Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Pia Montalban Aug 2015
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang mga butil ng bigas
Ay mula sa mga butil ng binhi ng palay
Na bago pa man maitundos sa lupa
May paghahandang dapat na maisagawa
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang kailangang palipasin
Ilang mga araw at linggong magdamag
Bago simulan bawat umaga ng pag-aararo
Bawat umaga ng pagpapalambot sa lupa
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang pagkatapos ng pagpupunla’y
Mahabang takipsilim ng pag-aabang
At pagdidilig. Hindi lamang ng tubig,
Kundi pati pawis at dugo, higit na pag-ibig
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang may panahon ng paghahasa
Ng mga gulok, sundang at karit
May panahon ng paghahawan
May panahon ng paggapas at pag-aani
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang may aangkin ng lupang kanila
Batid nilang may panahon ng paniningil
May panahon ng pag-ani ng karapatan
May panahon ng pagkapatas
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Hindi sila nahihimbing sa kanilang paghihintay
Mababaw ang tulog, tiyak nila ang oras ng paggising
Ang oras ng pagtindig
Ang oras ng paghawak ng kanilang mga karit.
Pia Montalban Aug 2015
Nakatawid na ang gabi sa umaga,
Umuusad ang magdamag ng digma.
Tahimik ang silahis na nakikiramdam
Sa paghulagpos ng salimbayan
Ng mga kulay na nagluwal ng dilim.
Hudyat ang kindat ng kislap ng talim,
Pagtitilad-tilarin sa pakikipagtalad
Naglalagablab naming mga balak.
Talampaka'y mangangahas sumampa,
Sa binakuran **** pagsasamantala.
Kabisado ng mga bisig kahit pa nakapikit,
Imbay ng sandata naming karit.
Matipid sa kilos, mabilis ang hagip
Dinambong sa aming libong ektaryang langit,
Babawiin, handa sa anumang kapalit,
Karapatan, aming muli’t muling igigiit.
RL Canoy May 2019
Sa bawat paghakbang ng paang maputik,
anaki'y malugmok ang katawang impis.
Hindi iniinda ang ngawit ng bisig,
sa bawat paghampas ng pulpol na karit.

Mata'y pumapait sa agos ng pawis,
di ramdam ang init sa katawang manhid.
Sa bawat pagbuhos ng mumunting bagsik,
tila sumasaliw sa pintig ng dibdib.

Tinig ng sikmura'y parang humihibik,
lalong gumagatong sa hapo at sakit.
Pilit pinapawi sa tuwing iihip,
ang simoy ng hanging tila umaawit.

Sa gitna ng hirap na pinagdaanan,
ang tanging hiling sa Poong Maykapal.
Nawa'y didiligan ang sangkalupaan,
at binhi'y tutubo't ang punla'y mabuhay.

Sapagkat sa munting pawis-magsasaka,
sanlibong sikmura ang pinapasaya.
Ang tinik sa paang nakapanghihina,
Sanlibong katawan ang pinasisigla.

Ginaw ng tag-ulan at init ng sikat,
hindi iniinda kahit naghihirap.
Para may mahain sa mumunting hapag,
at pagsasaluhan na mayroong galak.

Ang iba'y inisip kung anong lutuin,
ngunit sa kanila'y mayr'on bang mahain.
Ito ba ang buhay, Diyos na mahabagin,
ang mga nagtanim salat sa makain?

Ganito ang buhay ng may gintong kamay,
na puno ng lipak, marumi't magaspang.
Subalit malinis ang pusong tinaglay,
bisig ng daigdig, sa pagod nabuhay.

Sila ang bayaning dapat na purihin,
sandata'y palakol, tumana'y suungin.
Sa bawat pagpatak ng pawis sa tanim,
katumbas ang bungang gumigintong butil.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Ang tulang pastoral na ito ay sumasalamin sa mga pinagdaanan ko noon sa kinalakhang bukirin.
Mula sa higanteng alpombrang balot
Bumuhos ang walong henerasyon halos
Ng karit, palay, tagtuyot, unos
Martilyo, pako, pagpapakaputa sa utos!
Aba, hindi pangako ng sistema ang presensya ni Hesus!

