Ayoko na lamang bilangin ang mga oras
Na nasisinagan pa tayo ng araw,
Maghahabulan at magtatampisaw na parang mga basang sisiw
Sa hubad na kalsadang naunang pagalitan ng langit.
Naaalala ko pa noong elementarya'y
Sabay tayong papasok sa eskwela
Matapos humigop ng mainit na sopas ni Nanay.
At minsan nga'y nakalilimutan nyang hanguin ito nang maaga
Kaya matapos nating kumain ay sabay rin tayong magtatawanan
At maglalaro ng "tag-tagan" patungo sa kanto sa sakayan.
Hindi ba't pumupunta pa nga tayo sa may bandang iskwater,
Makapaglaro lang ng pitsaw sa dati nating mga kaklase?
Nagagalit kasi si Nanay kapag sa bahay natin sila niyayaya
At magkakalat ang putik sa ating sahig
Kasi pati si Bantay ay nakisali sa paghuhukay.
Ilang beses din tayong naligo sa dagat
Kahit na ang sabi ni Tatay ay manginas muna tayo
Habang siya ay nasa laot pa.
Pero uuwi tayong mga basa at walang pang-ulam na pasalubong
Kaya muli tayong mapagagalitan
Kasi ang titigas daw ng mga ulo natin.
Hindi ba nahuli ako sa eskwela noon na nangongopya sa'yo?
Tapos sinabi mo sa titser na ikaw ang nangongopya at 'di ako?
Hindi ko kasi makalimutan yun
Kasi pag-uwi natin sa bahay, ako pa yung nagtampo sayo
Nung ikaw yung unang pumili sa doughnut na dala ni Tatay.
At nung gabing iyon, hindi ako tumabi sa'yong matulog
Ang sabi ko pa ay ayaw na kitang makita muli
Kasi naghalo-halo na yung nasa utak ko.
Pero alam mo ba, na sa mga oras na yun
Hindi ko talaga inaasahang seseryosohin mo yun.
Kaya noong maggising na lamang ako'y
Nagulat akong wala sila Nanay at Tatay
At si Aling Rosing pa ang nagsabi sa'kin
Kung ano ang mga nangyari
At kung saan ako pupunta.
Sinabi ko na ngang ayoko na magbilang ng mga oras,
Pero heto pa rin ako...
At taon-taon akong nangungulila at nagsisisi.
Siguro nga kung hindi ako natulog agad
Ay baka may naggawa pa ako.
Siguro nga kung hindi ko sinabi ang mga iyon,
Ay hindi mo ring magagawang umalis.
At siguro nga kung hindi ako nagtampo'y
Wala naman talaga tayong pag-aawayan.
Hindi ka rin hahanapin nila Nanay sa gitna ng gabi
At hindi sila masasagasaan ng tren para iligtas ka lang.
Siguro nga, pero huli na ang lahat eh
Wala na kayong lahat at iniwan n'yo na 'kong mag-isa.
Sana sa huli kong pagbisita'y mawala na rin ang lahat ng bigat,
Mawala na ang pagkamuhi ko sa sarili ko,
Kasi pagod na ako...
Pagod na pagod na ako.