Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Jul 2019
Sa madilim na sulok ay inaalala
ang mga sandaling noon pa'y sa eskwela
at nahuhumaling sa kamag-aral na dalaga

Lipos ng rosas ang kapaligiran
Kapag siya'y nakikita sa paaralan
Sa isang sulyap niya'y ako'y parang sa ibang kalawakan

Hinati na ng imahinasyon
ang daigdig ko na may limitasyon
Itinago muna ang katotohanan
Para sa kanya'y handang ipagpalit maging ang kinabukasan

Sa alon ay nagpapaanod
Sa hangin ay naninikluhod
Ibinulong ang tanging hangarin
na sana sa isang araw kami'y magkapiling

Anong saya sa tuwing pasukan
Singko kong baon ay iniipon
Upang sa pagdating ng tamang panahon
Makabili ng bagong damit nang siya'y ligawan

Bakit ko pa ikinakahiya
ang maging isang dukha
Hindi na nga makakain
Nagsusumikap pa rin kahit hinahamak pa ng iba

Marupok ang aking katatagan
Ang dibdib ko'y may malumanay na damdamin
Ni ayaw magsalita at ayaw pumansin

Duwag kapag ako'y salingin
Nanginginig ang himig
Sa gabi'y pinapangarap
si Dessa na nagluningning

Siya'y prinsesa na nakahilig
Sa luklukan
Haring handang pagsisilbihan
Walang mali sa kanyang kagustuhan

Kapag lumalayo na ang araw
na tila pumapa-kanluran
Alaala'y ibinabalik - mahapdi na katotohanan

Sana'y noong nagkakatitigan
Lumapit kapagdaka'y nagpakilala
Kung sakaling ngumiti
Hindi na siya pakakawalan

Sana'y sa simula pa lang
niligawan na ang Paraluman
Kahit tumanggi sa pagmamahal
Mas mabuti na ang umibig kahit nabigo
Kaysa hindi nakaranas ng pagsuyo
Mahirap man - tumanda nang
nagagalak kahit sa isipan

Ngunit ang salamisim kay Dessa ay ayaw ako tigilan
Lumiligalig sa gitna ng aking kahimbingan
Kung mangyari'y maninirahan sa Panganorin ng nakaraan
Eugene Aug 2016
Marami ang natutuwa,
Ang iba nama'y naluluha.
Mayroon namang naiinis pa,
At nagbibitaw ng maaanghang na salita.
Masisisi mo ba sila?
Amoy na amoy ang bulok na sistema.
Yaman ng bayan, saan napunta?
Aling daan ba ang susundin nila?
Nasaan ang pangakong maka-masa?
Gagalawin pa ang pera ng iba.

Pangulong hindi makasarili,
Ilaw ng bansang hindi mapupundi,
Layuning hindi naisasantabi,
Iniintindi bawat hinaing ng nakararami.
Presidenteng may katuturan ang sinasabi,
Ipinagtatanggol ang mga naapi,
Nagsusumikap na bansa'y maging mabuti,
Obligasyon sa mamamayan ang laging pinipili.
kingjay Jan 2019
Sa tili ay nagulat
Oras na bumangon
Tumatagistis ang pawis
Nagsusumikap sa ilalim ng buwan
Nang sa taggutom ang sikmura'y di magtiis

Ilang linggo na ang lumipas at muli'y pasukan
Di pagbabalik-skwela ang kinapapanabikan
kundi ang hirang
Ang makita na ngumiti,
nagsisilundagan ang saya sa luksong-lubid

Sa kumikinang na dilaw - ginto
Sa pinto ng silid-aralan
Ang pangalan ay sa talaan
Sumambulat sa harapan, magiliw na klase at kaibigan

Alas singko ng  hapon, bumuhos ang ulan
Sa hintayan ay sumilong at doon din ang paraluman
Ang tatlong estudyante sa likod niya ay di alam

Nang isa ay hinipo ang makapal niyang buhok
Tinawag na ang pangalan
Sa tabi ay lumapit
Ang winika ay baka mabasa ka ng mahalumigmig na  habyog ng hangin
Inaabangan pa rin ang mga binata
sa kung ano pang balak na gawin
Hindi ko alam kung bakit pa nagtataka,
Kung bakit pa nagtatanong kung may pag-asa pa,
Bakit pa nga ba aasa pa?
Kung ang pag-asa ay sa simula pa lang ay wala talaga.

Ilang taong  nagsikap para makita mo na ang pagmamahal ko ay hindi katulad ng kaniya,
Para kapag sinabing “nag-iibigan” ay tayo ang magiging kahulugan at hindi ang halimbawa,
Na hindi na mananatiling konsepto ang “magkasama tayong tatanda”,
At hindi na mananatiling pangako ang “hindi ka na mag-iisa”.

Pero ang tayo’y parang ningas na hindi man lang naglagablab ay namatay na,
Parang apoy na hindi pa man nagbaga ay agad inapula,
Na hanggang ngayon tinatanong kung bakit nagpipilit umalab para sa iba,
Kung kaya namang huwag upusin ang mga sarili sa piling ng isa’t isa.

Ako’y nakagapos sa iyong pagmamahal na hindi naman talaga naging akin,
Kinukulong sa hawla ng kahibangan na baka sakali mag-iba ang ihip ng hangin,
At sa wakas ay ako’y iyong pakakawalan sa kadena ng pag-iilusyon,
Baka sakaling ang tayo’y magiging bahagi ng kasaysayan at hindi na piksyon.

Pero ang kasaysayan nating hindi pa man nagsisimula ay nais nang isulat ng iba,
Isang taong nagsusumikap maging bayani sa bawat yugto, naghihintay na mabigyang halaga,
Na sa akin ay nagtatanong, “magiging tayo kaya?”
At bago siya masagot, ay kailangan pang magtanong sa’yo, “magiging tayo kaya?”

Kasi kung hindi, hindi ko na ipipilit ang sarili ko at tatanggapin ko na,
Na sa pagtupad ng pangarap kong pagpapalaya mo sa’kin sa kadena ay iba ang nakatakda,
At  sa piling niya, baka sakaling makuha kong maging lubusang masaya,
At ako naman, hindi na ikaw, hindi na ang damdamin mo ang nakataya.

Kasi kung hindi, hahayaan ko siyang apulahin ang aking apoy na nag-aalab para sa’yo,
At gisingin ako sa katotohanang nauupos na ako, nauubos na ako,
Na kaya ang tayo ay parang ningas na hindi lumalagablab kasi hindi pala ikaw ang baga,
Hindi pala dapat ako umasa.
Oh Poong Santo Niño
Batid na batid Mo
Na simula pagkabata ko
Sumasamo na ako sa Iyo
Subalit bakit tinulutan Mo
Na ang buhay ko’y maging ganito
Punung-puno ng pagkatalo
Palaging malayo sa asenso
Palagi nalang nabibigo
Nagsusumikap naman ako
Wala paring pagbabago
Hanggang kailan Mo matatanto
Ang kalagayan kong ito
Kung Ikaw nga ay totoo
Dulutan Mo naman ako
Ng inaasam na pagkapanalo.

-01/19/2014
(Dumarao)
*written on this day of the Feast of Sto. Niño
My Poem No. 245

— The End —