Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Bluepetal Feb 2018
Sa isang hardin ako ay may namataan
Isang dahong nakatungo at tila may dinaramdam
Matagal kong pinagmasdan subalit di ko maunawaan
Kaya naman nilapitan at nagsimula ng isang usapan….

Munting dahon, aking bungad, ikaw ata’y matamlay
Sukli nya’y ngiting may  kahalong lumbay
At napansin ko ang pighati sa kanyang mata
Hanggang tuluyan nang umagos ang saganang mga luha…

At sinambit nya…

“Oh ang rosas na puno ng ganda
Lahat sa kanya ay nahahalina
Subaling akong palagi nyang kasama
Ni minsan di nabigyan ng importansya"

Dagdag nya...

"Ako’y nanliliit sa aking sarili
Lahat ng suporta, sa iba ay ibinahagi
Kay rosas, kay tangkay, sila ay aking tinulungan
Sa abot ng makakaya, sila ay aking dinamayan

Subalit sa malakas na ihip ng hangin
Dulot ng bagyong kayhirap pahupain
Tila yata akoy’ nag-iisa at nalulugmok
Ako ba’y pagkain lang ng uod na gutom?”

Oh kaibigan, akin na lang nasambit
Huwag kang bibitaw at higpitan ang yong kapit
Ang mundo ay di perpekto, ang laban ay di patas
Panalangin sa Taas, gawin **** sandata at lakas.

Kung ikaw ay susuko, tagumpay ba'y makakamtan?
Ang iyo bang paglisan ay kaligayahang inaasam?
Tumayo ka nang matatag at sa buhay ay lumaban
Ano ba't ang lumbay ay sadya ren paparam...
Be kind to everyone. Everyone has his own battle.
kingjay Dec 2018
Ang ilog ay salamin ng itinagong kasalanan
na ngayon ay naniningil
Hindi umiimik ito sa pagdaloy
Kahit sa linaw ay nagpalahaw

Tahakin ang landas ng pagkapoot
Ituring kaaway ang kinabukasan
Ang saplot ng nakalipas ay isuot
Ang kasalukuyan ay kalunos-lunos

Birheng rosas ay huwag pitasin
Sa matutulis na tinik nito'y alamin
Na ang kaakit-akit sa plorera ay
ito rin ang mabagsik

Ang nalalantang talulot
Matamlay na tangkay ay namamaluktot
Ang ligaya ay sa isang bahagi lang
Nilalamon ng kalumbayan

Sa ikatlo ng buwan
Gasuklay na hugis ay kakaiba
Habang ang kanluran na binabagtas
ay may alay na pansamantalang kaginhawaan

Itawag sa mga buwitre
ang Kasukdulan, Pamamaalam
Walang hangin sa baga
nilubos-lubos pa
Sinipsip ang buhay hanggang sa lumisan

Kukuyugin ng uod
Lalasapin nang pagkalugod
Tatabunan ng lupa
magsilbing pataba nang dadalawin
minsan ng mga bulaklak
kingjay Jan 2020
Sa ngalang makahiya ay nawawari
Palaging nag-iisa at nangingimi
Daho'y tumitikom kapag nasasagi
Kahiman sa patak ng ulan sa gabi
ay tila may alerhiya't pangangati

Di nababatid kung mayro'ng ipagsabi
Dalawin ng hangi'y siya rin magtimpi
Sinanay na pumipinid ang sarili
Kaya lubhang masukal maiintindi
Nakikitang walang pahayag 't lunggati

Sa banayad na sanggi'y humahapdi
Ang buong tangkay ay parang nababali
Sinadya na labis ang sanggalang dagli
Sapagkat takot na mahipo parati
At sa kinabukasa'y bubuka muli

Matampuhing halamang namamalagi
Sa diwa'y natigalgal nang kumukubli
Anong alamat 't  pinanggalingang uri
Bakit ang iba ay ayaw kumandili
Sa lalang ng D'yos nasasaktan sa anggi

Lapain man ng pantas ang mga bahagi
Ay di matalos kung bakit tumutupi
Ang kaganapan ng agham 'y lumalapi
Sa pagkagulumihanan ng pagsuri
Guwang sa bahay ng dunong nanatili