Sa madilim na purgatoryo ng impiyerno at kalangitan,
Sa mahiwagang pagitan ng lunsuran at lansangan
Nagka-prusisyon ang dibinong Toledong bayan
‘Pagkat naipasalangit na
Ang Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka/
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo/
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata
Na sumiil sa banal na pook ng Toledo.

Pitu-pituhan ang naging palitan
Sa pagbuhat sa bangkay ni Rodiano Abduhan.
“Dito ako sa ulo.” “Pasmado ka ba? Larga na!”
Padulas-dulas ang kapit, sumisilip na ang paa
At sa bawat yapak, bumuhos ang patak
Ng dugong pesante sa sagradong Toledong lupa.

Rodiano Abduhan, mas kilala bilang Tatay Godong
Manggagamot, tagalunas ng salot, kampon ng Diyos,
Ika ng iilang nagpatingin sa mahiwagang tatang,
Pero manyak, magnanakaw, aswang, mangkukulam
Kamo ng nagmula sa abang Toledong bayan.
‘Pagkat ang pugad niya’y sa kanayunan, sa kalaliman, sa kaibuturan,
Ng mailap na lansangang ng Diyos tinalikuran.

Kaya nang ang taumbaya’y nakabatid
Na lumubha ang sakit ng pamangking si Adring,
At na natagpuang bukbukin ang bangkay ni Celine,
Kaniya-kaniyang satsat, sitsit, at hirit
Ang kumapal sa amihan ng Toledong hangin.

“Mangkukulam! Heto yung bumati sa Adring kong pamangkin!”
Kaya ng taumbaya’y binatikos at siniraan sa lihim
Sa walwal o gimik, pagkalaklak ng gin.

“Berbalang! ‘Di ka umawat hanggang naubos ang dugo!”
Kaya’t nang-imprinta ang madla ng mga galos abot sa buto
Tatak Cebu! Tatak lungsod ng Toledo!

“Aswang! Luwal ng putang nakunan!”
Kung kaya’t naisama rin ang anak ni Abduhan
Sa kawawang listahan ng mapapaslang.

Biro mo! Ang manggagawa ng himala
Natamaan ng sumbi ng masaklap na realidad!
Ay, hindi makaliligtas ang dukha
Sa kamandag ng pader ng matayog na siyudad!

Pero nang maabot ang mapanglaw na kremahan,
Ang mailap na lubid ng buhay at kamatayan
Ni Rodiano Abduhan, aswang at mangkukulam,
Ng dugong maliliwat ay tuluyan siyang naubusan.
Maputla niyang balat, sa abong langit ay umagpang.
Inaakit ng lagay na hamak na sa wakas ay tumahan.
Pero nang maunawaan niya na sa kaniyang kamatayan
Mapupuksa ang kasarinlan at kalayaan,
‘Pagkat siya ang sisidlan ng dugong maglilinang,
Kampeon ng kanayunan, hari ng himagsikan,

Nasapian ni Lazaro.
Nabuhay.
Natauhan.

Magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya.
Artista, mayora, tindera, tsismosa.
Karpintero, ****, kutsero, kaminero.
Abugado, inhinyero, piloto, maestro.
Ninais ng lungsod ang pagsapit ng mundo
Sa mahinhing mundo ng mga diwata’t engkanto.
Oo lang nang oo, bawal mangontrabida,
Kaya kung gusto nila ng Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka
Ano pang magagawa kundi patabain ang mataba?

So natunaw ang pintura
Ng nagbabalat na ngang dingding
Nabawian ng Sol at Luna
Ang kalangitang sadya nang makulimlim
Ang basang semento ay nauhaw
At naging nagbabantang lamig.

Mula sa naagnas na kabaong sa hukay lumaya
Ang mga magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya
Ang mga Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.
Mula sa abo sa loob ng saro nagka-anyo
Ang mga karpintero, ****, kutsero, kaminero
Ang mga Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo.

Tsaka humayo’t bumulong kay Abduhan
Nang siya’y mailatag sa loob ng makinarya.
Tsaka niya nagunita ang anak at asawa
Nombrado na atang manananggal at tiyanak.
At ang bawat katiting na patak ng dugo
Na hinayaan niyang umagos, bumuhos, tumulo
Sa lupang Toledo, lupa ng berdugo’t demonyo.
Doon niya nabatid kung saan totoong nagmula
Ang mga Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka,
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo,
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.

