Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Lyka Adlawan May 2018
Tagu-taguan,
Maliwanag ang buwan
Munti kong tula,
Inyong pakinggan

Ito'y patungkol
Sa kabataan
Na inaakalang
Pag-asa ng bayan

Wala sa likod,
Wala sa harap
Ano ang kabataan
Sa hinaharap?

Handa na ba kayong
Malaman ang totoo?
Pagbilang ng sampu,
Malalaman na ninyo

Isa, dalawa, tatlo
"Tara, pre! Dota tayo!"
Isa, dalawa, tatlo
"Kyah, pa-like ng DP ko"

Isa, dalawa, tatlo
"Naka-hithit na ako"
Isa, dalawa, tatlo
"Tara, shot na tayo"

Mga kabataang nakikiuso
Mga kabataang lulong sa bisyo
Kabataang imbis na ang dala'y libro
Ang palaging hawak ay sigarilyo

Apat, lima, anim
Wala nang ibang alam gawin
Apat, lima, anim
Kung hindi gadgets ay pindutin

Apat, lima, anim
"Babe, walang tao sa'min"
Apat, lima, anim
"Babe, pwede na nating gawin"

Mga kabataang napapariwara
Mga kabataang sa tukso'y nadadala
Kabataang tinuturing na Maria Clara
Na ngayo'y mas kilala na sa Maria Ozawa

Pito, walo, siyam
Nasirang kinabukasan
Pito, walo, siyam
"Aking pinagsisisihan"

Pito, walo, siyam
"Ako'y nanghihinayang"
Pito, walo, siyam
"Ibalik niyo 'ko sa nakaraan"

Totoo nga ang kasabihan
Ang pag-sisisi'y nasa hulihan
Ang ating nakaraan
Ang siyang madidikta ng kinabukasan

Ngunit hindi ko naman nilalahat
Ang nais ko lang, kabataa'y mamulat
Ang buhay natin ay parang aklat
Tayo ang gumagawa ng sarili nating kwento at pamagat

Hindi ko tatapusin ang bilang sa sampu
Dahil hindi ako ang magdidikta ng kinabukasan niyo
Ngunit sa pagtatapos ng munting tula ko
Sana'y makapagsimula kayo ng panibagong kwento

Kwento na kung saan kayo ang bida
Kwento na kung saan kayo ang pag-asa
Salamat sa pakikinig mula umpisa
Ngayon ang tulang ito'y tinatapos ko na
Apatnapu't limang minuto makalipas ang alas-dose. Umaga na naman -- umaga na naman pipikit ang mga mata kong kasingbigat na ng ulap na napuno ng tubig mula sa lupa at dagat. Mapungay at napapaluha dulot ng pasakit na hatid ng walang sawang sulatin, babasahin, at kung anu-ano pang mga dapat tapusin.

Mga labi kong medyo nakabuka na marahil akala nila'y tapos na ang lahat ng gawain kaya namamahinga. At muli silang sasara, kasingbilis ng motorsiklong humaharurot sa labasan na parang nakikipagkarera, kapag naiisip na malayo pa ako sa pagtuldok sa katapusan.

Tumatabingi na ang mundo. Ay, mali, ulo ko lang pala na napapahiga na sa aking kanang balikat tila may sariling isip at ginugusto nang humiga sa kama -- akala niya rin siguro'y matatapos na sa pagsusulat at pagbabasa ngunit sadyang nagkakamali siya.

Tak. Tak. Tak.
Tak. Tak. Tak.

Tunog na ginagawa ng aking mga daliri na kay bagal nang bumaba para pindutin ang mga letra sa aking kompyuter. Suko na raw sila at nasasabik na silang muling mayakap ang malalambot na unan na nag-aantay sa kanila.

Tak. Tak. Tak.
Tak. Tak. Tak.

Tunog na lang ng pagbagsak ng aking mga daliri sa bawat letra ng aking laptop ang pumapasok sa aking utak. Ilang minuto na nakatitig sa iisang pahina...

Sa iisang talata...
Sa iisang pangungusap...
Sa iisang letra...

Blag!
Kasi nga antok na ako.
derek Jan 2016
Paano ko kalilimutan ang taong hindi naging akin?
Mayroon bang off-switch na pwede kong pindutin?
Gusto kong sabihin sa sarili ko "tama na! huwag ka na umasa!"
Pero bakit nasa larawan mo pa rin ang aking mga mata?

Paano ko kalilimutan ang matang hindi ako tinignan?
Mga matang mapupungay at kaysarap pagmasdan
Kung pwede lang pumikit, tapos pagkadilat ay wala ka na
Para tumigil na ako sa walang humpay na pagluha.

Paano ko kalilimutan ang mga ngiting ubod ng tamis
na iginuhit ng mga labi **** tila seda sa nipis?
Gusto kong isigaw kung gaano kita iniibig!
Ngunit kung sarado ang tainga mo, paano mo ako maririnig?

Marahil sasabihin mo, OA na ang tama ko
hindi ko pa kilala, pero ang drama ko ay ganito
Kasalanan ko bang umasa na ang mga daan namin ay magtatagpo
lalo na kung alam kong andyan lang siya sa kabilang kanto?

Paano ko tatalikdan ang pusong hindi naangkin?
May bukas pa ba na nakalaan para sa atin?
Kailangan ko na bang itigil ang kahibangan kong ito?
Natatakot ako sa sagot, dahil madudurog lang ako.

— The End —