Yaon taglay na mga tinik ay mumunti
Madalas nagagambala't inaapi
Ng mapangahas na palad at daliri
Dahil sa tingi'y manunusok ang gawi
Tinuring kapintasa'y ikinamuhi

Kung hahawaka'y nangungulubot dali
Umuurong ang awra kahit tanghali
Duwag sa damdamin - puro atubili
Nagbabantulot ang kilos at ugali
Balasik na katangia'y itinanggi
Alerhiya - allergy
Pusang Tahimik May 2020
Mabilis na bumabaha ang pagpatak ng bawat sandali
Bagamat bumubuhos ang takot at panghihina sa sugatang katawan
Pilit kong iniangat ang aking kanang kamay
Hawak ang kapirasong tangkay ng kahoy
Itinutok ko iyon sa bagay na nasa aking harapan
Magkahalo at magulo ang emosyong nagtatalo sa aking isip
Hindi ko maunawaan kung ito ay galit, takot, pagsisisi, panghihinayang o pagkasuklam.
Ngunit isa lamang ang nabuong hinahangad ko
Ang dalhin sa aking kamatayan ang bagay na ito!

Ngunit bumasag sa akin ang masakit na realidad
Ako'y mahinang nilalang at walang silbi!
At kahit punuin ko ang mundo ng aking luha
Hindi mababago ang katotohanang iyon!

Napakasakit at nainit na mahapding tumatagos sa aking puso
Ang katotohanang may kasabay na pangungutya at panlalait!
"Hanggang sa huli talunan pa rin ako...
Hanggang sa sarili kong panaginip napakahina ko pa rin"

Kasabay ng pag patak ng sandaling nawawala ang kamalayan
Bumukas ang itim na pintong lumitaw sa kawalan
Isang kabayong itim na may sakay na may dalang karit ang lumabas
Ako'y sinusundo na pala ni kamatayan

Ang liwanag sa aking paningin ay unti-unti nang napapaparam
At ang mga ala-alay bumabalik na tila namamaalam
Ang tanging hinihiling ay sana'y maka balik pa sa mundong ito.
Kung papalaring magising sa aking mundo bago ako pumarito.

Kwentong Panaginip - Umpisa ng Huli(Intro)

JGA
Story. Kwentong katha.
owt 3d
"Maskarang Walang Mukha"
(Anino ng Gyera)

Namuong peklat ng kasaysayan
Ang bakas ay nanuot sa puso’t isipan.

TATSULOK na kalaban —
Walang korona, ngunit makapangyarihan.
Walang trono, ngunit hari-harian.
Walang kawal ngunit lahat tau-tauhan.


Timbangin ang yaman:
may bakal na paninindigan.
mabigat na hidwaan,
Umiikot na katiwalian.

Tinatali.
Sinisindak.
Hinahati.
Nililinlang.

At ang takot ay anyong nananahan.
habang ang mga sugat ay naghihintay
madampian
Ng panatang nag-aapoy —
ngunit ang dulot lang ay usok at panaghoy.

Habang tayo’y nagsisisihan,
Sila nama’y nagngingisihan.

Ang “walang mukha”
Di mailarawan,
Nagtatago
Sa likod ng
MASKARA
Na ating kinamulatan.

Sinabit na MASKARA —
Karangalan — may dungis at mantsa.
Katotohanan — may luha.
Kalayaan — ngunit paralisa.
Katarungan ba o tanikala —

Para saan ba ang bomba at bala?
Sandata ba o  sumpang ipapamana?

Kamatayang —
Hukay ang iniiwan.
At ang kahirapan ay libingan.

Kapayapaang  —
Umaalingawngaw
Sa umuugong na katahimikan.

At ang lipunan?
na isantabi...
Nalipon ng sakit,
At kasinungalingang
Nakakabingi.

~At kung patuloy natin susuotin...
MUKHAng — tayong lahat rin
ang biktima, at ang tahimik na salarin.


----------------------------------------------


"Bulo­ng ng Dahon"
(Himig ng Kalikasan)


Sa mundong puno ng
kulang,
sapat,
at sobra —

tayo raw ay mga dahon.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.
N­awawala.

Ngunit sa ating pagkawala,
doon raw tunay
na matatagpuan ang sarili.

Sapagkat sa bawat pagkalagas,
ay simula ng panibagong pag-ugat.

