Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Una, akong natutong magbilang ng saya sa dagat,
Habang ginagawa kong kwintas ang mga puka shells
Sa dalampasigan.


Natutu akong lumaban sa sigalot ng buhay,
Sa pagtalon habang ang mga rumaragasang alon
Ay ginuguho ako.

Ang   hangin
Ay bumubulong sa akin ng uyayi
Dinuduyan ako upang mahimbing.

Natuto akong magbawas ng kalungkutan
Sa mga tuyom
Sa baybayin.

Natuto ako ng kolektibong paggawa
Sa pagmasid sa mga mangingisda sa paghugot
ng lambat mula sa dagat
Na taglay ang isang araw na huli
at hatiin sa kanila
Nang pantay-pantay.

Umuwi sila sa kanilang pamilya na may
Kasiyahan sa kanilang dalang
Paghahatian sa paminggalan.

O kay sarap sa pakiramdam
Tuwing huhubarin ko ang aking tsinelas
At namnamin ang mapipinong buhangin sa aking mga paa.

At sa tuwing ako ay nakakaranas ng kasalatan
Akin lang alalahanin-
Ang mga araw ng aking pagbibilang  sa dagat.
Jun Lit Oct 2017
Tumatalbog-talbog
sa sahig ng aking mga ala-ala
ang bola ng jackstone ng até
at sipang tingga ng kuya

paroo’t parito
ang mga trumpo’t yoyo
sa mga tumpok
ng inipong alabok
ng kabataan kong
inihian ng kahapon
upang maging kalamay
at putu-putuhan
- na waring napanis na
sa paminggalan ng kompyuter
at tuluyang ibinaon
sa puntod ng mga cellphone.

Sa kamposanto ng mga ala-ala
nagmumulto pa rin ang kahirapan
di na kailanman matatakasan

sa bawat lagok,
mainit na humahagod
sa lalamunan ang mga tagpo
sa mga dula’t pelikula
sa pinagpugarang bahay
na ngayo’y nagiba na:
          pagkatapos ng maghapon:
          itutulak mo ang kaning mahalimuyak
          - isinaing ng Inay ang kinandang-laon
          inutang pa sa taga-Quezon
          wala kahit kapirasong tuyong maisabay
          walang iba, tanging ikaw,
          masarap nang sawsawan at sabaw.
Translated as Brewed Coffee III

— The End —