Malambot ang kalimbahin,
talulot ng bulaklak na rosas,
tamang-tama sa pagpapagaan
ng masakit na pakiramdam
ng puro pasâ at bugbog-saradong lila
ng sugatang puso ng isang bansa -
sinugatan ng mga taon ng panggagahasa
ng mga pulitiko, at panghahalay
sa ekonomiya at lipunan.
Nagpapagaling ang kalimbahin.
Tamang timpla ang kalimbahin
ng matingkad na pulang dugo,
inialay ng mga bayani, nag-aalab sa banal
na pag-ibig, pagnanasang lumaban
para sa kalayaang tila napakailap
sa lahing puno ng kasawian
at ng dalisay na puting diwa
ng mga duminig sa tawag ng sambayanan
di alintana ang sarili, busilak tulad ng papel
na walang sulat, na sa ibabaw n’ya
ay mahihiyang maglapat ang isang makata
ng mga talatang sambay-bakod kumbaga.
Masaklaw ang kalimbahin.
Maliwanag ang kalimbahin
litaw na litaw sa tila itim
ng gabing pinakamadilim
sa ating sinalantang kapuluan,
at sa malabo, lalong kumukupas
na pangungunyapit ng bughaw-lilang kalangitan
subalit may sumisilip na’t nagpapalakas-loob
na sinag ng dilaw na araw muli, nababanaag
ang bagong Pag-asa ay binabasag
ang nakabalot na karimlan,
nagbabadya, ibinabaybay
ang ating kaligtasan
bilang isang bayan –
At kalimbahin ang kulay
ng bukang-liwayway.
This is the Tagalog translation of the previous poem "Pink."