Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jame Aug 2016
Paano ko ba sisimulan ang sulat na ito na iginagawa ko na naman para sa’yo?
Marami na akong naipon na mga sulat, sulat na punong-puno ng mga walang kwentang kasaysayan at letra na hindi ‘ko maigunita sa iyo
Bakit? Ewan ko, hindi ko alam, putangina may pakialam ka ba?
Hindi ko alam kung ibibigay ko sa’yo ang mga sulat na hindi ko natuluyang ibigay sa’yo dahil Una, hindi ko alam kung may pakialam ka pa sa mga salita ko
Ang aking mga salita na punong-puno ng galit, ng damdamin at pagmamahal
Kasi Pangalawa, noon, kahit walang kwenta ang aking mga sinasabi, ito’y tuluyan **** binibigyan ng halaga
Noon, kahit ako’y galit sa iyo at ika’y galit sa akin, nauubos ang iyong salita at hininga sa mga bagay na gusto kong marinig para lang tayo’y magkaayos
Noon, nakuntento tayo sa isa’t-isa kahit tayo’y naliligaw at nabubulag pa sa mundong ito na punong-puno ng kasinungalingan
Noon, ginagawa mo ang lahat para lang tayo ay magkita
Noon, pinupuno ko ang iyong mga araw nang ligaya at mga ngiting hanggang tenga
Noon, hinahayaan mo lang tayo’y maging masaya
Noon, ako’y sa iyo at ika’y akin
Noon, ika’y andito at wala doon
Noon, ako’y mahal mo at ika’y mahal ko
Naghahanap ng mga dahilan kung saan ako nagkulang, o kung saan ako nagkamali
Kung ito ba’y dahil sa aking pananamit o sa aking pananalita
Kung ito ba’y dahil hindi ako kagaya niya o sadyang nawala na lang talaga ang iyong mga nararamdaman bigla
Kaya inuulit ko, saan ako nagkulang? Saan ako nagkamali?
Nagkulang ba ako sa higpit nang yakap at haplos?
Nagkulang ba ang aking mga boses sa pagsigaw sa mundo na mahal kita?
Nagkulang ba ako sa pagsuyo at sa aking pagamin ng mga kasalanan?
Nagkulang ba ako sa pagbuhos ng aking mga damdamin?
Nagkulang ba ako sa paglaban?
Nagkulang ba ako sa bilang ng araw na mawawala ka na?
Nagkulang ba ako sa halik?
Dahil sinta, kung alam ko lang ng mas maaga pa na ika’y hindi magtatagal, sana’y tinagalan ko ang aking mga halik at inagahan ang aking pagbitaw
Pero hindi,
Kaya ang nagbunga ngayo’y isang babae na katulad ko na
Ngayo’y nasasaktan at nalulunod sa sariling mga luha
Natatapilok sa sariling mga paa, dahil sa sariling katangahan
Ngayon, isang tanga na natalo at nakanganga
Ngayon, umaasa na lang ako sa isang idlap ng iyong mga mata
Ngayon, naghihintay na lang ako sa iyong pagpansin o pagtawag sa aking pangalan
Ngayon, nagbabakasakaling may halaga pa rin ako sa’yo
Ngayon, umaasang iniisip mo pa rin ako
Ngayon, nagbabakasakali na masaya ka na.
Masaya ka na sa kanya.
Masaya ka na sa piling ng iba.
Mas masaya ka na kesa aking nagawa.
Ngayon, nangangarap na lang na maging masaya
Ngayon, sinusubukang kalimutan ka
Pangatlo, dahil ngayon,
Mahal pa rin kita,
at wala ka na.
#tagalog #past #noon #ngayon #pagmamahal #love #filipinopoem
isang hawak na di ginusto
nagsimula sa panghihipo
pag iisip mo'y kasing dumi
ng burak sa estero
nalilito natutuliro
magsasalita ba ako?
kapangyarihan mo'y inabuso
ginamit para bumango ang pangalan mo
para maitago mo ang halimaw na nagbigay ng lamat sa buhay ko.

