Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Random Guy Oct 2019
Ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

High school.

Magkaibigan tayo noon.
Nagsasabihan ng problema, umiiyak sa isa't isa.
Kabisado mo ako, at kabisado na rin kita.
Tantya ko ang birong magpapatawa sayo at tantya ko rin naman ang tamang kiliti upang mawala ang galit mo.

Nakahanap tayo sa isa't isa ng kanlungan at hingahan sa nakakasulasok na mundo.

Lumapit at patuloy pang napalapit ang loob ko sa'yo, at ikaw sa akin. Hindi ko na rin namalayan na mahal na pala kita. Taguan ng nararamdaman ang nilaro natin ng ilang buwan. Totoo, laking gulat ko rin sa sarili ko kung paano ako nahulog sa'yo. Dahil ang katulad mo ay isang dyosa na hindi ko dapat lapitan, hagkan, o kahit hawakan man lang. Hanggang ang simpleng tingin ay naging mga titig, mga haplos lang dapat sa kamay ay naging mga kapit, at magkatabi lamang ngunit iba ang dikit.

Napuno ang puso ko ng pagmamahal at umabot na ito sa pagsabog. Naglahad ng nararamdaman, nagbabakasakaling pareho ang 'yong nadarama.

Pero mas laking gulat ko nang sabihin **** mahal mo rin ako. At isa 'yon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.

Simula noon ay araw araw nang hawak ang iyong kamay, inaamoy ang iyong buhok, nagpapalitan ng mga mensahe, kinakantahan; ginagawa ang lahat upang mapakita lang sayo.. na mahal kita. Pero higit sa mga pinakita natin sa isa't isa ay mas tumimbang ang mga hindi natin pinakita ngunit pinadama.

Hawak ko ang buwan at ang mga bituin kapag kasama kita ngunit bakit ba kapag tayo'y masaya ay talagang lungkot ang susunod.

Nalaman ng mga magulang mo kung ano ang meron tayo. Hindi ko noon inasahan na ang mga susunod na mga linggo at buwan ay ang pinaka madilim na parte ng buhay ko. Dahil ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

Papasok ka sa eskwela ng mapula ang mata at may pasa sa braso. Ngunit ang mas pumapatay sa akin ay ang ngiti sa labi mo. Mga ngiting hindi ko masabing peke dahil totoo. Dahil ba masaya kang makita ako kahit na ang sakit na nararamdaman mo ay dahil sa pagmamahal ko? Hindi nanlamig ang pagmamahal natin dahil sa kung ano mang ginawa natin sa loob ng relasyon. Kundi ang lamig ng pataw ng galit ng mas nakatatanda sa atin. At ang mas masakit ay hindi pa natin kayang lumaban.

Ang hindi mo alam ay walang lumipas na araw na hindi rin ako umiyak sa harap ng ating mga kaibigan, sa harap ng salamin, sa harap ng isang ****, sa harap ng mga matang nangungusap at ang sabi ay...

"may isang pagmamahalan na naman ang namatay."

Pinatay sa gitna ng saya, pinatay sa gitna ng ligaya, pinatay sa gitna ng magandang paglago.

Pinatay tayo ng tadhana. Pinatay tayo ng mga taong walang tiwala. Pinatay tayo ng mga taong ang  tingin sa atin ay mga isip-bata. Oo, tayo'y mga bata pa noon ngunit alam ko, alam ko na ang pag-ibig na 'yon ay totoo.

Nagsimula ka ng hindi pumasok sa eskwela. At kung ilang oras kitang hindi nakita sa iyong upuan ay ganon ding haba ng oras ng aking pagiyak sa likod ng silid. Sinisisi ang sarili sa kung bakit ganito at bakit ganyan. Bakit ganito ang tadhana? Bakit ganyan ang pag-ibig? At makikita nila sa mga luha ko na lumuluha na rin ito dahil sa patuloy na pagpatak, bagsak sa kahoy na upuan. At mas lalong bumabagsak ang luha ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sayo. Sinasaktan ka ba? Umiiyak ka rin ba? Mahal mo pa ba ako? Kung pwede lang hugasan ng luha ang mga tanong ay kakayanin, dahil sa dami ay kayang anurin ang mga ito.

