Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Unti-unti nang pinapalitan ng kadiliman ang langit na kanina'y kay liwa-liwanag pa.

Nakaupo ka sa aking tabi, tumitingala sa langit habang ang puso ko'y bumibilis ang pagtibok habang lumilipas ang mga sekundo. Kasabay ng pagpintig sa kalalim-laliman ng aking sarili, ay ang pagbaba ng mainit na araw na sumisikat sa atin at ginagawang mala-ginto ang iyong kutis; kapalit nito ang maluwalhati na buwan na kasing hugis ng iyong nakakaginhawa na mga mata kapag ika'y tumatawa. Ang sansinukob ay napakalaki at maraming mailalaman; at hindi ko papalapgpasin ang pagkakataon, kahit kailan, na ipaghambing ka roon. Maaaring napakaliit ng iyong katawan, ngunit ang puso **** pagkalaki-laki ay punong puno ng pagmamahal.

Ikaw. Ikaw ang aking sansinukob at ang pagmamahal ko ay para sa iyo lamang.

Kinuha mo ang aking kamay at hinalikan, ako'y iyong tinanong kung ano nga ba ang nasa isip ko; kaunti nalang ay hindi ko na mapipigilan ang sarili ko at isisigaw ko ang iyong pangalan ng paulit-ulit upang sagutin ng diretso.

Ang aking pagkahaling sayo'y katulad ng kalangitan; maaari mang magkaroon ng kadiliman ay babalik parin sa dating anyo na kay ningning. Ikaw ang nagsasabit ng buwan sa langit bawat gabi at ako naman ang tagawilig ng kumikinang na mga bituin sa iyo. Hindi tayo makukumpleto kung wala ang isa't isa, kaya ako'y humihiling bawat gabi na tayo'y hindi magwawalay sa isa't isa.

Ninanais ko na ang iyong puso ay habang-buhay na titibok para sa akin, dahil alam ko na ang akin ay titibok para lamang din sa iyo.
something i've kept in my notes for months already, written for somebody that i used to love. salamat sa lahat.

— The End —