Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Dark Nov 2018
Isang republika na gawa sa pangarap,
Pangarap na walang kasing sarap,
Pangulo na karapatdapat sana'y mahanap,
Upang pangangarap ay makita kahit isang sulyap.

Pero pano natin ito magagawa kung tayo'y nakakulong,
Ang nakaraan na kinulong tayo sa isang selyadong kabaong,
Na hanngang ngayo'y tayo'y nakalibing,
Dahil produktong banyaga'y ating laging hinihiling,

May pag-asa pa ba tayong lumaya?
May pag-asa pa ba tayong umiwas sa hiya?
Kung lagi tayong kumokopya,
Kailan pa ba tayo tunay na liligaya?

Tama nga ang sinabi ni heneral Luna na "hindi natin kalaban ang amerikano o ang espanyol dahil ang tunay nating kalaban ay sarili natin",
Paano tayo tatayo sa sarili nating paa kung tayo'y nagpapaalipin,
Ang sugat ng kolonisayon ay ating gamutin,
Wag hayaang tayo'y lamunin.

Produktong pilipino'y mahalin,
Hindi ang produkto ng banyaga ang tangkilikin,
Sariling wika ang aralin,
Hindi ang wikang tayo'y paiiyakin.

Pero ang mga hiling ko'y napakahirap makamit,
Dahil tayo'y isa paring yagit,
At nagpapagamit,
At masasabi kung tayong mga pilipino ay punit.
Agust D Apr 2020
maitim ang gabi
patagong hikbi'y
nagmumulto sa tabi
nagpaparamdam, pasintabi

kwentong nakaukit sa dilim
binabalik-balikan, palihim
umaasa nang mataimtim
nawa'y bumalik sa takipsilim

hangal mang maituturing
alaalang matagal nang nakalibing
ay muling bubuhayin, sinungaling
eksena, alaala, nakakahumaling

natapos na ang ulan
maaari na bang tumahan
magpahinga't lumaya nang marahan
upang mabitawan, panandalian
Hiraya ng Pag-ibig
Vincent Liberato Feb 2019
Nagtawag siya ng isang espiritista
at mananalangin
na magbuburda sa bawat hibla
ng kamalayan na patuloy na binuburda
ng sugat at sakit, habang patuloy na ginigising
ang matagal na pagkakahikbi at pagkakatulog sa mga hungkag
na mangangarap.

Dali't daling sumulat ng dagli,
sa bawat pagtagaktak ng mga luhang
umaagos sa sigaw ng mga birhen at santo
na siyang nananalangin sa ikalilinis
ng tahanan laban sa mga naghuhudas
na diyablo, na itinataya ang gabi
para mag-anyong tao sa kahit sino.

Bago sumapit ang gabi.
Sa takipsilim, limang minuto,
bago paparating ang isang duyog
na magwawakas sa hindi maaaring wakasan,
kagaya ng pagtalikod at pagpikit,
na hindi maaaring maisara ng mga mata.

Magpapakarahas sa pagsigaw
at mananabla ng labing-anim na milyong mananampalataya,
ang isang estadista na kung yumapak ay walang-puknat
na magliliyab ang sahig, kung saan nakalibing
ang hindi mabilang ng mga daliri, pagkaraan ng walang
nagdaan sa pagkalimot sa kanila.

Sa gilid-gilid ng eskinita,
matatagpuan ang mga kawalang-malay
na pugot na ulo na hiniling ng mga mananampalataya,
sa isang dyini at ipinagkaloob sa kanila ito, ipinagkaloob, ngayon ay tumatanggi kung kailan naparirito ang hiling.

Ngayon ay malilinis na ang pinakamaruming
hindi nasasaksihan ng mga mata sa tahanan, pagkatapos
ipanglagas ang kaluluwa.

Sa huli, walang bumabalagkas ng daan, na sumasalamin,
pagkatapos manalamin. Sa kabila ng napakaraming salamin.

— The End —