Ilang linggo pa ay hindi na tayo nakapag usap, pumapasok ka ngunit ang kaya lang nating gawin ay maghawak ng kamay. Dahil kalakip ng mga salita ay patak ng luha. Kaya tinakpan natin lahat ng ito ng hawak sa kamay, patong ng ulo sa balikat, yakap. At hindi ko inasahan na huli na pala 'yon. Dahil tapos na ang taong 2011-2012 ng eskwela. At hindi na kita nakita; ni anino, ni bagong larawan mo, sa loob ng maraming taon.

Ang meron lang ako ay ang manila paper na binigay mo sa kaibigan natin para ibigay sa akin. Na nagpaisip sa akin na sana, sana man lang ay nakita kita bago mo inabot ang pinaka mahabang mensahe na nabasa ko, mula sa pagiibigang pinilit na pinapatay.

Pagkatapos ng mga tagpong iyon, nalaman kong lilipat ka na ng eskwela sa susunod na taon. At parang 'yon na ang nagpa manhid sa pusong meron ako noon. O kung meron pa ba ako non noon. Dahil sa ilang linggo at buwan ng pinaka madilim na parte ng buhay ko ay unti-unti na pala itong nabasag, nawala, at nadurog.

Ilang taon rin bago ito nabuo o nabuo nga ba talaga ito. Ilang taon din akong nagmahal ng walang puso, dahil utak ang ginamit ko. Doon ko nasabi na ang pagmamahal ko sayo ay ang unang pagmamahal ko sa una kong puso.

Ilang taon akong nagpagaling, nakahanap ng kanlungan sa iba, kasayahan, kakumpletuhan, kabuuan.

Sa likod ng aking isip ang tanong na, "Nasaan na kaya s'ya?"

Hindi naaalis sa mga inuman ng barkada ang mga tanong na, "Saan na s'ya? Nakita mo na ba 'yon ulit?" Alam kong ramdam din nila, na kahit ano ang isagot ko ay may marka 'yon sa puso ko.

"Nakita ko s'ya sa Fatima ah."

"Nakakasalubong ko 'yon ah."

At kahit ilan pang pahapyaw ng mga tropa ang magpaalala ng ikaw ay may sakit pa rin. Kahit hindi ko ipakita, ramdam.

Walong taon.

Walong taon ang lumipas ng muli tayong magusap.
Kamusta?
Maayos naman,
Ikaw?
Okay lang din.

At para bang binalot muli ang puso ko ng muling pagkawasak mula noong umpisa.

At tila ba hindi pa pala natapos ang istorya natin sa nakalipas na walong taon, hindi pa pala namatay ang 2012 na bersyon ng mga sarili natin.

Nagusap tayo. Pero 'yon pala ang mali natin. Na kaya pala hindi na tayo nagusap hanggang sa mga huling sandali ng pagkikita natin ay alam nating ang mga salita ay katumbas ng luha, at ang mga salita ay katumbas ng sakit, at ang mga salita ay katumbas ng muling pagwawakas.

Apat na libo tatlong daan at walumput tatlong milya ang layo natin sa isa't isa. Muli, ang parte ng kwentong ito ay nabuo na naman sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

At ang pinaka masakit sa lahat at ang punit sa kwento nating dalawa ay meron na akong iba. Dahil alam kong hindi kita nahintay, at sana malaman **** hindi ka rin naman nagparamdam. Ang kwento nating dalawa ay masyadong naging komplikado dahil sa iba't ibang kamalian ng sitwasyon at pagkakataon.

At alam kong sa pagkakataon na ito ay hindi na dapat natin ito sisihin, dahil ang kamalian ay nasa atin nang dalawa. Kung paanong naging sobrang huli na pala, o sobrang aga pa pala.

Ang kwento nating dalawa ay maaaring dito na matatapos ngunit ayoko naman ding magsalita ng tapos, kagaya ng nangyari matapos ang walong taon, biglang nabuksan ang kwento. At hindi ko alam kung ilang taon ulit, o talagang tapos na.

