Halika't dumako tayo — Uunahan na kita — hindi ito isang paraiso Ito ay lugar kung saan maraming hindi natupad na pangako Lugar kung saan maraming iniwan, sinaktan at pinangakuan —
Ngunit sa huli, hindi rin pala kayang panagutan. Natanaw ko mula sa labas ang malakas na pagbuhos ng ulan Narito ako sa loob ng isang silid na hindi ko maipaliwanag kung papaanong ako'y napunta dito Napatingin ako sa paligid at mga taong narito
Lahat sila'y nakaitim katulad ng suot kong bestida Marami sa kanila'y nakatingin mula sa bintana Nakatayo lamang ako sa gitna May isang babaeng nasa harap ng pintuan na animo'y may sasalubunging bisita.
Lumapit ako ng kaunti at tama nga! Abot tenga ang kaniyang ngiti habang sinasalubong ang taong hinihintay niya Kitang kita sa mga mata ng dalawang taong ito na mahal nila ang isa't isa Siguro'y naghintay ng kay tagal na panahon ang dalaga upang masilayan muli ang mahal niya — tuluyan na silang umalis bitbit ang kanilang ala-ala.
Napansin ko kanina ang pag-iba ng kaniyang suot na damit Na dati ay kulay itim ngayo'y kulay puti. Mabuti pa sila'y parehong nakapaghintay Iyong ibang naririto ay magpahanggang ngayon ay wala pa ring mahintay—
May naghahanda na para sa panibago, may sumuko na at nawalan ng pag-asa, may tanggap na at handa ng magparaya, at syempre mayroon pa ring mga taong umaasa at naniniwala.
Kanina'y nagtataka ako kung bakit ako nandito, hindi ko alam na kabilang pala ako sa mga taong pinangakuan ngunit hindi kayang panagutan Kabilang pala ako sa mga taong umaasa at naniniwala kahit napakaimposible at sobrang labo na
Lumapit sa akin ang isang lalake na tantya ko'y kaedad ko lamang Isa rin pala siya sa mga taong "tanggap na at handa ng magparaya" Tinanong niya kung pwede daw ba siyang makipagkaibigan Mabilis lamang niyang nakuha ang aking atensyon at mula no'n —
sinabi ko sa aking sarili, handa na akong maniwala at magmahal muli
Ngayong kami'y handa na upang magpalaam sa aming mga nakasama Malapit na kami mula sa pintuan habang magkahawak kamay at nakangiti sa isa't isa Sabay ang paghakbang ng aming mga paa Sabay din naming naririnig ang malakas na pagtibok ng aming puso dulot ng kaba
Sa malayo, natanaw ko ang isang lalakeng may hawak na bulaklak at panyo Biglang tumigil ng saglit ang pagtibok ng aking puso, at tumigil ang paggalaw ng aking relo. Napahigpit ang hawak niya sa akin habang ako'y naguguluhan sa aking damdamin.
Narito ngayon sa harap ko — ang lalakeng hinintay ko ng taon Iniabot niya sa akin ang bulaklak at panyo Aalis na sana siya ngunit mabilis kong binitawan ang kamay na hawak ko at hinigit ko ang kaniyang suot na polo
Humarap siya at inalis niya ng dahan dahan ang kamay ko sabay sabing, "Patawarin mo sana ako dahil pinaghintay kita ng mas matagal kaysa sa ipinangako ko. Dumating pa rin ako kahit na alam kong maaaring nakatagpo ka na ng ibang magmamahal sa iyo. Ayos lang ako 'wag kang mag-alala maging masaya sana kayong dalawa."
Akala ko'y handa na ako para sa "panibago" ngunit heto ako, Ako naman ngayon ang hindi tutupad sa pangako Ako naman ngayon ang bibitiw sa mga hawak ng taong akala ko'y mahal ko Ako naman ngayon ang mananakit ngunit hindi ito ang intensyon ko
Babalik na muli siya sa lugar na minsan kaming nagkasama Sana'y sinigurado muna ang nararamdaman kung tunay ba Lumipat ako sa ibang lugar suot ang aking itim na bestida Ngunit hindi na siya ang kasama
Lugar kung saan may nangako ngunit hindi tinotoo Lugar kung saan maraming walang kwentang tao na nagbitiw ng walang kwentang pangako.
wala akong jowa nagffeeling lang 😂✌ Para 'to sa mga taong mahilig magbitiw ng pangako pero hindi naman marunong tumupad at mga taong pinangakuan pero hindi naman marunong maghintay.