Kamay
Heto, kung mararapatin lamang.
Ipagkakatiwala ang sandali
tungo sa laman ng salita.
Heto, kung ipagdaramot lamang,
at ipagsasawalang bahala ang dambana
ng iyong katawan.
2. Kurba
Kung abot-kamay lamang din naman
ang buwan ay ipagdaramot na lamang
ang natitirang liwanag.
Sa palad ko nakahimlay
ang talim ng iyong buto.
Hindi na mangingiming pang ibalik pa
sa tahimik na daluyong ng oras
ang mga kamay na ito na walang pagpapatawad.
3. Mata*
May tupok na anghel na bagong hirang
sa loob ng malaking puwang.
Walang paglalagyan ng ligalig,
marahang pagiingat lamang,
kung tatanaw sa kabilang kuwarto ng halinghingan
na para bang nagtatalik ang nais
sa hindi maangkin
nangungusap nang walang karampatang pagmamalabis.