Pero kagaya nga ng sabi mo, ito ang ang paborito **** kwento sa lahat, at oo, ako rin. Ang kwentong ito ay magsasalin salin pa sa inuman, sa kwentuhan, sa simpleng halinghingan, kwentong bayan; na may isang lalaki at babae na nagmahalan kahit pa pinilit itong patayin at makipag patayan. Isang kwentong puno ng kawasakan, at patuloy na pinaglaruan ng tadhana. Tapos na nga ba ang pahina? Muli, kagaya ng nakalipas na walong taon, ang sagot ay oo. Ngunit ang kwento ay buhay pa, at patuloy na mabubuhay pa sa puso ko.
giggletoes
XIII Jun 2015
Ang love story natin
Ay parang kwento ng theme songs ng JaDine
Di ka fan, di mo siguro maaappreciate
Pero kinakantahan tayo ni Nadine Lustre at James Reid

Ang daming tanong nung umpisa
Ang daming pagdududa
Game na ba? Ano na? Sure na ba?
Ang hiling ko, sige na

Para ngang isang pagsusulit
Bawal magbura, one seat apart, walang kopyahan,
Right minus wrong, kung di alam 'wag hulaan,
Kumpletuhin ang patlang, bawal ang tyambahan


Para ngang isang pagsusulit
Pinag-isipang mabuti

Hanggang sa sabi mo, "Oo na.". Yes!
Oh, wala ng bawian, mamatay man, period no erase!

Matapos no'n, nagdagsaan ang mga pagsubok
Katulad din naman sa kahit kaninong relasyon
Pero dahil naniwalang sayo'y may forever
Pareho tayong hindi sumu-render


Pagkat sayo natagpuan ang ipinagkait sa akin
At sakin mo naramdaman and di mo akalain
Ipaglalaban ko
Ipaglalaban mo


Wala na tayong ****, basta bahala na
Alam lang kasi natin mahal natin ang isa't isa
At kahit pa sabihin na, tayo'y di itinadhana
Na na na na na na na na na na na bahala na


Pero katulad din ng ibang relasyon
Lumalamig, parang kapeng napaglipasan ng panahon
Tumitigas, parang pandesal na naiwan sa kahon
Tila di na alam kung san tayo paroroon

Piniling lumayo
Ngunit pilitin man ay bumabalik sayo
Di matatago kahit magpanggap
Ang iyong yakap, ikaw, ang hanap-hanap


Ikaw ang hanap-hanap
Dahil ang puso'y nangangarap
Na magsasamang muli
Na may happy ending bandang huli


Pero di pa tapos
Ang kwento natin hindi pa tapos
Sana'y hindi pa tapos
At sana'y di na matapos

Tatlong kanta pa lang naman
No Erase, Bahala Na at Hanap-hanap
Sana ay kumanta pa sila
Sana ay marami pa