At kung ako nga ay isang dahon,
siguro ako 'yung uri ng dahon na...

hindi basta bumibitaw, kahit taglagas.
Sumasayaw pa rin sa hangin, kahit lumakas.

Sinasalo ang patak ng ulan.
At sa araw —
nakikipagtitigan.

Ako’y lilim rin
sa liwanag ng buwan.

Aninong masisilungan
kapag kailangan.

Ngunit marahang kumakawala,
pag ang baha'y rumaragasa —

upang magpatangay sa agos,
habang nakalutang sa hangin.

Minsan lunod sa alon,
ngunit 'di salungat
sa lalim.

Ako’y dahon
na may sariling landas —
kahit malihis,
o maligaw
sa tatahakin.

Ikaw ba?

Anong klaseng dahon ka
sa panahon mo?

‘Yung madaling kumawala?
O 'yung pilit na kumakapit?

‘Yung natatangay?
O 'yung naglalakbay?

Basta ako —

ako ang kapirasong dahong ligaw.
Karugtong ng bawat hibla ng ugat.
Tinatahi ang tagpi-tagping mga balat.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.

­At
nagtataka:

Na kung tayo’y mga dahon
sa iisang puno —

maaari kayang malaman
kung sino ang ugat,
at ano ang bunga
ng ating pagtubo?

Pero...

kailangan ba talagang
hukayin ang lalim ng ugat?

O mas karapat-dapat
na magpalago na lang sa sanga,
bago pa tuluyang matuyo
ang mga tangkay?

Kasi baka ang tunay na saysay —

hindi lang nasusukat
sa bunga,
o pakay —

kundi nasa halaga rin
ng ating paglalakbay
at
pagkabuhay.

...{𝒷𝓊𝓁𝑜𝓃𝑔 𝓃𝑔 𝒹𝒶𝒽𝑜𝓃,
at ng damdaming
hindi mapa-amin —
sapagkat palaging
hinihipan ng hangin...}

At marahil,
ang tugon sa lahat ng tanong —

ay hindi sa paghahanap,
kundi
sa pananahimik.

Kasama ng agos.
Ang ihip.
At ang malumanay na huni
ng mga ibon sa paligid.


Bulong na dinig —
kailangan lang
pakinggan muli.


---------------------------------------


"UGAT"
(katatag­an at katapatan)

Kung ikaw ay dahon
na dinadala ng hangin,
ako marahil —
ang ugat na nanatiling tahimik,
nakabaon sa lupa,
nakikinig sa bawat yapak
ng panahong lumilipas.

Ako ang himig
na hindi umaalingawngaw —
ngunit nananatili
sa kailalim-laliman ng alaala.

Habang ikaw ay sumasayaw
sa sayaw ng taglagas,
ako'y nananatiling
yakap ang lamig ng tag-ulan.

Tahimik kong pinipigilan
ang bawat pagbagsak mo —
nang hindi mo namamalayan.

Hindi ako tanong.
Isa akong sagot
na matagal nang naroon
bago pa maitanong —
kung sino ang nagtanim,
at ano ang bunga.

Sapagkat kung ang dahon ay dumarapo,
at muling nawawala —
ako naman ang di-makita,
pero palaging naroroon:

sa bawat pagsibol,
sa bawat pagkalagas,
at sa pagitan ng mga saglit
na walang makapagsalita.

Hindi ako lilim —
ako ang dilim na may silbi.
at liwanag na hindi makukubli
Hindi ako aninong masisilungan —
ako ang silong
ng mga alaalang hindi pa binibigkas.

At kung ikaw ay nagtataka
kung kailan dapat hukayin ang lalim —
ako ang lalim na iyon.
Hindi para mabungkal,
kundi para maramdamang
may pinanghahawakan ka pa rin.

Kaya bago ka tuluyang tangayin,
alalahanin mo:

ang bawat dahon —
kahit ligaw —
ay minsang nanggaling sa sanga,
na ikinabit ng pag-ibig
ng isang ugat
na tahimik lang,
pero totoo ang kapit.


𝖠𝗄𝗈 𝖺𝗇𝗀 𝖽𝖺𝗁𝗂𝗅𝖺𝗇 𝖻𝖺𝗄𝗂𝗍 𝗆𝖺𝗒 𝖻𝗎𝗅𝗈𝗇𝗀 —
Ako ang pinagmulan ng tinig.
,mm

— The End —