Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
Estranghero ang bawat numero
Arok kong ikaw iyon
Ang boses **** tila nasobrahan sa kape
Parang may giyera lang sa himpapawid.

"Yung katext mo kanina," yan ang sagot mo
Akala mo siguro wala akong ideya
Sa pagkatao mo.

Naisip ko rin yun
Na tawagan ka mula sa hiram na numero
Nang masanay ang pandinig
Sa boses **** walang kalambing-lambing.

Wala naman tayong listahan
"Long time, no communication," pa ang sambit mo
Bakit ba at tila ako'y miss mo na?
Wala naman akong masasabi sa kabilang linya.

Nagsinungaling ako
Nang sabihin ko ang porsyento ng baterya
Hindi sa ayaw kitang kausapin
Bagkus, wala akong maisip na tamang salita
Hindi ako makapag-isip ng tama
Sana ang diwa ko'y kasama mo na lang.

Yung pangako mo'y biglang napako
Akala ko nga malapit na
At tila binibilang ko ang nasa kalendaryo
Ako'y bigong muli.

Tatlong taong lumipas
Pero walang kupas ang kahapon
Sigurado akong tanda mo pa ang lahat
Na ang kahapon nati'y
Kailanma'y hindi pa tinutuldukan.

Kung ang pahinang ito'y mali sa katotohanan
Isa lang ang panalangin ko sa kanya
Na itong damdaming mahimlay na lamang
Pagkat ang lugar nito ngayo'y
Nasa tamang kondisyon pa naman.

Ramdam ko ang paghanga mo
Hindi ako manhid na minsang inisip mo
Hindi mo naman sinubukan noon,
Ba't ba pilit **** nililimot na mayroon pang ngayon?

At kung ang bukas ay wala nang araw
Sana'y ang pag-ibig ay sinimulan na noon pa man
Hindi pa man ramdam ang tunay
Bagkus sana ngayo'y kontinwasyon na lamang.

Wag nating takbuhin ang lakbaying ito
Hayaang ang layag ay dalhin ng hangin
Nang hindi makontra ang tamang ihip nito
At sa bagyong paparating
Ay maging handa na tayo.

Kung papalarin na tayo'y maparoon
Sa dakong Norte kung saan ang tama'y nakatrono
Hayaan nating ang oras ang maging saksi
Hindi ang magka-ibayong lupa ang tumuon.

(6/3/2014 @xirlleelang)

— The End —