Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Anong silbi ng luha?
Kung papatak lang ito gaya ng ulan,
At gaya ng baha'y pagtatampisawan.

May iilang paslit sa Kalye ni Juan,
Nagbabangka-bangkaan
Paglaki nila'y dal'wa ang sinasagwanan.

Doon sa iskinitang panay basura ang laman,
Bisita nila'y araw-araw na kagutuman.
Iwinawagayway ang sarili,
Bentahan pala'y kanilang pagkakakilanlan.

Minsa'y nasaglit ako sa tindahan
Nang may matiyagang nakipag-usigan
Banta niya'y bubuwagin ang buhay
Ang latay ng bukas ay aangkinin nang ngayon
Titila rin daw ang buhos ng ulan,
Pang-lamang tiyan lang daw,
Bagkus dahas ang kikitil sa kasaganaan.

Ganoon na nga,
May mga nauudlot na kinabukasan
Pati istoryang panay nagtititigan.

Ngayon kasi'y
Pakalat-kalat na lang,
Iba na pati takbo ng isip,
Nakikilimos na lang
Baka may singkong duling man lang.
zee Apr 2020
hindi na mapakali at panay ang tingin sa paligid
ang pagod at antok ay 'di na maikukubli
segundo, minuto at oras na ang lumipas
ni anino mo'y 'di na matinag; mata'y malapit nang tumiwalag
ang isipan ay kung saan-saan na rin napadpad
iisa lang naman ang nais isigaw ng pusong matiyagang naghihintay
makita kang muli at ang puso't isipan ay mapapalagay
lahat ng hirap na dinanas ay 'di alintana dahil ito'y maiibsan

--

at dumating na sa wakas ang araw ng pagpapasiya
ang dalawang pusong nangungulila sa presensya ng bawat isa'y
nagtagpo at nagsama

ang muling pagkikita nila'y punong-puno ba pananabik at saya
salubong na mainit at mahigpit na yakap at matamis na halik
ang siyang nagpawi sa mga sandaling hindi sila magkapiling

--

saksi ang mga tala at ang buwan
pati na rin ang mga tao sa paligid na walang kaalam alam at pakialam
sa muli (at huli) nating pagkikita,
mahal.
03.06.2020
Jun Lit Nov 2019
Noong musmos pa’y sabaw
sa isang malukong na pinggan
puno ng kaning may kaunting tutong
pagkaliban ko ng bakod, ika’y nakasalubong
kalooban ko’y kimi, dila ko noo’y urong

wala sa aking hinuhà,
walang sinangguning manghuhulà
sino ba’ng mag-aakalà
marmol **** bantayog
gatô palang kahoy ang loob
nang katotohana’y nabantog
sa kaunting yanig, gumuho ang moog

huwag daw sasamba sa mga d’yos-d’yosan
ngunit tila larawan ka ng may-kabanalan
haliging inasam na masasandalan
sa ilaw ko pala’y naging tampalasan

imaheng nadurog ay dagok sa aking likod,
at tila balisong na sa puso’y kumadyot
kulang ba ang hikbi ng pusang malambot?
labis bang nagmahal ang asong malikot?

Mahabang panahon ginugol, dumaan
Ang kapeng mainit lumamig,
Napanis na’t nakalimutan

Sa paglalakad, dinampot, hinimay
ang duming iniwan ng mga alamid
matiyagang pinagyaman
Isinangag ng paulit-ulit sa nagmumuning isipan
Giniling sa puso tumanaw sa pinagmulan
Tinimplahan ng matam-is na kapatawaran
Paglagok ng mainit, aking naramdaman
Tiwasay ang dibdib, may kapayapaan.
My ninth in my Brewed Coffee Poems series - poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.

— The End —