Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
prāz Dec 2016
Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na tula ngayong gabi.

Maisusulat, halimbawa:
“Ang gabi’y mabituin, at nanginginig, asul,
ang mga tala sa dako pa roon.”
Umiikot sa langit ang hangin ng gabi, umaawit.

Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na tula ngayong gabi.
Siya’y inibig ko, at kung minsan ako’y inibig din niya.

Sa mga gabing tulad nito,
niyakap ko siyang mahigpit
at hinagkan sa lilim ng walang-hanggang langit.

Ako’y inibig niya, kung minsan siya’y inibig ko rin.
Paanong hindi iibigin ang mga mata niyang malamlam?

Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na tula ngayong gabi.
Isipin lang: Hindi ko siya kapiling.
Nawala siya sa akin.

Dinggin ang gabing malawak,
mas malawak pagkat wala siya.
At ang tula’y pumapatak sa diwa,
parang hamog sa parang.

Ano ngayon kung di siya mapangalagaan ng aking pag-ibig?
Ang gabi’y mabituin, at siya’y hindi ko kapiling.
Iyon lamang.
Sa malayo, may umaawit.
Sa malayo.
Diwa ko’y hindi mapalagay sa kanyang pagkawala.
Anyong lalapit ang paningin kong naghahanap sa kanya.
Puso’y naghahanap sa kanya, at siya’y hindi kapiling.
Ito ang dating gabing nagpaputi sa mga dating punongkahoy.
Tayo, na nagmula sa panahong iyon, ay di na tulad ng dati.

Hindi ko na siya iniibig, oo, pero inibig ko siyang lubos.
Tinig ko’y humalik sa hangin para dumampi sa kanyang pandinig.

Sa iba. Siya’y sa iba na.
Tulad ng mga dati kong halik.
Tinig, maningning na katawan.
Mga matang walang-hanggan.

Hindi ko na siya iniibig, oo, pero baka iniibig ko siya.
Napakaikli ng pag-ibig, at napakabata ng paglimot.

Pagkat sa mga gabing tulad nito’y yakap ko siyang mahigpit,
diwa ko’y di mapalagay sa kanyang pagkawala.

Ito marahil ang huling hapding ipadarama niya sa akin,
at ito na marahil ang huling tulang iaalay ko sa kanya.



“Tonight I Can Write The Saddest Lines” ni Pablo Neruda
sinalin sa Filipino ni Jose Lacaba.
this is one of my favorite translations
it is not of my purpose to plagiarize
i just thought
this piece is too beautiful
and people have to read it
Jor Jul 2015
I.
Minsan lang ako lumabas ng bahay
Minsan lang ako umupo sa damuhan at tumambay.
At napili ko ang gabi para ako'y damayan
Sa aking nalulumbay na katauhan.

II.
Marami akong naiisip–mga kung ano-anong bagay.
Marami akong gustong sabihin sa mundo,
Ngunit mas pinili ko nalang na itikom ang bibig ko.
Sapagkat alam kong wala namang makikinig sa mga pasaring ko.

III.
Napahiga nalang ako at ang mga bituin binilang ko,
At napagod ako kakabilang sapagkat alam kong imposible ito.
At bigla kang dumapo sa isip ko. At napasabing:
“Isa ako d'yan sa mga bituin, ako ‘yung maliit at 'di mo napapansin.”

IV.
Napabuntong hininga ako,
At kasabay nun ay biglang may isang bituing biglang nagningning.
Naalala kita, naalala ko yung ngiti mo noong una tayong nagkita.
Isa ka rin nga palang bituin, ngunit 'di gaya ko, pagkat ika'y maningning.

V.
Ang sarap sana ng buhay ko kung laging ganito,
Masarap ang hangin at tahimik ang aking mundo.
Ngunit alam kong imposible ang hinihiling ko,
Pagkat mas masarap ang buhay 'pag ikaw ang kapiling ko.
Jun Lit Mar 2019
Hinahanap kita, Kaibigan . . .
Tinatawagan kita, Kapatid . . .
Sabay tayong nanghiram ng aklat,
sa Aklatan ng Pag-asa,
Kaya’t sakdal-pait nang nabalitaan ko
ang talaan ng buhay mo’y binawi na
Pilit pinapawi
Ng paroo’t paritong mga alon
at ihip ng hangin
Ang mga impit naming pahatid
Na iniukit
Ng mga palihim na hikbi
Sa tila natutulog na buhanginan
Sa dalampasigan
Ng ‘yong puso. Namamahinga ka na ba
aming Kasama?

Hindi mawawala
ang iyong pangalan
sa harap ng pinid na pintuan
Ng kani-kanina lang
Ay dambana
Ng iyong tila hindi nangangalay na panulat
At tabernakulo
Ng namimitig na mga binti
Ng nagtalumpating tinig.

Namamahinga ka na kapatid.
Ngunit hindi mapipipi ang batingaw
Na kahapon, ngayon at bukas ay magtatawag
Ng mga kapanalig,
Pagmamahal sa kapwa, sa bayan, sa kalikasan, sa daigdig.

Sumisilip na ang araw.
Mamamaalam na ang mga tala.
Patuloy na nagliliwanag ang bituing
Ikaw, oo, ikaw, maningning.

Hihimlay kang tahimik
sa puntod at bantayog
ng mga hindi namin malilimutang
Paninindigan. Pahayag. Panawagan. Paala-ala.
dahil sa isip at puso namin, isang Bayani ka
at maraming salamat na ikaw ay nakilala
at aming nakasama.
para kay Dr. Perry S. Ong, Oktubre 2, 1960-Marso 2, 2019;
Bayani ng Laksambuhay at Agham sa Pilipinas
[This poem is dedicated to Dr. Perry S. Ong, Dean of the College of Science, University of the Philippines Diliman and the most prominent leader of the conservation movement in the Philippines until his untimely demise.].
Sa madilim na paligid
Ikaw ang siyang nais mabatid
Sa gitna ng kawalan
Pait sa puso'y iyong ibsan

Para kang buwan sa langit
Maningning at sadyang napakarikit
Ang iyong ngiting nakakahumaling
Nais na mapasayo, pakinggan aking hiling

Ikaw ang buwan sa aking langit
Ikaw ang nagpapawala yaring pait
Ikaw ang buwan sa madilim na gabi
Ang dahilan ng ngiti sa aking labi

— The End —