing sumusulpot sa radyo ang awiting minarkahan na ng pagmamahal mo.

Nasa dulong bulsa ng pitaka ko ang tiketa ng bawat palabas na pinanood natin nang magkasama

At kahit pagkatapos ng lahat ng tula at kantang naging supling ng parehong pagmamahal at pighating dulot mo, bughaw pa rin ang kulay na idinikit ko sa pag-ibig.

Marahil hindi tagumpay ang sumalubong sa atin nang lumubog ang araw at mag-isa kong hinarap ang umaga, sapat na siguro ang mga naisulat na tula’t awitin upang maging pananda ng hindi natin pagsuko

At nais kong paniwalaan na sa pagitan ng mga linya at lirikong ito, minsang nanahan ang pag-ibig.

Buong pagkatao kong tinatanggap na ang pagmamahal ko na minsang naging rason mo ng pananatili ang mismong nagtulak sa’yong bumitaw.

Marahan mo sanang isara ang pinto sa’yong paglisan.

sa tangis at ligaya,
-P

— The End —