At doon nabuhay ang Santelmo ng Toledo;
Nang umalpas mula sa crematorium si Rodiano Abduhan,
‘Di na mas hahaba ang buhok, at nakatatak ang pangalan
Sa kaniyang mga galos at sugat, habang
Noo’y banig ang balot, ngayo’y apoy na bagong silang.
At nang nadaanan niya ang mga balintataw
Ng mayayamang poong siya mismo ang nakapukaw,
Nabatid niya kung bakit kailangan ng Toledo ng isang halimaw.
ive never written in such an aboveboard style aint proud of this **** lol
Pusang Tahimik Feb 2019
Ang araw ay pumapatak na parang orasan
Mga sandali'y hahantong sa ganap katapusan
Halina't sulitin bakit hindi mo pa simulan?
Dahil ako'y darating na kakatok sa iyong pintuan

Teka sandali hanggang dito ka na lang
Pasya ko sa lalaking tiyak na kulang-kulang
Akala niya ay wala nang hahadlang
Sa mga sandali ng kanyang pagsasayang

Ako'y bisitang kumakatok ng hindi inaasahan
Sana'y handa ka at walang pinagsisisihan
Sapagkat ako' y bingi sa mga kahilingan
At ang aking pasya ay siyang makapangyarihan

Sa karit ko nagdaraan ang mabuti at hangal
Ako'y di nabibili nang iyong mga pagpapagal
Ngunit ang kalaban ko ay syang mararangal
Sapagkat di ko maaari ang kanilang mga dangal

JGA
Randell Quitain Apr 2018
mga uwak sa posteng nagkubli sa dilim,
bitbit ay bato kung makatingin matalim,
mga pula na mata'y nahalina't,
pag-alis leeg sukbit ay karit.

mga nasugat na balat sa paggupit ng kuko,
pinupuwing ng luha ang mga mata sa bungo,
kailan kaya hihinto ang mga diwatang nangisi?
kailan matutulog nang managinip ay 'di gising?
Pusang Tahimik May 2020
Mabilis na bumabaha ang pagpatak ng bawat sandali
Bagamat bumubuhos ang takot at panghihina sa sugatang katawan
Pilit kong iniangat ang aking kanang kamay
Hawak ang kapirasong tangkay ng kahoy
Itinutok ko iyon sa bagay na nasa aking harapan
Magkahalo at magulo ang emosyong nagtatalo sa aking isip
Hindi ko maunawaan kung ito ay galit, takot, pagsisisi, panghihinayang o pagkasuklam.
Ngunit isa lamang ang nabuong hinahangad ko
Ang dalhin sa aking kamatayan ang bagay na ito!

Ngunit bumasag sa akin ang masakit na realidad
Ako'y mahinang nilalang at walang silbi!
At kahit punuin ko ang mundo ng aking luha
Hindi mababago ang katotohanang iyon!

Napakasakit at nainit na mahapding tumatagos sa aking puso
Ang katotohanang may kasabay na pangungutya at panlalait!
"Hanggang sa huli talunan pa rin ako...
Hanggang sa sarili kong panaginip napakahina ko pa rin"

Kasabay ng pag patak ng sandaling nawawala ang kamalayan
Bumukas ang itim na pintong lumitaw sa kawalan
Isang kabayong itim na may sakay na may dalang karit ang lumabas
Ako'y sinusundo na pala ni kamatayan

Ang liwanag sa aking paningin ay unti-unti nang napapaparam
At ang mga ala-alay bumabalik na tila namamaalam
Ang tanging hinihiling ay sana'y maka balik pa sa mundong ito.
Kung papalaring magising sa aking mundo bago ako pumarito.

Kwentong Panaginip - Umpisa ng Huli(Intro)

JGA
Story. Kwentong katha.
John AD May 2020
Isa pang rason , Sa pag-usad
Kurbang linya , katamtamang ruta
Tunog ng kampana , ginising ang isip
dati rati sumisilip , reyalidad na ang panaginip

Tinagpi ang pisi , bagwis muling papagaspas
Sanhi ng dahas naakit , uwak ay maghihiganti
Paglubog ng araw , pagsikat ng dilim
Sanay na kong bangkay , Nanghuhusga nalang ako kung sinong mamamatay

Kamatayan ang aking katauhan
Orasa at karit aking sandata
Buhos ng lupa , Kalkulado ka
Sa pagdaan ko , mananaginip ka

— The End —