Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
O, ang daang aking tinahak ay unti-unting kumikitid,
Ang daluyan ng hangin sa paghinga ay sumisikip.
Ang paningin ay nahati sa dalawang lagusan,
Isang madilim na madali, isang mahirap na naliliwanagan.
Ano ang pipiliin? Ano ang susundin?
Ang bulong ng isip? O ang tibok ng damdamin?
  
Ang landas na inakalang magdadala sa tagumpay,
Lulan ng isang bangkang inaalon sa karimlan.
Tinahak ang karagatan ng apoy na nagliliyab,
Nagsaya, nagpakasasa, nagsilbing ulap sa kawalan.
Ang daang binalewala ay bumubulong ng salita,
"Bumalik ka, pumarito ka, tutulungan kita".
Pilit na sumisiksik sa masikip na lagayan,
Ang katotohanang wala kang paroroonan.
  
Ikaw na ninais ang siyang iginapos,
Ng aking katauhan sa pusong naghihikahos.
Sa pagdama ng kasiyahang ikaw lamang ang magbibigay,
Aking tinalikuran pag-asang hinihintay.
Ang lahat ay tinalikuran, itinapon sa kawalan,
Upang makapiling ka sa matatamasang kaligayahan.
Subalit matapos ang gabi ng panaginip,
Ako ay nagising ang kasuota'y lagunit.
Ang lalamunan ay wasak, ang mata ay mapula,
Sa aking paglabas, kinatatakutan nila.  
  
Sa aking paglalakad sa mundong umiikot,
Mga mata'y nagsasabi na ako ay nakalimot.
Nang mapadpad ako sa kuwadradong silid,
Ay nanlaki, nagulat, sa sarili nakatitig.
"Sino ka?" "Sino siya?"Aking pagsusumigaw,
Nilisan ng katinuan, ang kaluluwa'y inagaw.
Nagpatiluhod at doon ay nagnilay,
Ako'y patay na, sinayang ang aking buhay.
  
Isang katauhan ang nababalot sa liwanag,
Nagsasabing " Bumalik ka, pumarito ka, tutulungan kita".
Ang nakaabang ang kamay ako ay hinihintay,
Bago pa man mahawakan ay isang dilim ang bumalot,
Sa likod ng aking isipan, sa harap ko ay may inabot.
Supot na naglalaman ng buhanging Kristal,
Kristal na nagpapasaya at wawasak ng ligaya.
  
Kukunin ba kita at titikmang muli?
Itatapon ba kita at sa liwanag kakapit?
Ano ang gagawin ng isipang sabog,
Sa sayang dulot sa pagkain ng durog?
dalampasigan08 Jun 2015
Unang Kurap

Nagising ako sa isang tahanang walang dingding, haligi o kasangkapan.
Tanaw ko ang mga ulap sa kalangitan at dinig ko ang mga ingay ng mga nagdaraan.
Ninais kong tumayo kaya’t iniangat ang aking ulo
ingat na ‘wag masagi ang mga nagdurugong sugat.
Nanginginig ang buo kong katawan at nanlalambot ang mga kalamnan.
Hindi ko halos maaninag ang kulay ng aking paligid sa itim na usok na nagkukubli nito.
Iginala ko ang aking mga kamay sa pag-asang baka may iilan pang piraso ng tinapay na natira mula kahapon.
Ginalugad ng mga daliri ko ang bawat sulok ng kawalan at bawat supot ng pangarap
ngunit ako’y bigo.
Isang sisidlang kalawangin ang aking nadampot
isang sisidlan ng pira-pirasong awa ng mga taong kahit na papaano’y nakauunawa sa kalagayan kong aba.
Inuga ko ng ilang ulit ang lata ngunit walang ingay ng barya
walang musikang magpapaligaya.
Magsisimula akong humikbi ng paunti-unti na para bang malalakas na kulog sa nagbabadyang pagbagsak ng ulan.
Pipigilan kong maigi ang mga luha hanggang sa mayroong magkamaling sumagi sa aking mga sugat,
saka ko lamang sisimulan ang isang marahang pagluha na magtatago sa tunay na sanhi ng pag-agos nito
kasabay ng pag-inog sa aking isipan ng mga katagang
"sana, hindi na lang ako nagising."
Jun Lit Dec 2020
Umaalingawngaw pa rin ang mga putok
tila tatlong tilaok ng tandang sa madilim na sulok
Ilang supot ng pilak kaya ang kapalit
May pagbati pa ang mga Hudas, tila pataksil na halik.

Magdamag na at maghapong pumapatak
ang mga butil ng dalamhati mula sa mga ulap
kasabay ng daloy ng aming
walang katapusang pag-usal
ng “Bakit?          Bakit?
                 Bakit?          Bakit?          Bakit?”
at impit na buhos ng mga luha
mula sa mga dinurog na puso.

Kahit si Mariang Makiling ay nakatalukbong
ng malungkot, makapal na ulap –
mistulang tinabunan ang mga pangarap
wala ni pipíng kasagutang maapuhap.

Wala, wala, wala . . .
Wala akong mahagilap na sagot
Tumitibay lamang ang aming paniwala
ang bayan ay patuloy ang pagkapariwara
ang daluyong ay nasa laot, lumulubog ang bangka

Katarungan ay mailap
Hinipan man ang kandila
Naroon pa rin ang iyong liwanag
Madilim man ngayong gabi
Gagabay ka sa aming paglalayag

Kami na rin ang lumikha ng sagot
At iisa lang ang aming alam
Pagmamahal mo sa ating bayan
kailan man ay hindi malilimutan
Lagi at lagi kang pasasalamatan
At ang lahat ng iyong marami
at magagandang sinimulan
Ipagpapatuloy para sa kinabukasan.
The town grieves. - dedicated to the memory of Mayor Caesar P. Perez, fatally shot on the night of 03 December 2020
Randall Apr 2020
Gulong na supot, pintura'y pudpod
Sa aparador nananatiling nakalagay
Ang itsura ay tila ba nakikibagay
Sa ilalim palagi may nakasalalay

Gagamitin sa tuwing kailangan
Paikot ikot akong pinag lalaruan

Naglalakbay at hindi alam kung saan
Bahala na ang kamay kung saan nya idadaan
Paiba iba, paliko liko saan ba tayo tutungo
Kagustuhan mo kung ako ay hahantong sa dulo
-
Is fate is in your hands? Or in His hands?

— The End —