At sana, kahit gaano man karami
Masayang kanta ang maiwan sa huli
Yung may forever, may happy ending
Kaya sige, mag-duet pa kayo *JaDine
Inspired by JaDine's songs, written while listening to them.
To all JaDine music fans! JaDine FTW!!!
All lyrics excerpts are © from JaDine songs: No Erase, Bahala na & Hanap-hanap.
Lumaki ako na kinukwentuhan ng aking inay bago ako tumungo sa panaginip ko tuwing gabi.
Kinakantahan niya ako ng mga oyayi’t hele. Hinding hindi ko malilimutan ang mga gabing iyon.
Hindi lang ang tugtog ng awitin ng kanta niya ang pinakinggan ko, pati na rin ang pintig.
Pintig ng tibok ng puso naming mag ina na onti onting nagtutugma sa tugtog ng kanta na inawit naming dalawa.
At tuwing magsisimula ang awit, ako’y sumasabay… A-Ba-Ka-Da…
Ngunit hanggang ngayon, hanggang Da lang ang aking natandaan. Ang aking inay ay may katawa-tawang paraan ng pagkanta ng awiting ito. Matatapos siya sa Da, ipagpapatuloy sa Du at magsisimula ulit sa A at sasabihing “aking anak hindi kita sinukuan.” “A-Ba-Ka-Da-Du-A-Ba-… aking anak hindi kita sinukuan.” Hindi ko naunawaan ang kantahing ito at hindi ko inisip na unawain. Isang gabi, kumuha siya ng pluma at papel. Sumulat siya ngunit hindi ko ito nabasa. Ibinilin niya saakin na basahin ito sa tamang panahon. Hindi ko ito naintindihan pero talagang naghintay ako para sa sinasabi niyang panahon. Ilang taon ang lumipas, ngayon, ako’y nakaharap sa kanya(sa puntod niya), hawak ang papel na sinulatan niya noong ako’y munting musmos pa. Nakatingin ako sakanya, hinihiling kay Bathala na maibabalik ko ang mga taon na lumipas.
Isa. Dalawa. Tatlo. Onti-onting tumulo ang aking mga luha.
Umawit ako ng mahinhin… A… Ba… Ka… Da…Du… A… Ba… Aking inay, kailanma’y di kita sinukuan…
Ito na siguro ang tamang panahong ihinahayag ng aking mahal na ina. Binuksan ko ang papel na kanyang sinulatan. At saaking pagbuklat, ako’y nagulat at natulala. Mayroong labing apat lamang na salitang nakasulat dito. “Ang BAlakid ay KAkalat at DAdating. DUmating Ang BAlakid, aking anak hindi kita sinukuan.” Ngayon ay naunawaan ko na ang ipinararating ng aking inay. Gusto ko siyang kausapin sa huling pagkakataon para sabihin na salamat. Salamat sakanya kasi kahit na DUmating ang mga balakid ay tinuruan niya akong lumaban. Kaya ngayon, handa na ako sa mga DAdating na pagsubok dahil alam kong nasa tabi ko lamang siya.
The language used is filipino.
Desirinne Mar 2017
Kamusta ka na? Sana masaya ka na sa piling niya.
Sana inaalagaan ka rin niya maigi gaya ng ginawa ko sa'yo.
Tinitext ka rin kaya niya ng good morning sa t'wing paggising mo
o goodnight at I love you sa pagtulog?
Kinakantahan ng paborito **** love song?
O kaya dinadalan ng paborito **** pagkain?
Sana okay ka lang, miss na kita.

Namimiss mo rin kaya ako? O naaalala man lang sa masasayang parte ng buhay mo? Kasi ako oo, sa lahat ng magagandang nangyayari sa buhay ko, ikaw yung naiisip ko, na sana kasama kita sa mga bagay na katulad nito.

Hanggang ngayon nakakapit parin ako sa mga pangako mo.
Di ko maintindihan kung bakit.
Sobra na'kong nasasaktan sa mga ginagawa ko, pero gusto ko naman to eh, basta para sa'yo.
Minsan nga naiisip ko kung magiging katulad ulit tayo ng dati.
Yung mahal mo ko at mahal din kita.
Pero parang malabo na eh, kasi masaya ka na sa kanya.

Alam mo mahal parin kita, mahal na mahal.
Kung may isa pa tayong chance, ikaw parin yung pipiliin kong sarap kahit sobrang sakit.
Ganon naman sa pag-ibig diba, masakit, masaya, masarap, lahat yata ng emosyon mararamdaman mo.

Pinilit ko namang makalimutan ka eh, kaso sa bawat taong dumadating sa buhay ko ikaw parin talaga yung hinahanap ko.
Sobra mo kong napasaya.

Tinuruan mo kong magmahal ng tama kaya siguro hanggang ngayon ikaw parin yung mahal ko kasi sa piling mo lahat ng bagay nagiging tama.
3-24-17
wizmorrison Jul 2019
Pakiramdam ko ay langit
Sa piling mo, anong aking ligaya.
Pakiramdam ko ay idinuyan mo ako
Habang kinakantahan ng awiting iyong paborito,
Pakiramdam ko ang saya-saya ko
Sa pagmamahal mo ako'y iyong napaamo,
Ikaw ang nagsisilbing liwanag sa kadiliman ng aking daan,
Kung ikaw ay mawala, kalahati ng puso ko ay iyong dala-dala.

— The End —