Isang gabi! isang gabi lang!
nadurog ang pagkatao ko.
kinulong mo sa madilim na nakaraan tulad ng pagkulong mo  sa akin
sa madilim at maliit na kwartong iyon
mabilis ang pintig
naririnig bawat kabog ng dibdib
paralisa ang katawan
di makasigaw
tulong! tulong! mga salitang tila naipit
sa aking lalamunan.

halik na di ko ginusto
yakap na di ko hiniling sayo
mga hawak sa aking katawan
nandidiri ako sayo
seksuwal na panghahalay
di ko nararapat pagdaanan

lamat na di malilimutan
lamat na mananatiling parte ng nakaraan
di mo na ko maapektuhan
ang lamat na bigay mo
ang aapakan ko
ang magiging boses ko

para maparating ang mensaheng ito

walang sinuman ang dapat makaranas nito!
walang sinuman ang dapat mabuhay ng may takot mangyari ulit sa kanila ito.
walang babae ang mahahalay base sa kanilang pananamit, kilos o pananalita.

ang lamat na bigay mo,
andito man ito
pero di na ito hadlang
sa muling pag ahon ko.
kingjay Jan 2019
Pusong bingi'y naaantig ng awit
Ganun pala sa unang pagsinta
Sa sombra niya'y laging nakabuntot
Paglumingon ay siyang paglinga-linga sa paligid
Ni ayaw mahalata kung saka-sakaling mapansin

Hindi malaya sa demokratikong bansa
Alila ng iniibig na panauhin
Ano nga ba, di alam ang gagawin
Sa pagpikit ng mata,
mukha niya'y nagniningning

Sa pantasya'y nahuhumaling
kahit na  gising, lumulutang sa hangin
Kaya ganun na lang sa pagsasalamin
sa mga nangyari - medyo pagmamalabis

Hinabol ang bawat galaw
Sa utak ay walang hinto na sumasayaw
Disente sa pananamit
Mayumi kahit sa anong bihis

Di man lubos nililimi ang mga katangian at ugali
Pabayaan pagkat mapagkumbaba
Hahamakin ang lahat
Dahil ang dibdib ay lumilingas
Jun Lit Jan 2020
Tinuruan po ninyo kami
kung paano magsalita at sumulat nang taas-noó
sa isang wikang inampon,
na hindi naman namin Ina.
Ang balumbon ng panuntunan
at talaan ng mga tanggap na kataliwasan
kabisadung-kabisado po ninyo
at ipinagpakasanay po ninyo sa amin,
buung-tiyagang inalagaan
ang mahiyaing mga buko
masikap na hinamon kami
araw-araw, at ang iyong tinig
hanggang ngayon sa diwa’y naririnig –
“Correct practice makes perfect!”
Higit pa sa mga tugmaan ng simuno at panaguri
Ang inyo pong mga aralin sa balarila, na tila gintong may-uri
Ay tinuruan ang mga batang puso, bata sa puso,
Ang mga malambot pang isip:
the malleable minds:
Bawat lalaki o bawat babae ay – “Every man or every woman is”
Pero
Lahat ng lalaki at lahat ng babae ay – “Men or women are”
Anuman – “regardless or irrespective”
Ng pinagmulan – “of beginnings”
Ay kailangang malaman:
1. May mga panuntunang dapat sundin.
          - at isinabuhay namin ang bawat sinabi mo,
          At hindi lang sa aming mga saknong at pangungusap
2. May mga taliwas o eksepsyon na dapat isa-alang-alang.
          - di-tuwirang tinuruan po ninyo kami,
          Kilalanin ang mga pagkakaiba-iba
          At ang mga hirap sa pag-aaral at pagsasalita ng Ingles
          Ay katulad lamang ng mga kahinaan ng mga tao
          At mga katangi-tanging pag-uugali ng aming mga kaibigan
3. Mabuting magpakadalubhasa sa balarila
          - Pero katapatan sa sarili at sa kapwa ang pinakadakila!

Kung kaya, ang mga aralin **** pinakamahalaga
higit pa sa maayos at pusturang pananamit at sapin sa paa
at mga ebanghelyo ng tamang paggamit ng mga salita, syntax,
at ibang hiyas lingguwistika
ay naghatid ng mabuting pagkamamamayan
at butil ng paano maging mabuting kaibigan
Ang mahusay ng pag-i-Ingles na aming natutunan
ay mga aral ng araw-araw na pamumuhay
Mga kayamanang walang katapat na perang kabayaran.
Translation into Filipino (Tagalog) of a poem I wrote last year entitled "Beyond Grammar [https://hellopoetry.com/poem/2958926/beyond-grammar/], in memory of our teacher in English Grammar, Ms. Araceli M. Katigbak, in The Mabini Academy, Lipa City (Batangas Province, Philippines).

— The End —